PATNUBAY DE GUIASPOKESPERSON
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
NOVEMBER 09, 2020
Dapat na malakas na kondenahin ng sambayanan ang pagtatalaga ni Rodrigo Duterte kay Gen. Debold Sinas bilang bagong pinuno ng PNP. Si Sinas ay pamoso sa walang-habas na pag-aboso at paglabag sa karapatang tao ng mamamayan at naging bantog sa mga madugong kampanya ng panunupil sa mga lider at kasapi ng mga progresibong organisasyon ng mamamayan sa Negros at NCR bago pa nahirang sa pinakamataas na pwesto sa PNP.
Ang pagtalaga ni Rodrigo Duterte kay Sinas bilang hepe ng PNP ay patunay ng kanyang maitim na pakana na ipwesto ang mga matatapat at pinakasagad-saring pasista sa burukratiko-militar na makinarya ng estado ng mga malalaking kumprador-panginoong maylupa’t burukrata—upang ilatag ang kundisyon sa lantarang paghaharing militar at pagpapalawig ng paghahari ng kanyang angkan.
May matibay na batayan at dahilan ang sambayanang Pilipino na magsalita at kumilos upang tutulan at mariing batikusin si Duterte sa pagtatalaga niya kay General “Mañanita” Sinas bilang bagong hepe PNP kapalit ng bagong kareretirong si General Camilo Cascolan. Labis silang nangangamba at natatakot sa maaaring kahantungan ng kanilang buhay sa kamay ng mga pulis ngayong si General Sinas na ang bagong pinuno ng PNP na kilala sa pagiging berdugo, kriminal, mamamatay-tao at pusakal na nilalapastangan ang karapatang pantao at sibil ng mamamayan.
Nagpupuyos ang galit ng mga mamamayan sa rehiyong Timog Katagalugan sa pasistang rehimeng US-Duterte sa pagtatalaga na naman ng isang pusakal, berdugo, mamamatay-tao at talamak na human rights violators sa makapangyarihang pusisyon sa PNP sa katauhan ni General “Mañanita” Sinas. Walang kahihiyan na pinili pa rin ni Duterte si General Sinas sa kabila na may hinaharap itong kabit-kabit na kasong administratibo at kriminal, kasama ang 18 pang matataas na opisyal ng National Capital Region Police Office nang magsagawa ito ng birthday party sa kaarawan ni General Sinas noong Mayo, 2020 na nilabag ang mga pinaiiral na health protocol sa ilaim ng pandemya. Binalewala ni Duterte ang kaso ni General Sinas at mas pinahalagahan ang personal na katapatan nito sa kanya bilang maaasahang asong tagasunod na mahigpit na magpapatupad ng kanyang mga anti-mamamayan at anti-demokratikong batas at kautusan.
Matatandaan na malawakang binatikos ng taumbayan ang lantarang paglabag ni General Sinas nang magsagawa ito ng birthday party para ipagdiriwang ang kanyang kaarawan noong Mayo 3, 2020. Itinanggi niyang “birthday party” ang kanilang isinagawa kundi isang “mañanita” bilang paraan ng pagbati sa kanyang kaarawan. Walang naniwala sa kanyang mga palusot dahil sa mga larawan na inilabas ng kanyang sariling opisina sa social media sa naganap na birthday party. Mula noon binansagan na siya bilang General “Mañanita” Sinas.
Nakilala at naging bantog si General Sinas, hindi dahil sa kanyang husay at integridad bilang opisyal ng PNP, kundi sa kanyang pagiging berdugo, mamamatay tao at talamak na human rights violator lalo na noong hawakan niya ang pamununo sa PNP Region 7 mula Hulyo 2018 hanggang Oktubre 2019 bago maitalaga at maging pinuno naman siya ng PNP-National Capital Region o PNP-NCR.
Si General “Mañanita” Sinas bilang PNP-Region 7 ang pangunahing nagpatupad sa Synchronized Enhanced Managing Police Operation (SEMPO) at Oplan Sauron at Memorandum Circular No. 32 (MO 32) na inilabas ng Malacañang noong Nobyembre 22, 2018 na pangunahing pinuntirya ang mga aktitibista, mga progresibong indibidwal, organisyon at mga kilalang kritiko ng gubyernong Duterte sa mga rehiyon ng Samar, Bikol at Isla ng Negros.
Ilang buwan lamang matapos ilabas ang MO 32, sa ilalim ng pamununo ni General Sinas, noong Abril 3, 2019, 14 na magsasaka sa Negros Oriental ang walang awang pinagpapaslang ng mga elemento ng PNP at AFP alinsunod sa pinatutupad na SEMPO at Oplan Sauron.
Ngunit, hindi pa man nailalabas ang MO No. 32, sa panahon ng panununkulan ni General Sinas bilang hepe ng PNP-Region 7, laganap na ang mga karahasan sa Central Visayas ng AFP at PNP, lalo na Isla ng Negros. Noong Oktubre 2018, siyam (9) na magsasaka na kabilang sa National Federation of Sugar Workers-Negros ang minasaker ng mga armadong ahente ng estado. Sa sumunod na buwan ay pinaslang naman si Atty Benjamin Ramos, ang abogado ng mga biktimang magsasaka at isang human rights lawyer at kasaping tagapagtatagang National Union of People’s Lawyer.
Hindi pa dito nagtapos ang mga karumal dumal na krimen na ginawa nina General Sinas habang siya ang pinuno ng PNP-Region 7. Sunod-sunod pa ang mga extra judicial killings (ejk) sa Isla ng Negros kung saan ang mga biktima ay nakaranas muna ng red-tagging at terrorist-labelling. Sinundan ito ng sunod-sunod at maramihang mga pag-aresto at pagpapakulong sa mga aktibista at lider ng mga progresibong organisasyon sa Negros Occidental at Negros Oriental batay sa mga gawa-gawang kaso.
Si General Sinas din ang pangunahing tao ni Duterte na nagpatuloy sa madugong gyera nito laban sa iligal na droga sa Central Visayas. Ayon sa Commission on Human Rights (CHR) sa inilabas nitong pahayag noong Pebrero 2019, sa panahon ni Sinas, biglang lumobo ang mga hindi nareresolbang mga kaso ng pagpatay, kung saaan ang daan-daang mga biktima ay pinaghihinalaang may kaugnayan sa pagbebenta ng iligal na droga. Dagdag pa ng CHR, sa panahon ni Sinas, ang Central Visayas ang ika-apat sa buong bansa na may pinakamaraming mga napapatay na may kaugnayan sa droga.
Sa pagkatalaga kay General Debold “Mañanita” Sinas bilang pinuno ng PNP, minsan pang pinatunayan ni Duterte na hindi ang pagkakaroon ng malinis na rekord at integridad ang pangunahing pinagbabatayan ng kanyang paghirang sa mga pinuno ng AFP at PNP. Personal na katapatan sa kanya at hindi sa sinumpaang tungkulin sa reaksyunaryong konstitusyon ang mahalaga kay Duterte sa mga hihiranging pinuno ng AFP at PNP at sa iba pang instrumentalidad ng panunupil at panlilinlang ng estado. Pinipili ni Duterte ang opisyal na magiging matapat na utusang aso sa pagpapatahimik sa mga itinuturing niyang kaaway ng estado. Inilalagay niya sa pinakamataas na katungkulan sa AFP at PNP ang mga maaasahan na magtatanggol sa interes ng lokal na naghaharing uri at among imperyalista. Para kay Duterte ang pagiging brutal, berdugo, mamamatay tao at mga walang pakundangan sa paglabag sa karapatang pantao ang pinakamataas na kwalipikasyon sa mga magiging pinuno ng AFP at PNP.
Ang masahol at karumal-dumal na mga pagpatay at track record ni General “Mañanita” Sinas ang nagbigay daan para hirangin siya ni Duterte bilang bagong hepe ng PNP. Si General Sinas ay pasok na pasok sa pamantayan ni Duterte dahil kawangis niya ang pagkatao nito.
Kung may General “Mañanita” Sinas ang PNP, mayroong General “Red-Tagger” Antonio Parlade, Jr naman ang AFP. Hindi malayong hirangin din ni Duterte si General Parlade bilang kasunod na hepe ng AFP. Hamak na mas matindi kung magbuga ng lason, brutalidad at pagiging kriminal na mamamatay tao si General “Red-Tagger” Parlade kumpara kay General “Mañanita” Sinas.
Ang pagkakahirang ni Duterte kay General “Mañanita” Sinas ay isa na naman sa marami niyang nagawang kapalpakan, kahihiyan at kasalanan sa bayan. Dapat puspusang magpunyagi ang sambayanang Pilipino sa paglaban at pagsusulong ng iba’t ibang anyo ng pakikibaka para ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte. Hangga’t nasa kapangyarihan ang traydor, tiraniko, inutil, pabaya at kriminal na si Duterte, marami pa itong magagawang kasalanan sa bayan at lalong maglalagay sa matinding kahirapan at krisis ang sambayanang Pilipino. ###
https://cpp.ph/statements/kondenahin-ang-paghirang-ni-duterte-kay-general-debold-mananita-sinas-bilang-bagong-pinuno-ng-philippine-national-police-pnp/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.