Thursday, September 24, 2020

Tagalog News: Grupong dating binuo ng CPP-NPA, rehistrado na bilang bagong samahan ng mga magsasaka

From the Philippine Information Agency (Sep 24, 2020): Tagalog News: Grupong dating binuo ng CPP-NPA, rehistrado na bilang bagong samahan ng mga magsasaka (By Camille C. Nagano)

LUNGSOD NG CABANTUAN, Setyembre 24 (PIA) -- Rehistrado na sa gobyerno bilang bagong asosasyon ang grupong dating binuo ng Communist Party of the Philippines-New Peoples’ Army o CPP-NPA.

Pormal na tinanggap nitong Martes ng Bagong Pag-asa Farmer Association ang kanilang Certificate of Registration mula sa Department of Labor and Employment.

Sila ay mga dating miyembro ng Damayan ng Mamamayan Laban sa Kaapihan at Kahirapan na binuo ng CPP-NPA.

Ayon kay 84th Infantry Battalion Commanding Officer Lieutenant Colonel Honorato Pascual, Jr., ang kanilang pagkakatala bilang bagong samahan ay ang simula para sa progresibong pamumuhay na malayo sa dating ugnayan sa kaliwang grupo.

Sa pamamagitan din nito aniya ay magbubukas ang maraming oportunidad at benepisyong maaaring makamit mula sa mga programa ng gobyerno.

Pahayag ni Pascual ay mananatili at patuloy na aalalay ang mga kasundaluhan sa ikatatatag ng mga samahan sa komunidad upang mailayo sa impluwensiya at masamang maidudulot ng CPP-NPA.

Ang pagtutulungan ng iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan upang magbigay ayuda sa mga katulad na organisasyon ay bahagi sa pagtupad sa Whole-of-Nation Approach sa ilalim ng Executive Order No. 70 na layong mabigyang solusyon ang mga suliraning dulot ng insurhensiya.

Pahayag naman ni Marites Balasoto, pinuno ng Bagong Pag-asa Farmer Association na mananatili silang papanig at susuporta sa mga gawain ng gobyerno tungo sa mapayapang pag-unlad ng grupo.

Kaugnay nito ay kanilang nilagdaan ang deklarasyong Persona Non-Grata sa makakaliwang grupong CPP-NPA.

Kabilang sa mga nakalinyang programa para sa bagong asosasyon ay ang financial literacy program na handog ng pamahalaang bayan ng Licab.

Ayon kay Mayor Eufemia Domingo, maaasahan ng grupo ang buong suporta ng pamahalaang lokal sa kanilang mga magiging gampanin.

Pinuri naman ni 7th Infantry Division Commander Major General Alfredo Rosario, Jr. ang mga hakbangin ng mga kasundaluhan at mga miyrembro ng Task Force to End Local Communist Armed Conflict na pagbibigay ng panibagong simula sa organisasyon tungo sa tuwid na landas sa panig ng gobyerno.

Kaniya ding binibigyang halaga ang gampanin ng mga magsasakang miyembro ng bagong organisasyon na mga mahahalagang haligi ng komunidad at sektor ng agrikultura. (CLJD/CCN-PIA 3)

https://pia.gov.ph/news/articles/1054139

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.