Thursday, July 30, 2020

Tagalog News: Hiling ng IPs sa Magsaysay, tinugon ng OccMin Task Force ELCA

From the Philippine Information Agency (Jul 30, 2020): Tagalog News: Hiling ng IPs sa Magsaysay, tinugon ng OccMin Task Force ELCAC (By Voltaire N. Dequina)


Ayon kay Voltaire Valdez, Provincial Task Force (PTF) ELCAC Focal Person, ang naigawad na dalawang hand tractors at dalawang makinang patubig ay bunga ng isinagawang Ugnayan sa Barangay ng P/MTF ELCAC. (VND/PIA Occ Min)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Hul. 30 (PIA) -- Tinugunan kamakailan ng Provincial-Municipal Task Force (P/MTF) to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC), ang mga kahilingang gamit sa pagsasaka ng mga Indigenous Peoples (IPs) ng Sityo Basan at Bantilaw ng Barangay Paclolo sa bayan ng Magsaysay.

Ayon kay Voltaire Valdez, Provincial Task Force (PTF) ELCAC Focal Person, ang naigawad na dalawang hand tractors at dalawang makinang patubig ay bunga ng isinagawang Ugnayan sa Barangay ng P/MTF ELCAC.

“Kailangan ang ugnayan upang malaman ang mga hinaing at kahilingan ng ating mga benepisyaryo,” saad ni Valdez, at matukoy ang mga ayudang kayang pondohan ng tanggapan ni Governor Eduardo Gadiano, ng Munisipyo o kaya ay mga kasaping ahensya ng ELCAC.

Sa Ugnayan sa Barangay din higit na nakilala ng mga kasapi ng P/MTF ELCAC ang mga kaugalian at pamumuhay ng mga katutubo. "Nabatid namin na sa pangunguna ng kanilang lider, ay pag-uusapan ng komunidad kung paano pangangalagaan ang mga tinanggap na equipment at kung paano mabibigyang-pagkakataon ang lahat na makagamit ng mga ito,” kwento ni Valdez. Aniya, sa nasabing ugnayan din natukoy ang iba pang pangangailangan ng mga IPs ng Paclolo na may kaugnayan sa kalusugan at edukasyon.

Sinabi pa ni Valdez na dahil malayo sa kabihasnan ang mga pamayanan ng mga katutubo at walang malapit na ospital, kayat hiniling ng mga ito na magkaroon man lamang ng mga gamot sa kanilang lugar. “Tutugunan din ito ng Task Force, at ang nais ni Gob Ed ay makapaglagay ng health center, ngunit kailangan munang may sanayin mula sa hanay ng mga katutubo mismo upang magsilbing tagapangalaga ng itatayong health center,” ayon pa sa tagapagsalita ng PTF ELCAC.

Samantala, naiparating na sa Department of Education (DepEd) ang kahilingan ng mga pamayanan ng IPs na malayo sa paaralan. Saad ni Valdez, kinikilala naman ng DepEd ang pangangailang ito, ngunit kailangan pang pag-aralan ng ahensya kung paano ito tutugunan sa gitna ng patuloy na banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa. (VND/PIA MIMAROPA)

Featured Image

https://pia.gov.ph/news/articles/1049058

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.