Thursday, December 3, 2020

CPP/NPA-ST ROC: Pagbayarin nang mahal ang berdugong 2nd ID at PNP-Rizal sa pagpaslang sa mag-asawang kadre at lider ng CPP-NPA

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 3, 2020): Pagbayarin nang mahal ang berdugong 2nd ID at PNP-Rizal sa pagpaslang sa mag-asawang kadre at lider ng CPP-NPA

ARMANDO CIENFUEGO
SPOKESPERSON
SOUTHERN TAGALOG REGIONAL OPERATIONAL COMMAND
MELITO GLOR COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY

DECEMBER 03, 2020



Mariing kinukundina ng Melito Glor Command – New People’s Army Southern Tagalog (MGC-NPA ST) ang brutal na pagpaslang ng 2nd ID-PNP-Rizal sa mag-asawang Eugenia Martinez Magpantay, 69 at Agaton Topacio, 69, sa kanilang tahanan sa Kinglet St., Meralco Village, Brgy. Mababang Parang, Angono, Rizal bandang 3:30 ng madaling araw ng Nobyembre 24. Pinalabas ng mga berdugo na ‘nanlaban’ ang mga biktima kaya pinaulanan nila ng putok ang bahay. Sina Topacio at Magpantay ay parehong mga kadre at lider ng CPP-NPA.

Kasinungalingan ang ipinapalabas ng 2nd ID-PNP Rizal na engkwentro ang naganap at ‘nanlaban’ ang mga biktima. Sina Magpantay at Topacio ay kapwa may mabigat na karamdaman bunga ng katandaan, di armado at walang kapasidad na lumaban o mga hors de combat. Wala itong ipinagkaiba sa mga gasgas nang kwento ng AFP-PNP sa kanilang mga biktima ng Oplan Tokhang at sa mga nakaraang pamamaslang sa mga kadre at kasapi ng Partido tulad nina Ermin “Ka Romano” Bellen, Julius “Ka Nars” Giron at Mario “Ka Jethro” Caraig. Malaon na itong modus ng AFP-PNP upang ikatwiran ang kanilang pagpatay sa mga walang kalaban-labang biktima.

Bago ang madugong operasyon ng PNP-Rizal, sinampahan sina Topacio at Magpantay ng mga gawa-gawang kasong murder at attempted homicide na ginawang tuntungan ng PNP-Rizal upang maisagawa ang estilong Tokhang na pagpatay sa mga biktima. Ang AFP-PNP ay may mahabang rekord sa brutal na pagmamaslang sa mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa tulad sa mga NDFP Consultant na sina Randy Malayao at Randall Echanis. Sila rin ang salarin sa pagpatay sa mga lider-magsasaka at lingkod-bayan sa Timog Katagalugan na sina Armando Buisan noong Nobyembre, Froilan Reyes noong Hunyo at Adonis Shu noong Pebrero.

Ang pagtugis at walang-awang pagpatay sa mag-asawang Topacio at Magpantay na walang kalaban-laban ay bahagi ng isinusulong na gera ni Duterte laban sa mamamayan sa ilalim ng NTF-ELCAC at paggamit sa bisa ng Anti-Terrorism Act of 2020 (ATA). Naghuhuramentado ang NTF-ELCAC na makamit ang target ng rehimeng Duterte na lipulin ang CPP-NPA-NDFP bago matapos ang panunungkulan nito. Hibang na hibang ang NTF-ELCAC na pugutan ng ulo ang rebolusyonaryong kilusan sa pagtarget sa mga kilalang kadre at lider ng kilusan. Ginagamit nila ang    ATA, upang malayang pumaslang nang walang pananagutan habang tinatatakang “terorista” ang CPP-NPA-NDFP, maging ang mga progresibo, makabayan at mga kritiko ng rehimen.

Hindi makikitil ng rehimeng Duterte ang rebolusyonaryong diwa ng mamamayan sa pagpatay kina Topacio at Magpantay. Magsisilbi silang inspirasyon sa bagong henerasyon ng mga kadre at kasapi ng CPP-NPA-NDFP na handang tanganan ang mga naiwang gawain at ipagpatuloy ang kanilang mga sinimulan sa rebolusyon.

Kailangang pagbayarin nang mahal ang 2nd ID-PNP-Rizal sa pagpatay sa mag-asawang Topacio at Magpantay at sa tatlong martir ng Antipolo na sina Ermin “Ka Romano” Bellen, Jose Villahermosa at Lucio Simporoso noong Disyembre 5, 2019. Igagawad ang rebolusyonaryong hustisya sa tamang panahon sa pasistang 2nd ID-PNP-Rizal sa lahat ng mga atrosidad at terorismong inihahasik nila sa bayan. Higit na pag-iibayuhin ng rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan ang pagsusulong ng armadong pakikibaka kahit sa harap ng umiigting na atake ng rehimeng US-Duterte.###

https://cpp.ph/statements/pagbayarin-nang-mahal-ang-berdugong-2nd-id-at-pnp-rizal-sa-pagpaslang-sa-mag-asawang-kadre-at-lider-ng-cpp-npa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.