Friday, December 11, 2020

CPP/CIO: Reaksyon sa ipinagmamalaki ng DILG na 1,546 LGUs na nagdeklarang persona non grata ang CPP-NPA

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 12, 2020): Reaksyon sa ipinagmamalaki ng DILG na 1,546 LGUs na nagdeklarang persona non grata ang CPP-NPA

MARCO VALBUENA
CHIEF INFORMATION OFFICER
COMMUNIST PARTY OF THE PHILIPPINES

DECEMBER 12, 2020



Ang tanong, bakit hindi pa nila nagawang lahat ng 1,715 na LGU na i-declare na “persona non grata” ang CPP at NPA? Tutal, pinipilit lang naman nila ang mga LGU na pumirma sa template declaration na gawa ng DILG, sa bantang hindi sila mabibigyan ng pabor sa pondo.

Ang “persona non grata” drive ng DILG ay katulad lang ng paggamit ni Duterte sa “narcolist” para paluhurin o obligahin ang mga local officials na sumunod sa dikta ni Duterte sa bantang ipapapatay sila, o sa minimum, ipakukulong.

Karamihan sa mga ito ay bunga lang ng pamimilit at hindi tunay na kusang-loob. Marami nga sa mga naghapag ng resolution ay mga batallion commander pa mismo. Alam namin ito dahil bago sila pumirma, maraming mga local officials sa iba’t ibang prubinsya at mga bayan ang nakipag-ugnayan sa mga lokal na lider ng Partido at NPA at nagpabatid muna na sila ay pipirma. “Compliance lang,” ang sabi nila, para daw hindi sila mapag-initan.

Kung batay sa konstitusyong 1987, walang legal basis o bisa itong “persona non grata” declaration. Katunayan, sinasabi ng ilang ekspertong ligal na taliwas ito sa mga saligang karapatan. May mga kaso nang ginagamit ito sa paglabag sa karapatan ng mga tao na mag-organisa ng kanilang mga samahan. May mga peasant organizers ang hinaharang ng mga sundalo sa simpleng dahilan na “maka-Kaliwa” ang kanilang grupo.

Pilit ring ginagamit ng AFP ang mga LGU sa “surrender drive” ng AFP sa mga baryo na lumalabag sa karapatan ng mga sibilyan na pinipilit magtaas ng kamay matapos silang paratangang “NPA” kahit wala naman pormal na habla. Pinapipirma lang ang mga tao sa blangkong papel o attendance sheet para sa pamimigay ng mga grocery bag tapos palalabasin na silang “surrenderee.” Nadadamay dito pati ang mga bata. Siyempre, malaking pera ito para sa mga upisyal ng militar na silang kumokontrol sa pondo para sa “integration program,” atbp. Hindi bababa sa P1 milyon ang kaya nilang ibulsa sa bawat 20 pangalang mailista nila.

Itong ipinagmamalaki ng DILG na “persona non grata” drive ay nagpapakita kung papaanong mabilis na naglalaho ang “civilian control over the military” sa ilalim ni Duterte dahil ginawa na niyang centerpiece program niya ang counterinsurgency na nagbibigay ng palaki nang palaking kapangyarihan sa AFP. Kabaligtaran ng susunod ang military at pulis sa ano ang sasabihin ng civilian official, ang nangyayari ngayon ay “kung ano ang sabihin ng military at PNP, siyang dapat masunod.” Ang mismong DILG ay ipinailalim sa kontrol ng isang heneral.

Sa pamamagitan ng sinasabing “whole of government approach” (na sikretong kinaiinisan ng maraming local officials) nagawang ma-institutionalize ang military control sa lahat ng aspeto ng civil rule. Lahat ng kapangyarihan ay nagmumula ngayon sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), kung saan lahat ng programa ng mga ahensya ng gubyerno ay kailangan aprubado ng AFP at nagsisilbi sa counterinsurgency.

Pero marami ring mga local officials na malakas-lakas ang loob nang hindi sila pumayag sa “persona non grata” drive ng DILG, tulad ng Manila, Quezon City, Iloilo City, Cavite province atbp.

Mas matalino sila kaysa DILG dahil nakikita nila na hindi madadaan sa ganoong mga deklarasyon ang paglutas sa usapin ng armadong tunggalian sa Pilipinas. Sa halip nga na makatulong, nakikita nilang lalo pa iyong nakasisira sa tsansang madaan sa negosasyong pangkapayapaan ang paglutas sa rumaragasang gera sibil sa bansa.

https://cpp.ph/statements/reaksyon-sa-ipinagmamalaki-ng-dilg-na-1546-lgus-na-nagdeklarang-persona-non-grata-ang-cpp-npa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.