Thursday, April 9, 2020

CPP/NPA-Abra: COVID-19 Lockdown at Militarisasyon, unti-unting pinapatay ang mamamayan ng Abra! — NPA-Abra

NPA-Abra propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 9, 2020): COVID-19 Lockdown at Militarisasyon, unti-unting pinapatay ang mamamayan ng Abra! — NPA-Abra

FLORENCIO BALUGA
SPOKESPERSON
NPA-ABRA
NEW PEOPLE'S ARMY
APRIL 09, 2020

Hindi lang isang malaking dagok sa sistema ng kalusugan ang COVID-19. Dahil sa kasalukuyang ipinapatupad ni Duterte na “enhanced community quarantine” sa buong Luzon, na sa esensya ay pananalasa ng batas militar, tahasang nilalabag ng mamamatay-taong rehimen ang batayang karapatan ng mga mamamayan para mabuhay.

Pagkitil sa kabuhayan ng mamamayang Abrenio

Ang probinsya ng Abra, na may isang kumpirmadong kaso ng COVID-19, ay kasalukuyang nakasailalim sa kapangyarihan ng mga militar at pulis. Walang kahihiyang pinapaypayan at sinasamantala ng gubyerno ang COVID-19 pandemic upang pumaloob ang mamamayan sa mga militaristang hakbang na pilit pinapalabas bilang mga tanging lunas sa COVID-19.

Ipinapatupad ngayon ang walang-saysay na lockdown sa bawat barangay at bayan sa buong Abra. Dahil dito, ipinagbabawal ang paglabas ng mga bahay para magtrabaho at pagpapasada ng mga pampublikong transportasyon. Pinagbabawalan din ang mga magsasaka na pumunta sa kanilang mga palayan at uma. Isang malaking hambalos ito sa masang magsasaka na kasalukuyan nang dinadanas ang krisis ng kakulangan ng bigas.

Pahirapan ang paglabas ng mga masa upang makabili ng mga pagkain at iba pang pangangailangan mula sa mga sentrong bayan. Nauubusan ng benta ang mga maliliit na store sa mga sityo na sinasandigan ng mga tao. Hindi rin makapagbenta ang mga masa ng kanilang tindang mga gulay kahit sa katabing barangay lamang. Nilimitahan sa P2,000 ang maaaring bilhin.

Sa Lacub, pinapahinto pati ang trabaho ng mga minero at pilit na pinapabalik sa baryo upang di-umano’y mag-quarantine kahit pa walang mga sakit ang mga minero.

Sa gitna ng pagpipilay ng gobyerno sa kabuhayan, wala itong mga kongkretong hakbang upang matugunan ang pangangailangan ng mamamayan. Limos na 1-2 kilong bigas lamang bawat pamilya ang kanilang ipinamahagi, malayong sasapat sa pangangailangan para sa isang buwang lockdown. Mas lalong nagiging bulnerable ang mamamayan sa anumang sakit ngayong hinahayaan ng gubyerno na sila’y kulang sa pagkain, nutrisyon at medikal na atensyon.

Nagpapatuloy na karahasan ng militar sa kanayunan

Isang malaking kabulastugan ang deklarasyong unilateral ceasefire ng GRP upang di umano’y iprayoritisa ang banta ng COVID-19. Hindi nagpull-out at sa halip ay nadagdagan pa ang mga nag-ooperasyong mga tropa ng 24th IBPA sa mga bayan ng Malibcong at Lacub.

Kasakukuyan nilang inookupa ang mga barangay ng Mataragan, Duldulao, Gacab, Umnap, Buanao at Lat-ey sa bayan ng Malibcong at mga barangay sa Lacub. Alala ng mamamayan, maaaring kontaminado ng sakit ang mga sundalong nagmula sa labas ng Abra.

Isinasailalim nila ang mamamayan sa 24 oras na curfew. Bantay-sarado ang bawat kilos ng mga masa at ngayon ay itinuturing na krimen ang paglabas ng bahay para maghanap ng pagkain. Nagpapatuloy din ang malisyosong pambinbintang ng mga militar sa mga masa bilang mga suporter ng NPA at kasapi ng Milisyang Bayan at iligal na pagpapasurender sa kanila sa kampo ng 24th IB.

Sa magkahiwalay na insidente noong ika-30 ng Marso, dalawang sibilyang taga Malibcong ang hinold ng ilang oras, inimbestigahan at sinaywar ng Bravo Coy ng 24th IB. Ang isa ay tinutukan pa ng baril na naghahanap lang sana ng mauulam habang magpapastol lang sana ng kalabaw ang isa pang sibilyan. Kulang na nga ang bigas, tigas-mukhang nakihati pa ang mga tropa ng militar sa ani ng mamamayan.

Ginamit rin nila ang mga opisyales ng mga munisipyo at baranggay para sa implementasyon nila ng pamumulis sa mamamayan. Isa sa mga halimbawa nito na nakapangngangalit ay ang ginawang pagkulong ng Mayor ng Abra sa 3 magkakapamilya sa kulungan ng aso dahil sa paglabag sa curfew.

Ang kamakailang pahayag ni Duterte na “walang awa-awa” sa mamamayan, ay nangangahulugan ng kanyang pagbitiw sa kanyang pananagutan at responsibilidad na tiyakin at pangalagaan ang kapakanan ng sambayanang Pilipino. Tahasang ibinubuyangyang niya ang sarili bilang kaaway ng mamamayan. Wala siyang pakialam kung may mamamatay sa gutom. Wala siyang pakialam kung dumami pa ang kaso ng COVID-19 sa bansa. Tanging interes niya, ang kanyang absolutong diktadurang paghahari.

Sa mamamayang Abrenio, wala tayong ibang pagsasandigan kundi ang ating sariling lakas. Marapat na buuin ang malawak at mahigpit na pagkakaisa upang labanan ang lockdown sa buong Abra. Sama-samang igiit na hindi kailanman solusyon ang food blockade, checkpoints, curfew at operasyong militar sa banta ng COVID-19 at igiit na maibigay ang marapat na serbisyong medikal at food relief. Palayasin ang mga nag-ooperasyong tropa ng 24th IB sa mga komunidad na nagpapalala ng gutom, hirap, takot at alala sa mamamayan.

Higit sa lahat, patalsikin ang brutal na diktadurang US-Duterte! Hindi tayo dapat matakot na labanan ang COVID 1. Lalong hindi tayo dapat matakot sa isang kriminal na presidente. Makatwiran na ibuhos ng lahat ng mamamayan at rebolusyonaryong pwersa ang kanilang lakas upang di na siya makapagpalawig pa sa kapangyarihan hanggang sa maitayo ang isang lipunang tunay na maglilingkod sa sambayanan.

https://cpp.ph/statement/covid-19-lockdown-at-militarisasyon-unti-unting-pinapatay-ang-mamamayan-ng-abra-npa-abra/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.