Friday, April 24, 2020

CPP/NDF-RCTU: Martial Law at paghaharing sibilyan-militar na junta sa Pilipinas, ilantad at labanan! — RCTU-ST

NDF-RCTU propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 24, 2020): Martial Law at paghaharing sibilyan-militar na junta sa Pilipinas, ilantad at labanan! — RCTU-ST

FORTUNATO MAGTANGGOL
RCTU-ST
REVOLUTIONARY COUNCIL OF TRADE UNIONS
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

APRIL 24, 2020

Ginagamit ng rehimeng Duterte ang krisis sa Covid-19 upang isulong ang kanyang pasistang adyenda para sa pagpapataw ng Batas Militar sa bansa at itanghal ang sarili bilang punong diktador na nasa serbisyo ng imperyalismong US tulad ng diktador na si Ferdinand Marcos.

Sa simula’t simula pa lamang ng pagkaluklok sa poder ni Duterte, sinimulan nya nang imilitarisa ang reaksyunaryong burukrasya sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga matataas na retiradong upisyal-militar sa matataas na katungkulan sa iba’t ibang sangay ng ehekutibo. Kinailangang paligiran ni Duterte ang sarili ng mga nagretirong heneral at bilhin ang katapatan ng mersenaryong AFP at PNP upang patatagin ang sarili sa kapangyarihan.

Ito rin ang pangunahing dahilan kung bakit mayorya ng kanyang inilagay sa gabinete ay mga dating heneral ng AFP at PNP, habang tiniyak na manalo sina PGen. Ronald Bato Dela Rosa (Senator), PGen. Magalong (Mayor-Baguio City), PGen. Pol Bataoil (Mayor Lingayen Pangasinan) at pahawakan sa mga utak pulburang general ang kampanya laban sa pandemik na Covid-19.

Ang pagkakatalaga kay Gen. Lorenzana (Chairman), Gen. Eduardo Año (Vice Chairman) ng Inter-Agency Task Force for the Managing of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) at kay Gen. Carlito Galvez, Jr bilang chief implementer ay nagsisimento kay Duterte bilang diktador–pasista at ng pangingibabaw sa bansa ng paghahari ng isang sibilyan-militar na junta.

Ipinagkikibit-balikat at sinisisi sa iba ng rehimeng Duterte ang malaking pananagutan sa nagkaletse-letseng pagharap nito sa banta ng Covid-19 sa pampublikong kalusugan ng bansa. Pananagutan ni Duterte ang kriminal na kapabayaan sa pagkalat sa bansa ng labis na nakahahawang Covid-19. MALAKING KAPALPAKAN ng rehimeng Duterte ang pagturing at paglutas sa Covid-19 bilang usapin ng peace and order at ang ginawang militaristang solusyon para pigilin ang pagkalat ng impeksyon.

Sa halip na harapin ang pandemiko sa paraang medikal at siyentipiko, ipinataw ni Duterte ang anti-mamamayan at anti-demokratikong Enhanced Community Quarantine cum MILITARISASYON. Ipinailalim nito ang buong Luzon sa lockdown batay sa makitid na pananaw na kapag sapilitang “ikinulong” ang mamamayan sa kanilang tirahan at mga komunidad, magpatupad ng social distancing, limitahan ang galaw at panlipunang aktibidad ng mga tao, kusang mapipigil ang pagkalat ng impeksyon ng Covid-19.

Ipinatupad ng rehimen ang lockdown nang walang pagsasaalang-alang at matinong plano sa magiging epekto sa mamamayan dulot ng madidislokang trabaho at hanapbuhay, restriksyon sa daloy ng suplay at pagkain, at paralisasyon ng komersyo, produksyon, transportasyon at serbisyong panlipunan.

Ipinapakita ng mismong datos ng DOH na kahit pa nagpatupad ng mahigit sa isang buwang ECQ at lockdown, patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga may kaso ng Covid-19. Sa kasalukuyan, umabot na sa 6,599 ang positibo sa Covid-19, 437 ang namatay at 654 ang nakarekober, habang nasa 64,845 pa lang ang inaabot ng ipinagmamalaki ng gobyernong mass testing daw o katumbas ng 592 lamang ang naeeksamen sa bawat isang milyon ng populasyon. Mula sa 38 ang positibo sa Covid-19 sa bawat isang milyon ng populasyon noong Abril 11, ngayon ay nasa 50 na. At mula sa dalawa (2) ang namamatay sa bawat isang milyon ng populasyon, ngayon ay apat (4) na. Patunay ang mga datos na ito na palpak ang militaristang lockdown at ECQ ng rehimeng Duterte.

Bulag at nangangapa sa dilim ang IATF-EID kung saan magsisimula. Nag-uuwido ito ng solusyon sa krisis. Kung kailan sumabog na ang pandemik sa bansa ay saka pa lamang nagkukumahog sa pagtatayo ng mga pasilidad, laboratoryo para sa testing at imprastrukturang medikal para sa pagsugpo sa pagkalat ng impeksyon. Samantala, noong nagsisimula pa lamang ang epidemya ng Covid-19 sa China ay buong pagmamayabang na minaliit ni Duterte ang Covid-19 na “iihian nya ang bayrus.”

Ngayong sumabog na sa mukha ni Duterte ang kayabangan at pagmamaliit ng kanyang rehimen sa banta ng Covid-19, saka agaran at pwersahang ipinataw ang marahas na ECQ o LOCKDOWN sa mamamayan. Nagdulot ito ng pighati at kahirapan sa mga manggagawa at maralita sanhi ng pagkawala ng trabaho at kawalan ng mapagkakakitaan sa araw-araw na pangangailangan. Sa mahigit isang buwang pagpapatupad ng Lockdown (ECQ), ibayong kahirapan at kagutuman ang idinulot nito sa pamilya ng mga manggagawa at maralitang lunsod.

Ang hungkag na P5,000-P8,000 na Social Amelioration Fund ay hindi sapat at ni hindi pa nga nakararating sa makabuluhang porsyento ng mahihirap ang paunang P100Bilyon kahit pa nga ipinangangalandakan ni DSWD Sec. Bautista (ret.gen) na naibigay na ito sa mga LGU’s. Dahil sa usad kuhol na pagtugon ni Duterte at ng kanyang mga kapural, maliban sa inip-na-inip na ang mga maralita ay nagdulot na ito ng matinding kagutuman at kahirapan.

Anila, “Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?” Kapag “humingi ka ng bigas, REHAS ang ibibigay” sa iyo kagaya ng ginawa sa mga maralita ng San Roque – Quezon City.

Para pagtakpan ang sariling kapalpakan, sinisisi ni Duterte ang pagsuway daw ng mga tao sa social distancing, ECQ at militaristang lockdown na umabot na ng 136,000 sa buong bansa. Paanong di magiging alumpihit ang mga tao kung walang makain at nagugutom ang pamilya, kung walang maipambili dahil nawalan ng trabaho at hanapbuhay? Paano ipatutupad ang social distancing sa sikip na mga bahay at siksikang mga komunidad ng mga maralita?

Natural na lalaganap at kakalat ang impeksyon ng Covid-19 sa siksikang mga komunidad na ito dahil walang ginagawang mass testing, walang mekanismo at pasilidad ng paghihiwalay sa mga nalantad sa impeksyon kundi ang magkwarantina sa kani-kanilang bahay nang walang superbisyong medikal.

Walang antemanong mga ospital at pasilidad na nakalaan lamang sa mga nagkakasakit ng Covid-19 para di na mahawahan ang iba pang pasyente. Higit sa lahat, walang sapat na testing kit at kagamitan para sa proteksyon ng mga medical health worker. Ang maraming kakulangan ng gubyerno ay pinupunuan ng inisyatiba ng mga mapagkawang-gawa mula sa pribadong sektor.

Nakahanap ng masisisi si Duterte sa pailan-ilang kaso ng pag-iinom, pagsusugal at pagsasabong daw ng mga tao na mga upisyal din ng baranggay ang pasimuno para magbanta ng mas matindi at mas mahigpit na ala-martial law na Enhanced Community Quarantine (ECQ) at lockdown.

Wala pang 24 oras makatapos magbanta si Duterte, mabilis na umaksyon ang militar. Naglabas agad ng memo ang Philippine Air Force (PAF) na nag-aatas sa lahat ng PAF personnel na paghandaan na ang utos ni Duterte sa martial law, pag take-over ng militar at pagtataas ng antas ng ECQ sa “Extensive Enhanced Community Quarantine” (EECQ). Dahil sa pagkakabuko nito, napilitang aminin ng AFP na tutuo nga ang kumakalat na dokumento pero ito “daw” ay isang “internal memo” lamang para sa mga tauhan ng Philippine Air Force.

Kung tutuo na memo lamang ito para sa isang sangay ng AFP, bakit iba ang nakikita sa mga lansangan at iba’t ibang lugar sa Luzon?

Sa Timog Katagalugan, hindi pa man pormal na inilalabas ni Duterte ang kanyang kauutusan sa pagdedeklara ng Martial Law, marami na ang nag-uulat na kumikilos na ang militar para dito at sa pagpapahigpit ng batas militar sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Sa Laguna, Lunes ng umaga pa lamang ay naging madalas na ang pagpapatrulya ng mga sundalo sa Cabuyao at nagkakaroon na rin ng regular na pag-iikot at pagpapatrulya ng mga sundalong naka-full battle gear, maging sa mga subdivision at inner barangay sa syudad ng Calamba.

Sa probinsya ng Quezon, naka-full battle gear at APC ang nagmamantina sa mga checkpoint ng ECQ para pigilang makapasok ang mga byahero at mga tao, maging residente man ito ng probinsya na galing sa Metro Manila at iba’t ibang lugar. Aktibo din silang nagpapatrulya sa mga bayan-bayan at nanghaharas sa mga magsasaka na nakatira sa malalayo at sulok-sulok na barangay ng Bondoc Peninsula.

Sa Antipolo, Montalban at San Mateo, Rizal, nakabantay sa mga checkpoint papasok at palabas ng Metro Manila ang mga sundalo mula sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal. May mahigit sa sampung 6×6 trak din at tanke de gera na punong-puno ng mga sundalo mula sa naturang kampo ang nakahimpil ngayon sa gusali ng Sandigang Bayan sa Lungsod ng Quezon. Habang sa Batangas, nakakalat sa iba’t ibang bayan nito ang mga tropa ng PAF mula sa Fernando Airbase na nakabase sa Lipa City. Ang 80 sundalo mula sa 730th Air Force wing naman ay nasa Trece Martires, Cavite at pinaghuhuli ang 200 katao doon na lumabag daw sa ECQ. Sa palengke, inaresto ng mga sundalo a ang walang mga Quarantine Pass gayundin ang lahat ng nakatambay sa harapan ng mga bahay sa isang relocation site doon.

Katunayan, matagal nang nagaganap ang di deklaradong batas militar bago pa man pumutok ang krisis sa Covid-19 sa bansa. Mas nagkaroon ng dahilan ngayon na lantarang ipatupad ito sa tabing ng ECQ. Sa kanayunan at mga probInsya, pangkaraniwang kalakaran na lamang ang ginagawang panghaharas, panunupil, panghuhuli at pagpatay sa mga magsasaka at katutubo ng mga pasistang sundalo. Malinaw pa sa sikat ng araw, na kahit sinasabi ng gobyerno na wala pang martial law ay kabaliktaran naman ito sa mga kaganapan on the ground.

Nakakagalit din ang ginawa ng mga sundalo ng pasistang 69th IB sa pagnanakaw, pagkatay at pagkain ng alagang baka ng isang kawawang magsasaka sa Abra. Makatapos nilang kainin ang kinatay na baka, sinunog pa nila ang mga pananim ng mga magsasaka sa lugar at nadamay pa ang mismong forest tree nursery na nakatayo sa lugar.

Sa Metro Manila, kaliwa’t kanan din ang deployment ng militar. Sinabi ni JTF-NCR Chief Brig. Gen. Alex Luna na mabilis lamang at kayang-kaya nyang magdeploy ulit ng 2,000 AFP personnel. Nauna nang itinalaga niya ang aabot sa 2,500 sundalo mula sa NCR command upang maging pangunahing pwersa sa pagpapatupad ng martial law sa punong kabiserang rehiyon. May nabalitang 46 na sundalo na nagpapatrulya at nagsagawa ng pag-aresto sa mga drug addict sa Maricaban Pasay na kung tutuusin gawain ng mga pulis. Sa Blumentritt Manila Market, aktibong nagpapatrulya ang Special Action Force armoured personnel carrier na naka-full battle gear na parang sasabak sa gera.

Ang paninigaw, panghaharas at pagwagayway ng high powered rifle ni PCP BGC Precinct Cmdr. Maj. Joseph Austria sa ilang residente na nagsasagawa ng kanilang exercise routine sa sariling swimming pool ng kanilang condo sa Taguig ay malinaw na panimulang mga pag-abuso sa kapangyarihan. Wala silang takot na pasukin kahit nasa pribadong pag-aari ng mayayaman o mga kilalang tao. Nakakabahala ito dahil kung kaya nilang gawin ito sa isang exclusive na condominium lalong kayang-kaya itong gawin sa mga maralitang komunidad.

Ang ginawang iligal na pagharang sa relief operation ng Anakpawis Partylist sa Norzagaray, Bulacan ay halimbawa ng kabuktutan ng AFP. Matapos iligal na harangin, ninakaw ng mga sundalo at kapulisan ang relief goods na para sana sa mga nagugutom na residente ng Kalye 11, Brgy. Bigte, Norzagaray, Bulacan. Ayon sa mga sundalo ay ibinigay daw nila ang mga relief goods sa barangay captain ng lugar na malinaw na pakikialam nila sa pagbibigay ng relief goods kahit na hindi ito kanila at nakalaan ito sa mga lokal na sumalubong sa relief operation.

Iligal ang paghuli kay dating Anakpawis Rep Ayik Casilao at walong iba pa na magbibigay lamang sana ng tulong pagkain sa mga taga Brgy. Bigte, Norzagaray Bulacan. Kahit na may cargo vehicle conduct pass ang kanilang jeep, may face mask at sinunod ang physical distancing ng mga boluntir ng Anakpawis relief operation ay hinuli pa rin sila. Sabi ni DILG Usec. Malaya, “hindi ito palalagpasin ng gobyerno, ang ginawa na ito ng Anakpawis ay paglabag sa RA11469—na ang pakay sa erya ay hindi lamang pamumudmod ng relief kundi magkaroon ng social gathering na bawal sa batas.“ Malinaw na ipinalalagay pa lang ito ni Malaya, na hindi pwedeng gamitin basehan ng paglabag gayung hindi pa naman nangyari ang sinasabi nyang “social gathering” dahil sa nauna na ang iligal na pagdakip sa kanila.

Hindi ito nakapagtataka, dahil ayaw ng gobyerno ni Duterte na makitang may ibang nagsasagawa ng relief operation maliban sa DSWD at kay Sen. Bong Go na gusto nilang patakbuhin sa mas mataas na posisyon sa 2022—at dahil lalong tumitingkad ang kainutilan ng gobyerno. Ito rin ang pangunahing dahilan kung bakit galit na galit sila kay Vice Pres. Lenny Robredo kaya nga pinaiimbistigahan ito ng PACC dahil diumano kinukumpitensya ni Robredo ang relief operations ng gubyerno. Sa parehong dahilan din kaya ginagawa ang panggigipit kay Pasig Mayor Vico Sotto.

Ang tingin ng rehimen sa ibang pribadoong indibidwal at nasa oposisyon na walang sawang tumutulong sa mamamayan ay karibal ng gobyerno, kaya malinaw ang kanilang polisiya na “KAPAG TUMULONG SA MASA, KULONG KA!”

Matapos na magtungayaw sa media si Duterte na ipatutupad nya ang ala martial law na Enhanced Community Quarantine at pagkakabuko ng secret memo ng PAF kaugnay sa imbing plano na ipatupad ang batas militar ay nagkukumahog na binabawi ng tagapagsalita ni Duterte: kesyo “hindi daw magpapatupad ng martial law si Duterte” o di kaya ay magkakaroon ng Extensive Enhanced Community Quarantine (EECQ) sa Luzon at sa ibang parte ng Visayas at Mindanao.

Ayon naman sa madakdak at sinungaling na tagapagsalita ni Duterte na si Harry Roque, “ang presidente ay hindi pa ginagawa ang extra-ordinary power na atasan ang militar sa ganitong hangarin.” Dagdag pa nya, “yan talaga ang kapangyarihan ng pangulo, pero hindi po yan martial law.” Sabi pa ni Roque, “kung sakali hindi magdadalawang-isip ang pangulo sa pag-takeover ng militar dahil nakalagay naman ito sa 1987 Constitution.“

Kaugnay sa planong extension ng ECQ, nagpatawag nitong April 20 si Duterte ng kunwaring isang komprehensibong konsultasyon sa di-umano’y mga eksperto sa kalusugan, kinatawan ng Inter-Agency Task Force for the Managing of Emerging Infectious Disease (IATF-EID), kinatawan ng mga dating opisyal sa DOH, mga economic expert at militar para sa posibleng pagpapalawig ng ECQ—na tila bagang hindi pa buo ang plano na palawigin at pahigpitin ang Total Military Lockdown o Extensive Enhanced Community Quarantine.

Samantala, habang abala ang buong mundo sa paglaban sa pandemik na Covid-19, abala din ang China sa pagpapalawak ng kanilang teritoryo sa West Philippine Sea. Ang pagbubuo ng isang pampulitikang distrito at lokal na pamamahala sa ilalim ng Yongxing Island o China’s Paracel Administration na nakabase sa Woody Island at ang Spratly Administration na sumasakop sa Fiery Cross Reef na tinatawag nilang Yongshu Reef ay labag at tahasang pang-aagaw ng teritoryo ng bansa. Bakit hindi gamitin ng rehimeng Duterte ang mga militar na ito para bantayan ang ginagawang pagsakop ng Chinese military sa ating teritoryo? Dahil ba sa binubusog ng gobyernong Chinese si Duterte ng milyon-milyong dolyar na pautang, pondo para sa mga proyekto sa BBB na nakapokus sa pagmimina, DAM at Power Plant, mga ayuda laban sa Covid-19 at mga pangakong tulong kaya naman nagtitengang-kawali at nagbubulag-bulagan si Duterte sa ginagawang pananakop ng China sa ating teritoryo?

Malinaw na kaya gustong ideklara ng inutil at buktot na rehimeng ito ang martial law, ay para supilin ang lumalakas na paglaban ng mamamayang Pilipino laban sa kanyang kriminal na kapabayaan, pahirap, korap, mabagal na pagtugon sa karaingan ng mamamayan, matinding panunupil at pamamaslang.

Wag tayong matakot na makibaka! Sabi nga ng namayapang bayani, dakila at pinagpipitagang lider ng masang anakpawis na si Kasamang Crispin Beltran, “WAG MATAKOT, DAHIL NASA 
SAMBAYANANG LUMALABAN ANG TAGUMPAY.”

MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!

MABUHAY ANG CPP-NPA-NDF!

MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!

https://cpp.ph/statement/martial-law-at-paghaharing-sibilyan-militar-na-junta-sa-pilipinas-ilantad-at-labanan-rctu-st/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.