Tuesday, March 17, 2020

CPP/NPA-Rizal: Patuloy na pagbiwas ng tinig ng rebolusyon

NPA-Rizal propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 17, 2020): Patuloy na pagbiwas ng tinig ng rebolusyon

MACARIO “KA KARYO” LIWANAG
NPA-RIZAL
NARCISO ANTAZO ARAMIL COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
MARCH 17, 2020

Pahayag ng pagbati mula sa NAAC-BHB-Rizal kay Kasamang Armando Cienfuego, bagong tagapagsalita ng MGC-BHB-TK

Taas-kamaong pagpupugay ang ipinaaabot ng Narciso Antazo Aramil Command (NAAC-BHB-Rizal) sa pagkakatalaga kay Kasamang Armando Cienfuego bilang bagong tagapagsalita ng Melito Glor Command – Bagong Hukbong Bayan – Timog Katagalugan (MGC-BHB-TK). Si Kasamang Armando ang patunay na nagpapatuloy ang paglaban at ang rebolusyon na pinangungunahan ng masang anakpawis sa rehiyon ng Timog Katagalugan.

Kasabay ng pagbating ito, amin ding sinasaluduhan ang malaking ambag ng dating tagapagsalita ng MGC-BHB-TK na si Kasamang Jaime “Ka Diego” Padilla sa buong rehiyon bago pa man ito arestuhin ng kaaaway. Kaisa kami ni Ka Diego sa panawagang ipagkaloob sa kanya ang makatarungan at makataong pagtrato batay na rin sa nilalaman ng Comprehensive Agreement on Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na parehong pinagkasunduan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Nais rin naming paalalahanan ang GRP, pati na rin ang armadong pwersa nito, na kilalanin ang kasunduang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na pinirmahan nito kasama ang NDFP at gawin itong batayan sa pakikitungo kay Ka Diego. Sa nagpapatuloy niyang pakikibaka sa loob ng piitan, igigiit ng mamamayan ng Rizal ang kagyat na pagpapalaya sa kanya at sa iba pang mga detenidong pulitikal sa bansa.

Hindi maikukubli ng reaksyunaryong gobyerno na patuloy na naghihirap ang mamamayang Pilipino. Sa lalawigan ng Rizal, talamak pa rin ang kawalan ng sariling lupa kapwa sa hanay ng mga magsasaka at ng mga maralitang taga-lungsod. Labis ang pangangalaga ng sangguniang panlalawigan na magpatuloy ang malawakan at mapanirang quarry operations sa pamamagitan ng inilalabas na mga resolusyong paborable sa pag-iral ng mga ito. Ipinagkakait pa rin sa daan-libong maralita ang mga pabahay na kalakhan ay ipinagkakaloob lang din naman sa mga kagawad ng AFP-PNP. Mas madalas ay hinahayaan na lamang na nakatiwangwang ang mga ito kaysa pakinabangan ng mamamayan. Hindi natutumbasan ng gamumong sahod ang nasasaid na lakas-paggawa ng mga manggagawang industriyal at ng mga nagtatrabaho sa quarry, dagdag na pasanin pa ang nagpapatuloy na kontraktwalisasyon sa kanilang hanay. Walang tunay na libreng edukasyong napakikinabangan ang mga kabataan sa lalawigan at patuloy pa nga ang pagkamal ng kita ng mga kapitalista-edukador sa pamamagitan ng pagsingil ng matataas na matrikula at ng hindi makatarungang iba pang mga bayarin. Pinatindi pa ng TRAIN Law, na nagtiyak ng pagtaas ng presyo ng lahat ng mga pangunahing bilihin, ang karalitaan ng daan-libong pamilya sa lalawigan.

Sa lumalalang krisis sa ekonomya sa bansa na tumatagos sa bituka ng bawat Pilipino, hindi na rin maitatatwa ang tunggalian sa hanay ng mga naghaharing-uri. Sa pagkukumahog ng diktador na si Duterte na makuha pa rin ang tiwala ng amo niyang imperyalismong US para makapanatili pa sa posisyon, ikinakasa nito ang digmang panunupil laban sa mamamayang nakikibaka sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Joint Campaign Plan – Kapanatagan (JCP – Kapanatagan). Sa pamamagitan ng focus military operations (FMO) at ng retooled community support program (RCSP), ang dalawang kamay nito na ginagamit bilang sandata laban sa mamamayan, pinipiga nito ang lahat ng pamamaraan para wasakin ang pagkakaisa ng sambayanan. Ibinuhos ng JCP – Kapanatagan ang mga berdugong militar sa mga baryo at bayan kung saan buhay ang laban ng mga masang anakpawis sa karapatan sa lupa at sa kabuhayan. Kapag hindi madaan sa panlilinlang ang pagkuha sa loob ng mga tao, gagamitan na ng dahas at paninindak ang pagpapasunod sa kanila – lumang taktika na kanila pang namana sa amo nitong imperyalismong US.

Napapanahon ang muling pagpapanauli ng Tinig ng Rebolusyon sa rehiyon ng Timog Katagalugan. Sa pangunguna ni Kasamang Armando, muli nang maririnig ang tinig ng rebolusyon sa radyo, telebisyon, pati na rin sa social media. Tuluy-tuloy nang maitatambol ang pakikibaka ng mamamayan laban sa mga mapaminsalang proyekto at programang sumisira sa kabundukan at kagubatan ng Sierra Madre. Makukuha na muli natin ang inisyatiba sa pakikipaggitgitan sa propaganda ng reaksyunaryong gobyerno at armadong pwersa nito at itatapat ang propagandang nakabatay sa linyang masa. Magkakaroon na muli ng boses ang nagkakaisang pwersa ng maralitang masang anakpawis laban sa malalaking burgesya komprador at mga panginoong maylupa. Hindi na makakapanaig ang kasinungalingang ipapakalat ng rehimeng US-Duterte hinggil sa rebolusyunaryong kilusan dahil pangungunahan ni Kasamang Armando ang paglalantad at ang pagtutuwid sa mga ito para maipakita sa taumbayan ang tunay na kalagayan ng lipunang Pilipino.

Sa panahong binabaha ang mamamayan ng mga pekeng balita na bitbit ng mga DDS (Duterte diehard supporters), pamumunuan ni Kasamang Armando ang opensiba sa propaganda na tatabunan ang lahat ng pagsisikap ng pasistang estado na linlangin ang taumbayan. Sa ngalan ng sambayanang nakikibaka, papuputukin ng MGC-BHB-TK, katuwang ang NAAC-BHB-Rizal, ang labanan sa larangan ng propaganda na tiyak na pagtatagumpayan ng rebolusyunaryong kilusan.

Patunay ang pagpapanumbalik ng Tinig ng Rebolusyon, sa pagkatao ni Kasamang Armando Cienfuego, na mali at malayo sa katotohanan ang ipinapakalat na tsismis ng kaaway na talo na sa laban ang BHB. Hindi nahangganan ang rebolusyunaryong kilusan sa Timog Katagalugan sa pagkahuli kay Ka Diego, bagkus, naging lakas at inspirasyon ng lahat ng mga komander at mga pulang mandirigma ang kanyang pakikibaka para higitan pa ang tagumpay na nakamit na natin noon pa man. Katibayan si Kasamang Armando na nagpapatuloy ang pagsalin ng rebolusyon sa susunod na henerasyon. Lumalakas, at malabo pa ang paghina, ng armadong rebolusyon sa buong rehiyon. Sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas, lalo pang palalakasin ng NAAC-BHB-Rizal ang teatro ng digmaan sa lalawigan sa pamamagitan ng pagpapalawak pa ng baseng masa, pagtatakda ng mas maraming mapagpasyang tagumpay ng kilusang magsasaka sa rebolusyong agraryo at pakikibakang anti-pyudal, at paglulunsad ng matutunog at malaganp na mga taktikal na opensiba laban sa kaaway. Sa lahat ng aspeto ng digma, ang rebolusyunaryong kilusan ang tiyak na magwawagi! Buong-lakas at ubos-kayang isusulong ng NAAC-BHB-Rizal ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa ganap nitong tagumpay!

MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG SAMBAYANANG LUMALABAN!

https://cpp.ph/statement/patuloy-na-pagbiwas-ng-tinig-ng-rebolusyon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.