Thursday, December 3, 2020

CPP/NDF-Bicol: Katrayduran sa Rebolusyonaryong Pamana ni Bonifacio ang Kampanyang Pagdurog ni Duterte at ng AFP sa Armadong Pakikibakang Ilinulunsad ng Mamamayan

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 3, 2020): Katrayduran sa Rebolusyonaryong Pamana ni Bonifacio ang Kampanyang Pagdurog ni Duterte at ng AFP sa Armadong Pakikibakang Ilinulunsad ng Mamamayan

MA. ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL

DECEMBER 03, 2020



Kung nabubuhay si Andres Bonifacio ngayon, tiyak biktima siya ng maitim na propaganda at kampanyang pandarahas ni Duterte at ng AFP-PNP. Tiyak siyang ituturing na terorista, pasusukuin o kaya’y tatangkaing paslangin sa istilong Tokhang o sa mga malakihang strike operations ng militar. Tiyak niyang maririnig sa midya ang paulit-ulit na mga propagandang itim ng militar na walang katuturan ang armadong pakikibaka.

Makabuluhang binago ng armadong rebolusyong sinimulan ni Bonifacio at ng Katipunan ang kasaysayan. Sa pagtangan ng armas, napabagsak ng sambayanang Pilipino ang kolonyalismong Espanyol, nagapi ang pananalakay ng Hapones, at tuluy-tuloy pang nagkakamit ng tagumpay sa paglaban sa patuloy na kontrol ng imperyalistang US sa bansa.

Katipunan noon, New People’s Army ngayon: ang adhikain ni Bonifacio na pambansang paglaya, pagtataguyod sa mga kalayaang sibil at tunay na reporma sa lupa bilang saligang demokratikong kahingian ng masa ay binitbit at patuloy na ipinaglalaban ng mga sumunod na armadong kilusang rebolusyonaryo’t mapagpalaya. Sumibol ang mga armadong kilusang sinimulan ng mga makabayang sina Macario Sakay at ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon o HUKBALAHAP sa pamumuno ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas. Ngayon, ipinagpapatuloy ng bagong tatag na Partido Komunista ang isang bagong tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng New People’s Army at ng ilinulunsad nitong matagalang digmang bayan sa inspirasyon ng mga saligang programa ng Katipunan para sa tunay na panlipunang pagbabago.

Traydor sa kasaysayan si Duterte at ang AFP sa desperasyon nitong wakasan ang armadong pakikibaka bilang makapangyarihan at soberanong sandata ng mamamayan upang tuluyang makamtan ang tunay na kalayaan mula sa imperyalistang pananakop at pyudal na pagsasamantala. Sa halip na tapat na tugunan ang ugat ng armadong sigalot, nililibak nila ang makasaysayan at prestihiyosong tradisyon ng armadong paglaban bilang lipas, papahina at isang teroristang hakbangin. Ipinagpapalagay nilang madadaan sa mga mapanlinlang na palabas ng kaunlaran ang pagbitiw ng mamamayan sa kanilang karapatang tumangan ng armas. Ibinubuhos nila ang buu-buong rekurso ng estado sa kampanyang pandarahas sa ilalim ng gera kontra NPA upang supilin ang makatwirang paglaban ng mamamayan para sa kanilang interes.

Subalit matutulad lamang si Duterte, sampu ng kanyang mga berdugong heneral at pasistang tauhan, sa sinapit ng mga taksil sa kasaysayan at sa rebolusyon tulad nina Aguinaldo: lumipas, baon sa limot at walang pagdakila. Walang saysay ang pinakamodernong makinaryang militar at panloloko ng estado hangga’t naririyan pa rin ang saligang ugat ng problemang panlipunang nagtutulak sa mamamayan upang lumaban. Sa halip, ipinagpapatuloy ng mamamayang Pilipino ang armadong rebolusyon dahil hindi pa rin tayo malaya sa dayuhang pananakop, wala pa ring lupa ang mga magsasaka, at hindi pa rin natin lubusang tinatamasa ang kalayaan at karapatang sibil. Pinanghahawakan nila ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan sa adhikaing ito.

Kaya nananalaytay sa dugo ng mamamayang Pilipino ang pagiging rebolusyonaryo. Patuloy nilang dinadakila si Bonifacio dahil pinatutunayan ng kanyang rebolusyonaryong buhay na ang masa ang siyang tunay na bayani’t tagapaglikha ng kasaysayan.#

https://cpp.ph/statements/katrayduran-sa-rebolusyonaryong-pamana-ni-bonifacio-ang-kampanyang-pagdurog-ni-duterte-at-ng-afp-sa-armadong-pakikibakang-ilinulunsad-ng-mamamayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.