Tuesday, June 22, 2021

CPP/NDF-Bicol: Liham Pakikiisa sa Pamilya’t Kaanak nina Police Patrolman Alex Antioquia at Police Patrolman Jeremie Alcantara

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 20, 2021): Liham Pakikiisa sa Pamilya’t Kaanak nina Police Patrolman Alex Antioquia at Police Patrolman Jeremie Alcantara

MA. ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

JUNE 20, 2021


Batid namin ang inyong nagpapatuloy na pagdadalamhati sa pagkasawi ng inyong mga minamahal sa buhay. Higit anupaman, layunin ng liham na ito ang ipaabot ang aming pakikiisa sa inyong hangaring papanagutin ang AFP-PNP, at ang kanilang punong kumander na si Duterte sa kanilang walang katapusan at brutal na gera kontramamamayan. Ilang libong buhay na ang nasayang dahil sa madugong kapritso ni Duterte. Sila ang nagtutulak ng gera at patayan ngunit ang mga tulad nina Pat. Antioquia at Pat. Alcantara ang kanilang ipinapain sa mga operasyong militar at sakyada. Sila ang nananawagan ng kill, kill, kill pero ang mga rank and file na pulis at militar ang napipilitang magsagawa ng marurumi nilang mga krimen. Ginawa silang mga private goons at protektor ng mga negosyo at mapaminslang proyekto. Ginawa silang mga mamamatay-tao ng kapwa nila mahihirap. Hindi nakapagtatakang marami sa hanay ng mga pulis at militar sa rehiyon ang mababa na ang morale at siya pa mismong nangungumbinsi sa masang huwag magpaloko sa mga programa ng gubyerno. Ang iba, tuluyan nang umaalis sa serbisyo. Hindi na nila masikmura ang brutalidad at terorismo sa loob ng kanilang hanay.

Alam naming hindi rin lingid sa inyong kaalaman ang kabulukan ng institusyong pinagsisilbihan nila. Nababalitaan ninyo ang kaliwa’t kanang mga pangyayari ng brutalidad, kawalang pananagutan, korupsyon at pangkalahatang kultura ng di-makataong karahasan sa PNP at AFP. Nababalitaan ninyo kung ilang libo na ang napatay sa mga operasyong Tokhang at PNP Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO).

Alam ninyong malalaki ang bitak sa pagitan ng mga upisyal ng pulis at militar dahil sa mga tunggalian sa kikbak at kurakot. Alam ninyong kaya walang nag-reinforce na militar para matulungan ang napapalabang PNP unit sa Dumagmang noong Marso 29 ay dahil nangibabaw sa mga upisyal-militar ang banggaan ng kanilang interes sa nakukuhang kikbak sa pagmimina na dumulo sa pagpapabaya at kawalang koordinasyon ng dalawang yunit.

Ayon nga sa inyo, maihahalintulad ang nangyari kina Pat. Antioquia sa trahedya ng Mamasapano at tunay nga, tulad sa sinapit ng 44 na elemento ng Special Action Force, hanggang sa kasalukuya’y wala pang napapanagot na mga upisyal ng PNP at Phil. Army sa nangyari kina Pat. Antioquia. Mistulang walang inaabot na pag-usad at malamang ay imbestigasyon lamang sa papel ang binuong Special Investigation Task Group Dumagmang na umano’y susuri kung may nangyaring kapabayaan sa naganap na reyd.

Lumalapit kami sa inyo ngayon sa pagnanais na makasama at makaisa namin kayo sa pagpapanagot sa rehimeng US-Duterte at buong institusyon ng AFP-PNP-CAFGU sa pagtataguyod at pagpapalubha ng kultura ng karahasan at terorismo ng estado. Huwag na nating hayaang mayroon pang madagdag sa bilang ng kanilang mga mersenaryo. Huwag nating hayaang mayroon pa silang isabak sa mga wala namang katuturang operasyong militar na pumipinsala sa mga komunidad ng mga gaya rin nating mahihirap. Hindi matatapos ang armadong tunggalian sa ating bansa hanggat hindi natutugunan ang mga makatwiran nating kahingian. Hanggat walang tunay na kaunlaran at kapayapaan para sa ating mga mamamayan.

Sana ay makasabay namin kayo sa labang ito. Laging bukas ang aming pinto para sa mga nagnanais ng tunay at makabuluhang pagbabago sa lipunan.

https://cpp.ph/statements/liham-pakikiisa-sa-pamilyat-kaanak-nina-police-patrolman-alex-antioquia-at-police-patrolman-jeremie-alcantara/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.