Friday, April 24, 2020

CPP/NPA-Southern Tagalog: Labanan at gapiin ang Covid-19 sa bansa! Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte! — NDF-ST

NPA-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 24, 2020): Labanan at gapiin ang Covid-19 sa bansa! Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte! — NDF-ST

PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
APRIL 24, 2020

Taas kamaong pagbati ang ipinapaabot ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) sa Pambansang Konseho ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), sa mga organisasyong kasapi nito at sa rebolusyonaryong mamamayan ng rehiyon sa ika-47 na anibersaryo ng pagkakatatag ng NDFP ngayong Abril 24, 2020. Sama-sama nating ipagdiwang ang ika-47 taong pagkakatatag ng NDFP nang may ibayong kapasyahang gapiin ang pandemic na Covid-19 at ang sistemang nagpapahirap at nambubusabos sa sambayanang Pilipino—ang kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino dahil sa imperyalismo, katutubong pyudalismo at burukrata-kapitalismo.

Binabati ng NDFP-ST ang mga bumubuo ng NDFP Negotiating Panel at si Kasamang Jose Maria Sison, ang NDFP Chief Political Consultant, sa mahusay na pagdadala at katatagan sa pakikipaglaban para sa kapakanan at kagalingan ng sambayanang Pilipino sa negosasyong pangkapayapaan sa Government of the Republic of the Philippines (GRP). Binabati din natin ang mga kasaping organisasyon ng NDFP sa patuloy na paglawak ng mga kasapian nito at ganundin ang mga tagumpay sa pagtatag ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika ng rebolusyonaryong gubyernong bayan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa partikular, nais nating ipagdiwang ang mga naging pagsulong at tagumpay ng NDFP sa paglaban sa pasistang rehimeng US-Duterte sa nakalipas na mga taon; sa mga pagsulong ng gawain nito sa hanay ng mga migranteng manggagawa at mga kababayang Pilipino sa ibayong dagat; at sa masiglang pagtatambol sa kalagayan ng Demokratikong Rebolusyon ng Bayan (DRB) sa Pilipinas sa ginanap na mga pagtitipon at okasyon sa iba’t ibang panig ng mundo.

Pinagdiriwang din natin ang mga tagumpay ng NDFP sa gawaing internasyunal: sa pagtatayo at pagtatatag ng mga ugnayang bilateral at multi-lateral sa iba’t ibang Partido, grupo at organisasyon, mga pambansang kilusang mapagpalaya at anti-imperyalistang mga kilusan sa ibayong dagat.

Sa araw ding ito, alayan natin ng natatanging pagpupugay at parangal ang mga martir ng rebolusyonaryong kilusan. Walang kasing dalisay ang kanilang pagmamahal at paglilingkod sa bayan na ultimong buhay ay inialay para sa kapakanan ng mga uring api’t pinagsasamantalahan. Panatilihin nating inspirasyon ang kanilang makabuluhang ambag sa rebolusyon. Taglay ang mga ala-ala ng kanilang kagitingan at kadakilaan sa pakikibaka.

Nais din natin bigyang pagpupugay ang mga manggagawang pangkalusugan na patuloy na sinusuong ang panganib makapag-ligtas lang ng buhay. Ang kanilang sakripisyo ay hindi matatawaran at marapat lamang na ituring sila bilang mga bagong bayani ng ating panahon. Ipinaparating din ng NDFP-ST ang taos-pusong pakikiramay sa mga mahal sa buhay at kaibigan ng mga manggagawang pangkalusugan na namatay sa paglaban sa Covid-19. Dapat natin silang ipagmalaki at ikarangal. Sila’y mga tunay na lingkod ng bayan na matapat na tumutupad ng kanilang sinumpaang tungkulin na anuman ang sapitin nila ang kapakanan at pagsagip ng buhay ng pasyente ang pinakamahalaga.

Matamang pinag-uukuan ng pansin ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ang pangangalaga, pagkalinga at pagtugon sa pangangailangan ng taumbayan sa paglaban sa Covid-19.

Bagamat di pangkaraniwan ang sitwasyong kinakaharap ngayon ng sambayanang Pilipino dahil sa pananalasa ng pandemikong Covid-19, sabayang ginugunita sa rehiyon ang mga maniningning na tagumpay na nakamit ng NDFP sa nakalipas na 47 taon mula nang itatag ito noong Abril 24, 1973. Mga tagumpay ito na resulta ng masikhay at puspusang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Isinasagawa ang pagdiriwang sa iba’t ibang paraang angkop sa partikular na kalagayan habang isinasagawa ang kaukulang pag-iingat sa paglaban at pagsansala na kumalat ang nakamamatay na sakit na Covid-19 sa mga bulnerableng komunidad at mga baryong sakahan sa rehiyon.

Patuloy ang panawagan ng NDFP-ST na higit pang pag-ibayuhin ang paglaban at pagbigo sa pasistang rehimeng US-Duterte sa ilusyon nitong durugin ang rebolusyonaryong kilusan bago matapos ang kanyang termino sa Hunyo 30, 2020 nang hindi binibitawan ang kasalukuyan at pangunahing prayoridad sa paglaban at pagsugpo sa nakamamatay na Covid-19.

Kinakaharap natin ngayon ang magkasabay na kaaway, ang pandemic na Covid-19 at ang pasistang rehimeng US-Duterte na imbes na seryosong pagtuunan ng atensyon ang paglaban sa Covid-19 ay patuloy ang mga pasistang pag-atake sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan kahit sa panahong may pinaiiral ang GRP na unilateral ceasefire. Inilalagay lamang sa panganib ng mga operasyong militar ang buhay at kalusugan ng mga mamamayang nasa mga liblib na komunidad at baryo sa posibleng pagkalat duon ng Covid-19 na maaaring dala ng mga nag-ooperasyong tropa ng AFP at PNP.

Hindi magpapadala ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa mga probokasyon at walang humpay na operasyong militar ng AFP at PNP. Mananatili itong nasa aktibong depensa at matapat na tatalima sa tigil-putukan na dineklara ng CPP nuong Marso 26 at nagtapos nuong Abril 15 at muling pinalawig pa hanggang Abril 30, 2020. Ititigil ng NPA-ST ang anumang pag-atake sa mga reaksyunaryong tropa ng AFP at PNP upang maiukol ang sarili sa pagbibigay prayoridad sa mga gawaing tumutugon sa kapakanan ng kalusugan, kaligtasan at kagalingan ng lahat.

Kung tutuusin wala pa mang pinatutupad na tigil-putukan ang CPP, kabilang na ang NDFP-ST sa agarang nagsagawa ng malawakang kampanya sa edukasyon at impormasyon para maiparating at mapaghandaan ng mamamayan ang dalang panganib ng Covid-19 sa kalusugan at buhay ng mamamayan ng rehiyon. Malawakang namahagi ng mga polyeto at babasahin na nagtuturo sa pagtukoy sa mga sintomas ng bayrus, mga paraan kung paano maiwasang kumalat at magkahawahan ang isa’t isa at iba pang hakbangin sa pag-iingat.

Palibhasa sana’y sa pagtugon sa sitwasyong pangkagipitan, tulad sa nagdaang mga sakuna at kalamidad na tumama sa bansa, naging madali para sa mga opisyal medikal ng NPA-ST, mga grupo at komite sa kalusugan ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa at mga boluntir pangkalusugan, ang magtipon at magplano kung paano haharapin ang Covid-19. Higit na pinalawak at pinasigla ang mga dati nang umiiral na kampanya sa kalinisan at sanitasyon, pagtatanim ng mga halamang gamot at pagdaraos ng mga kilinikang bayan para magsuri sa mga may iniindang karamdaman. Isinagawa ang malawak at maramihang pamamahagi ng libreng face mask, mga gamot at bitamina na napalitaw mula sa mga solitasyon at donasyon sa mga kaibigan at alyado ng kilusan. Ang iba ay nangalap ng mga relief goods mula sa mga kaibigan at alyado para maipamahagi sa masa.

Bilang pag-antisipa sa posibilidad na magkaroon ng kakulangan sa pagkain, pinasigla ang mga suyuan at kooperasyon para sa malawakang pagtatanim ng halamang-pagkain na madaling pakinabangan tulad ng mais, palay kaingin, gabi, kamoteng baging, balinghoy, iba pang root crops at mga gulayin. Kinausap ang mga mayayamang magsasaka at mga naliliwanagang panginoong maylupa na ipahiram sa mga ganap na samahang magsasaka ang kanilang lupain para pagtaniman ng mga produktong pagkain at sa pagpaparami ng alagang hayop.

Higit kailangan ngayon ang puspusang pag-iingat, mahigpit na pagkakaisa at tulungan ng sambayanang Pilipino para labanan at gapiin ang Covid-19.

Walang makakapagsabi kung kailan matatapos ang pakikibaka ng sambayanan laban sa nakamamatay na Covid-19. Patuloy ang pagdami ng bilang ng nagkakasakit at namamatay sa Covid-19. Lalong dumarami ang bilang ng mamamayang nagugutom at dumaranas ng labis na kahirapan resulta ng mga pagkukulang, kapalpakan at kawalan ng matinong plano ng gubyernong Duterte sa paglaban sa sakit na Covid-19. Hinihingi ng sitwasyon ang puspusang pag-iingat, mahigpit na pagkakaisa at tulungan ng sambayanang Pilipino para gapiin ang Covid-19. Subalit, dapat igiit sa rehimen na bigyan ng prayoridad ang mabilis at sapat na ayudang pinansyal, pagkain at medikal ang mga bulnerableng sektor na higit na apektado ng pinatutupad na kamay-na-bakal na lockdown sa Luzon. Kailangan patuloy nating igiit at ipaglaban ang mga solusyong medikal na ipinapanukala ng mga manggagawang pangkalusugan at mga eksperto sa medisina at tutulan ang “martial law” na paraan sa pagpapatupad ng lockdown na lalo lamang nagpapalala sa sitwasyong pulitikal at ekonomiya ng bansa.

Bangkarote na ang gubyernong Duterte. Ang gubyernong Duterte at mga nagdaang neoliberalistang rehimen ang pangunahing may pananagutan sa pagsama ng kalagayan ng pampublikong kalusugan at ng serbisyong panlipunan. Sa partikular ang rehimeng Duterte ay may kriminal na pananagutan sa ibayong paglubha ng krisis sa pampublikong kalusugan at pinsala sa kabuhayan ng sambayanang Pilipino dahil sa kanyang tiwaling pamamalakad at kawalang kakayahan sa paglaban sa Covid-19. Makatwiran at nararapat lamang na manawagan ang sambayanang Pilipino para patalsikin si Duterte sa pwesto.

Umasa ang taumbayan na patuloy na magkakaloob ng tulong at nararapat na pagkalinga ang NDFP-ST sa mamamayan ng rehiyon sa paglaban at pagsugpo sa Covid-19. Higit sa lahat, patuloy na ipaglalaban ng rebolusyonaryong kilusan ang isang maaliwalas na kinabukasan ng sambayanan mula sa kasalukuyang bulok-sa-kaibuturang sistemang panlipunan sa Pilipinas at dadalhin sa tagumpay ang rebolusyong Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Mabuhay ang ika-47 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines!

Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

https://cpp.ph/statement/labanan-at-gapiin-ang-covid-19-sa-bansa-ibagsak-ang-pasistang-rehimeng-us-duterte-ndf-st/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.