Friday, April 24, 2020

Tagalog News: 10 Sundalong nagbantay sa Kalayaan Island Group sa Palawan, pinarangalan

From the Philippine Information Agency (Apr 23, 2020): Tagalog News: 10 Sundalong nagbantay sa Kalayaan Island Group sa Palawan, pinarangalan (By Orlan C. Jabagat)



Pinangunahan ni Commodore Renato P. David, Commander ng Naval Forces West (NFW) ang pagbibigay ng parangal sa sampung sundalo na nagsilbi bilang bantay sa Kota at Panata Islands sa Kalayaan Island Group (KIG) sa West Philippine Sea (WPS). Ang parangal ay isinagawa sa pamamagitan ng isang simpleng seremonya sa Naval Station Apolinario Jalandoon sa Bgy. San Miguel, Puerto Princesa kahapon. (Larawan mula sa NFW)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Abril 23, (PIA) -- Pinarangalan ng Naval Forces West (NFW) kahapon ang sampung sundalong nagsilbi bilang mga bantay sa mga isla sa Kalayaan Island Group (KIG) na pag-aari ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Ang pagbibigay parangal ay pinangunahan ni Commodore Renato P. David ang Commander ng NAVFORWEST sa pamamagitan ng isang simpleng seremonya na ginanap sa Naval Station Apolinario Jalandoon sa Bgy. San Miguel, Puerto Princesa bilang pag-obserba na rin sa mga alituntunin ng Enhance Community Quarantine.

Ang sampung sundalong pinarangalan ay mula sa hanay ng Philippine Navy at Philippine Marines na nagbantay sa isla ng Kota at Panata sa KIG sa loob ng apat na buwan.

Ang mga ito ay tumanggap ng Military Merit Medal bilang pagkilala sa kanilang hindi makasariling paglilingkod at kabayanihan sa pagtatanggol sa mga teritoryo ng Pilipinas sa pinag-aagawang mga isla sa WPS.

Ang isla ng Kota at Panata ay dalawa lamang sa siyam na mga islang pag-aari ng Pilipinas sa WPS at ang mga ito ay sakop ng Bayan ng Kalayaan sa Palawan. (OCJ/PIA-MIMAROPA)

https://pia.gov.ph/news/articles/1039857

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.