Wednesday, May 19, 2021

CPP/NPA-STROC: Pasismo ng PNP, magpapatuloy sa ilalim ni Eleazar, bagong hepe ng PNP

Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 18, 2021): Pasismo ng PNP, magpapatuloy sa ilalim ni Eleazar, bagong hepe ng PNP

ARMANDO CIENFUEGO
SPOKESPERSON
SOUTHERN TAGALOG REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (MELITO GLOR COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY

MAY 18, 2021



Mukha lamang ang ipinalit subalit nananatiling bulok, pasista at kriminal ang PNP. Hindi magbabago ang imahen ng Philippine National Police (PNP) sa pagpalit ni Guillerno Eleazar bilang bagong hepe ng PNP matapos ang pagretiro ni Debold “MaƱanita” Sinas.

Mananatili ang mersenaryo at anti-mamamayang tradisyon ng PNP kahit palitan ito ng nagpopusturang malinis na bagong hepe ng PNP sa katauhan ni Eleazar na nangangakong rerepormahin ang hanay ng kapulisan. Tulad ng mga nauna sa kanya, ipagpapatuloy niya ang mersenaryo at madugong rekord ng pasistang institusyon gaya ng kabi-kabilang pagpatay at iligal na pang-aaresto. Sa ilalim ng kanyang pamumuno sa National Capital Region Police Office (NCRPO), nanatiling talamak ang pamamaslang sa mga pinaghihinalaang adik at tulak ng droga sa Oplan Tokhang.

Nais bigyan ni Eleazar ng maamong imahen ang PNP sa mata ng mamamayan sa kanyang unang kautusan na hindi dapat saktan o parusahan ang mga inaarestong lumalabag sa health protocol at curfew. Subalit sino ang maniniwala na sa isang iglap ay magbabago ang imahen ng PNP na mula’t sapul nang itinatag ito ay kabilang na sa marahas na instrumento ng mga naghaharing-uri sa pagsupil at pagsasamantala sa mamamayan?

Pugad ng mga sindikatong kriminal, mamamatay-tao at mapang-abuso sa kapangyarihan ang PNP. Sa mersenaryo at pasistang oryentasyon nito, hindi ito aasahang magtatanggol sa interes ng mga api’t pinagsasamantalahan dahil tagapagpatupad ito ng mga kontra-mamamayan at kontra-demokratikong mga batas ng mga naghaharing uri sa lipunang Pilipino. Sa bawat naitatalang krimen ay may pulis na kasangkot. Mga matataas na upisyal ng pulisya hanggang sa karaniwang raso, ang utak at sangkot ng mga sindikatong kriminal sa iligal na droga, ismagling, gun-for-hire, kidnap-for-ransom, protection racket sa mga prostitusyon at iligal na pasugalan, kotong at marami pang iba.

Kaya asahan ng mamamayang Pilipino na magpapatuloy ang mga karumal-dumal na krimen at patong-patong na mga kaso ng PNP sa bayan. Kailangang patuloy na labanan ng mamamayang Pilipino ang kriminal at bulok na PNP. Panagutin nila ito sa mga kasuklam suklam na krimen nito sa bayan.

Makakaasa ang mamamayang Pilipino sa rebolusyonaryong kilusan at NPA na gagawaran ng rebolusyonaryong hustisya ang mga sagadsarin at pasistang kasapi ng PNP at pagbabayarin ang mga ito sa kanilang krimen sa bayan.

Sa pagwawagi ng demokratikong rebolusyong bayan, dudurugin at wawakasan ang marahas na instrumento ng estado—tulad ng PNP at AFP—laban sa mamamayan. Sa pagtatayo ng tunay na gubyerno ng mamamayan, itatag ang mga institusyong tunay na naglilingkod at nagtatanggol sa mamamayang Pilipino.###

https://cpp.ph/statements/pasismo-ng-pnp-magpapatuloy-sa-ilalim-ni-eleazar-bagong-hepe-ng-pnp/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.