Wednesday, September 29, 2021

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Buwis sa yaman ng mga bilyunaryo, ipinanukala sa Kongreso

Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 29, 2021): Buwis sa yaman ng mga bilyunaryo, ipinanukala sa Kongreso


ANG BAYAN | SEPTEMBER 29, 2021

Ipinanukala ng mga kinatawan ng blokeng Makabayan noong nakaraang linggo ang House Bill No. 10253 para patawan ng karagdagang buwis ang pinakamayayamang kapitalistang mayroong hindi bababa sa ₱1 bilyong halaga ng ari-arian. Nakasaad sa panukala na bubuwisan ng 1% ang pag-aari ng mga kapitalistang may halaang ₱1 bilyon, habang tig-2% at 3% naman ang may ari-ariang higit sa ₱2 bilyon at ₱3 bilyon.

Ayon sa mga kongresista, umaabot sa ₱236.7 bilyon ang maaaring malikom ng estado kada taon mula pa lamang sa buwis sa 50 pinakamayayamang kapitalista sa bansa. Anila, sa loob ng mahabang panahon, buwis sa mga produktong pangkonsumo na pinapapasan sa mamamayan ang ipinapataw ng estado, habang ni minsan ay hindi ito nagpataw ng buwis sa yaman ng mga kapitalista. Layunin ng panukala na tugunan ang lumalawak na agwat sa pagitan ng pinakamayayaman at pinakamahihirap sa bansa na lalong umigting sa panahon ng pandemyang Covid-19.

Sa kasagsagan ng pandemya noong nakaraanga taon, lumaki nang 30% tungong ₱4 trilyon ang kabuuang yaman ng 50 pinakamayayamang Pilipino, habang 17 sa kanila ang nakapasok sa listahan ng Forbes ng pinakamayayamang kapitalista sa buong mundo. Nasa 0.8% lamang ng mga pamilyang Pilipino na kumikita nang ₱140,000 hanggang ₱8 milyon kada buwan ang inaasahang maaapektuhan ng batas. Sa kabilang banda, 29% ng mga pamilyang Pilipino ang nabubuhay sa badyet na ₱10,000 o mas mababa pa kada buwan. Patuloy na binabarat ang sahod ng mga manggagawa samantalang patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. t other corners of the world. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]

https://cpp.ph/angbayan/buwis-sa-yaman-ng-mga-bilyunaryo-ipinanukala-sa-kongreso/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.