Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 21, 2021): Pananagutan ni Duterte ang kanyang mga krimen sa mamamayan
RAYMUNDO BUENFUERZASPOKESPERSON
BICOL REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (ROMULO JALLORES COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY
JUNE 21, 2021
Maaaring takasan ni Duterte ang paglilitis ng International Criminal Court (ICC) o anupamang korte ng reaksyunaryong sistema, ngunit hindi niya kailanman matatakasan ang pananagutan niya sa mamamayang Pilipino. Titiyakin ng rebolusyonaryong kilusan na babayaran niya ang lahat ng kanyang krimen sa sambayanan. Lampas pa sa panahong maaari niyang itagal sa poder o ng kung sinuman sa kanyang mga inaalagaang pulitiko, walang kapagurang ipaglalaban ng mamamayan ang katarungan para sa lahat ng kapwa mahirap nilang pinatay, inapi at pinagsamantalahan ng pasistang estado.
Gaya ng mga nagdaang diktador at pasista, hindi basta patatawarin at palalampasin ng mamamayan ang terorismo ni Duterte. Hindi kailanman kumupas ang kapasyahan ng sambayanang igiit ang katarungan para sa lahat ng pinatay at tinortyur ng diktaduryang Marcos, mga dinakip at sapilitang iwinala nina Arroyo at Palparan, mga minasaker na magsasaka ng mag-inang Aquino at mga komunidad na pinalayas at sinira ng mga dambuhalang dayuhang minahan at kapitalista sa ilalim ng pamumuno ng lahat ng mga papet na pangulo.
Mulat ang mamamayang hindi nila matatagpuan ang katarungan sa reaksyunaryong sistema. Lumalakas at nagpapatuloy ang kanilang suporta sa armadong pakikibaka dahil sa rebolusyon nila natagpuan ang pag-asang matamasa ang hustisya at kasarinlan. Sa mga lugar na kinikilusan ng Bagong Hukbong Bayan at sa mga baryong mayroon nang binhi ng demokratikong gubyernong bayan, ang rebolusyonaryong kilusan ang sandigan ng mamamayan upang maresolba ang kanilang mga usapin – mula sa maliliit na problema sa kanilang mga komunidad hanggang sa pagsampa ng malalaking kaso sa mga hukumang bayan upang mabigyan ng hustisya ang mga kababaryo nilang dinahas ng mga berdugo.
Sa bahagi naman ng Pulang hukbo, ang bawat taktikal na opensiba ay isang hakbang tungo sa pagbibigay ng katarungan sa mga inaapi’t pinagsamantalahan ng pasistang estado. Nitong Marso, ang tinarget ng reyd Armando Catapia Command (ACC-BHB Camarines Norte) ay ang mismong yunit ng pulis na nagsagawa ng madugong Synchronized Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) noong Pebrero na nag-iwan ng walong patay kabilang na sina Brgy. Kgwd. Melandro Verzo at Brgy. Capt. Geoffrey Castillo.
Ang mga dambuhalang kumpanya sa minahan at quarrying na pinarusahan at naging target ng mga aksyong demolisyon ng BHB sa Albay at Camarines Sur ay ang mga kumpanyang matagal nang irinereklamo ng masa dahil sa lubhang mapaminsala nilang mga operasyon sa buhay at kabuhayan ng mga baryong nakapalibot. Lagi’t lagi, isinasaalang-alang ng BHB sa bawat aksyon ang pampulitikang ambag nito sa pakikibaka ng mamamayan.
Pinagpupugayan ng Romulo Jallores Command (RJC-BHB Bikol) ang sambayanang Pilipino sa kanilang walang humpay na pakikibaka para sa katarungan. Pinatunayan nilang hindi matitinag ang kanilang kapasyahan kahit ng pinakamasasahol na diktador tulad ni Duterte. Ang kanilang lakas at determinasyong lumaban at lumaya ang pinagkukunan ng lakas at inspirasyon ng BHB sa pagsusulong at pananagumpay ng digmang bayan.
Lumaban at lumaya! Magkalda sa tingating!
https://cpp.ph/statements/pananagutan-ni-duterte-ang-kanyang-mga-krimen-sa-mamamayan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.