Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 20, 2021): Mga peke at sapilitang pinasukong NPA, gatasan ng kurakot ng mga upisyal-militar
MA. ROJA BANUASPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
JUNE 20, 2021
Walang kasawa-sawa ang 9th IDPA sa gasgas nilang palabas ng mga pinaparadang sumukong NPA. Habang tumatagal, lalong nagiging eksaherado at desperado ang mga eksena. Mula noong nakaraang buwan hanggang ngayon, sunud-sunod ang ilinalabas nilang balita ng daan-daan umanong sumukong NPA sa prubinsya ng Camarines Sur, Sorsogon at Masbate. Maging ang tatlong magsasakang mula sa Brgy. San Francisco, Donsol, Sorsogon na biktima ng iligal na detensyon ay pinalabas nilang kusang-loob umanong nagpabilanggo.
Masigasig ang militar sa paggawa ng ganitong mga palabas dahil isa sa pinakamalalaking gatasan nila ngayon ng kurakot ang programang pagpapasukong pinasisimunuan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Libu-libo ang naibubulsa ng kanilang mga upisyal-militar sa bawat isang pangalang naidaragdag sa listahan ng mga sumuko umanong NPA.
Habang nagpapakabusog sa kurakot, kinakain naman ng kani-kanilang mga konsensya ang mga rank-and-file na militar na siyang nagsasagawa ng mga operasyon sa baba. Marami sa kanila ang nangungumbinsi na mismo sa masa na huwag papayag na pumirma sa mga blangkong papel o kaya ay mailagay sa kung anu-anong mga listahang pinakakalat ng militar. Ang mga listahang ito, na madalas umano ay pinalalabas nilang para sa relief o kaya ay census, ang siyang pinagkukunan nila ng mga pangalang ipampupuno sa quota at ipaparadang mga sumukong NPA.
Wala na ngang humpay ang paglala ng pambansang krisis dulot ng pandemyang Covid-19, korupsyon at pandarambong pa ang inaatupag ng mersenaryong hukbo at NTF-ELCAC. Tiyak na nakikisawsaw din sa limpak-limpak na pondong ito ang pangkating Duterte at iba pang mga burukrata kapitalistang naghahabol ng pondo para sa nalalapit na eleksyong 2022.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Bikolano na ibayong palakasin ang patuloy na paglalantad sa negosyong pagpapasuko ng 9th IDPA, AFP-PNP-CAFGU at NTF-ELCAC sa ilalim ng paghahari ng pasistang si Duterte. Dapat ipanawagan ang paglipat ng pondo sa pasismo tungo sa mga sosyoekonomikong programang tunay na pakikinabangan ng mamamayan. Ipanawagan din ang tuluyang pagbuwag sa walang katuturang NTF-ELCAC na pinagpupugaran ng mga sagadsaring reaksyunaryo. Higit sa lahat, ibayong magkaisa at ibagsak ang terorista at pahirap na rehimeng US-Duterte.
https://cpp.ph/statements/mga-peke-at-sapilitang-pinasukong-npa-gatasan-ng-kurakot-ng-mga-upisyal-militar/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.