Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 3, 2020): 26 Pekeng Pasuko sa Masbate: Dagdag Patunay na si Duterte, ang AFP at PNP ang Nangungunang Tagapagpalaganap ng Fake News at Disimpormasyon sa Bansa
FLORANTE OROBIASPOKESPERSON
NPA-ALBAY
SANTOS BINAMERA COMMAND
BICOL REGIONAL OPERATIONAL COMMAND
ROMULO JALLORES COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
OCTOBER 03, 2020
OCTOBER 03, 2020
Nakikiisa ang Santos Binamera Command-Bagong Hukbong Bayan Albay sa pagkundena sa panibagong serye ng pekeng pagpapasuko ng 26 sibilyan sa bayan ng Milagros, Masbate noong Setyembre 23, 2020. Sa naturang aktibidad, ipinagmayabang pa ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict na sa naturang prubinsya umano naitala ang pinakamaraming sumukong rebelde sa buong bansa.
Nakatuntong ang ipinagmamayabang ni Duterte at ng AFP-PNP-CAFGU na pagkaubos ng Bagong Hukbong Bayan sa patung-patong na eskandalo ng kasinungalingang laganap nang umaalingasaw sa publiko. Sariwa pa nga sa publiko ang pekeng balita ng 2nd Infantry Battallion sa tapal-tapal na imahe para sa 306 umano ay sumuko sa Masbate City noong Disyembre, 2019. Nahaharap din ngayon ang pamunuan ng AFP at PNP sa malaking eskandalo matapos alisin ng Facebook ang daan-daang social media accounts na naglalaman ng mga pekeng balita at paninira sa mga progresibong grupo at indibidwal. Inamin din ng mismong direktor ng pambansang ahensya sa paniktik na si Director General Alex Paul Monteagudo na siya ay nagshe-share ng mga fake news sa naturang social media site. Kinailangan pang pagbantaan ni Duterte ang Facebook para lamang pahupain ang paghagulgol ng mga upisyal ng AFP at PNP sa pangyayari.
Sa kabila nito, tigas-mukha pa ring ginagamit ng Joint Task Force Bicolandia (JTFB) at RTF-ELCAC ang mga luma, paulit-ulit at hindi kapani-paniwala nitong mga estilo ng panlilinlang para pagtakpan ang bigong pakana ng kanilang punong kumander na si Duterte na durugin ang rebolusyonaryong kilusan.. Paanong tutugma ang pagtaya ng AFP na mayroon na lamang umanong 4000 kabuuhang pambansang lakas ang NPA sa kahina-hinalang libu-libong bilang pinasuko sa prubinsya pa lamang ng Masbate?
Paulit-ulit na red-tagging, mga gawa-gawang enkwentro, estilong Tokhang nanlaban na pamamaslang sa magsasaka gamit ang mga arrest warrant na walang due process, mga pekeng surenderi, pakitang-taong proyekto at paulit-ulit na paninisi sa NPA: sa ganitong pare-parehong padron lamang sistematikong nilalason at iniinsulto ng AFP at PNP ang dunong at pagsusuri ng mamamayan.
Masahol, pinopondohan nila nang P19 bilyon ang NTF-ELCAC para lamang ipakalat ang ganitong klase ng mga panloloko. Ito ba ang landas ng kaunlarang sinasabi ni Duterte at ng mga pasistang upisyal ng AFP at PNP?
Sa sistematikong pagkalantad ng panlilinlang ng mismong pambansang pamunuan ng militar at pulis, anong katotohanan pa ang maaasahan ng masang Albayano sa mga ipinalalabas na balita ng JTFB at RTF-ELCAC? Walang kredibilidad at hindi mapagkakatiwalaan ang patung-patong na pahayag ng militar kabilang ang nangyaring pamamaslang sa dalawang barangay official sa Batbat, Guinobatan at sa mga sibilyang pinaslang sa Mandaon, Masbate na pinalabas bilang mga NPA. Marami-rami na rin ang mga kasong nalantad ang panloloko ng militar sa rehiyon tulad ng nabunyag na pagpapanggap ng militar na si Joselito Naag bilang umano’y sumuko na NPA dito sa Albay, at ang pagpapatunay ng LGU ng Pandan, Catanduanes na sibilyan ang limang magsasakang pinatay ng militar noong Set. 22, 2019.
Mahalaga ang papel ng midya sa panahon ng malaganap at sistematikong panlilinlang ng rehimen. Huwag tayong matakot at hayaang maging pasibong tagatanggap ng mga pekeng balita at propaganda ni Duterte at ng militar. Tularan ang mga kagawad ng midyang tulad ni Jobert Bercasio na hanggang sa huli’y nanindigan para sa katotohanan at interes ng taumbayan. Pumunta rin tayo sa mga komunidad ng kanayunan at liblib na lugar nito upang alamin ang tunay na mga pangyayari at kalagayan ng masang magsasaka.
Nananawagan ang SBC-BHB Albay sa mamamayang Albayano na higit pang maging mapanuri at mapagbantay. Nasa rurok ng desperasyon ang JTFB. Huwag magpalinlang at hayaang patuloy itong gawing tuntungan ng militar para patindihin ang kanilang pang-aabuso. Sa halip, ilantad at kundenahin bawat kaso ng karahasan at pang-aatake ng militar sa ating mga karapatan. Ipaglaban ang hustisya at panagutin ang AFP-PNP-CAFGU sa kanilang mga pasistang krimen.
Ang mga taktikal na opensiba ng Santos Binamera Command – BHB Albay at iba pang komand ng mga probinsya ng rehiyong Bikol ang patunay sa kabulastugan ng mga “pekeng pagsuko”, lubhang katawa-tawa at tampulan ng kantyaw ng iniinsultong dunong ng masang Bikolano sa tuwinang lumalabas sa midya ang mga ito. Sa patuloy na paglakas ng BHB at rebolusyonaryong pakikibaka, muling matatala sa kasaysayan ng lipunang Pilipino ang panibagong dagundong ng kilusang masang magpapatalsik sa tirano, traydor sa bayan, kurapto, punong druglord at palsipikador ng balita na Panggulong Duterte at mga alipures nito.
https://cpp.ph/statements/26-pekeng-pasuko-sa-masbate-dagdag-patunay-na-si-duterte-ang-afp-at-pnp-ang-nangungunang-tagapagpalaganap-ng-fake-news-at-disimpormasyon-sa-bansa/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.