Daba-Daba propaganda cultural feature posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 17, 2020): Kwentong integrasyon ng isang expat: Sa gitna ng putik at mga unos
| CULTURAL | FEATURESSEPTEMBER 17, 2020
Kwento ng unang integrasyon sa Bagong Hukbong Bayan ng isang Pilipinong expat(1)
ni Kasamang Jane
Sa pag-akyat ko sa maputik na daan, lumuwag ang aking pagkapit sa mga bato. Nadulas ako at nasugatan ang putikan ko nang tuhod. “Bakit nandito ako?” “Ano ang ginagawa ng isang dayong taga-lunsod sa gitna ng kagubatan patungo sa isang larangang gerilya?” Lubhang malayo ito sa aking kumportableng burges na pamumuhay kagaya ng iba pang Pilipinong lumaki sa ibang bansa. Hindi kami lumaki sa putikan at tag-ulan, hindi nakauunawa ng kahirapan ng mga magsasaka, ng mga manggagawa sa mga pabrika, nahihiwalay sa katutubong wika’t mga tradisyon–labis na malayo sa rebolusyon.
Ngunit kaming may 10 milyong Pilipinong nasa labas ng bansa ay bahagi rin ng pambansa-demokratikong kilusan. May papel din kami sa pakikibaka para ipagtagumpay ang kalayaan para sa Pilipinas at ng mga manggagawa sa buong mundo.
Naramdaman ko ang kahirapan sa aking paglakad sa maputik na daan. Ilang beses akong nadulas at bumagsak. Sa labas ng bansa, marami sa amin ang may pakiramdam na parang hindi sapat ang aming pakikibaka o parang wala kaming maitulong dahil masyadong malayo kami sa rebolusyon. Isa pa’y ang impluwensya ng kaburgisan. May ilang mga kasama ko doon na nanghina at naguluhan dahil hindi nila mailugar ang kanilang sarili bilang Pilipino at sa kalagayan ng Pilipinas.
Ito ang dahilan kung bakit determinado akong makipagsalamuha sa New People’s Army (NPA) para lubos kong maunawaan ang rebolusyonaryong pakikibaka. Paano natin maipalaganap ang kawastuhan ng rebolusyong Pilipino kung hindi natin ito personal na mararanasan? Sabi nga ng aking kakilalang si Kasamang Paul, “Paano mo mauunawaan ang isang bagay kung hindi mo ito sinusubukan?”
Sa loob lamang ng ilang araw, mabilis kong nalaman kung paano tinutulungan ng NPA ang mamamayan para sa kanilang mga karapatan sa lupa… Marami akong natutunang mga isyu tulad ng Rice Tariffication Law na lumikha ng grabeng pagbaba ng presyo ng palay na naging sanhi ng kapahamakan ng mga magsasaka, at lalong nagbaon sa kanila sa utang.
Kung tutuusin, sadyang mahirap ang buhay ng NPA, sa pisikal man o emosyunal. Ngunit, nakita ko na palaging handa ang mga Kasama na tumulong kung kailangan mo ito. Sa kabundukan, magagawa natin ang isang lipunang gusto natin–walang pagsasamantala at patas ang pagtrato sa isa’t isa. Sa iskwad na nasamahan ko, mayroon kaming mga talakayan, tumutulong sa mga responsibilidad, at sinisegurong inaalagaan ang lahat na mga kasapi.
Habang pinagkakaitan ng rehimeng US-Duterte ang walang-perang mga magsasaka ng serbisyo sa kalusugan, nagbibigay naman ang NPA ng mga gamot, nanggagamot sa pamamagitan ng akupangtura, nagbibigay ng dental care, at nagtsetsek-ap sa nangangailangan ng atensyong medikal. Habang ipinasasara ng gubyernong Duterte ang mga paaralan ng mga katutubong Lumad, ang NPA nama’y nagbibigay ng libreng programa sa literasiya, nagtuturo ng syensya para malutas ang problema ng mga magsasaka at tinuturuan ang mamamayan ng kanilang likas na karapatan.
Sabi ng tiranong gubyerno ni Duterte, kaya niyang gapiin ang NPA sa loob ng tatlong buwan. Pero katulad sa ibang nagdaang presidente, hindi niya ito magagapi. Matapos kong makita na malakas, prinsipyado at lubos na sinusuportahan ng mamamayan ang NPA, naging mas resolbado akong magpatuloy sa pakikibaka. Ang mga kasama, bata man o may edad na, mga nanay at tatay, ay dedikado sa kanilang pagsisilbi sa sambayanan.
Sa pagtapos ng aking integrasyon sa NPA, at sa pagbalik ko sa aking pinanggalingang bansa, masaya akong isasalaysay ang kawastuhan at pangangailangan ng digmang bayan sa iba pang Pilipino sa labas ng bansa. Palalakasin ko ang pangangalap ng suporta para sa armadong rebolusyon at kumbinsihin ang iba pang Pilipino na makisalamuha sa hanay ng NPA.
Makakamit lamang ang kalayaan sa pamamagitan ng pakikibaka. Katulad ng putik na kumakapit sa aking bota, maaanod din ang lumang lipunan ng rumaragasang tubig. Sana ang maulang panahon ay magdadala ng bagong buhay at bagong mga rebolusyonaryo.
(1) Expat – indibidwal na katutubo ng isang bansa na namumuhay sa ibang bansa
[Salin mula sa Daba-Daba (Agosto 2020), rebolusyonaryong pahayagang masa sa Panay.]
https://cpp.ph/2020/09/17/kwentong-integrasyon-ng-isang-expat-sa-gitna-ng-putik-at-mga-unos/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.