Tuesday, March 17, 2020

CPP/NDF-Ilocos: Pagpugayan ang rebousyonaryong alaala ng tatlong martir ng Baguio!

NDF-Ilocos propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 17, 2020): Pagpugayan ang rebousyonaryong alaala ng tatlong martir ng Baguio!

KA ROSA GUIDON
TAGAPAGSALITA
NDFP ILOCOS
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
MARCH 17, 2020

Pinakamataas na pulang saludo ang ipinapaabot ng National Democratic Front of the Philippines(NDFP)-Ilocos kena kasamang Julius Soriano Giron, Dra. Lourdes Tangco, at Arvie Reyes sa kanilang dakilang buhay na inialay para sa sambayanang Pilipino. Ang tatlong kasama ay walang awang minasaker ng pinagsamang tropa ng AFP at PNP sa Baguio City, madaling araw(3:30) ng Marso 13.

Sa inisyal na ulat mula sa kanilang medico-legal, ang mga kasama ay pawang nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanilang mga ulo. Ayon rin sa ulat, walang balak arestuhin o buhayin pa ang mga kasama taliwas sa ipinapahayag ng AFP at PNP na nanlaban diumano ang tatlo sa panahon ng pag-aresto.

Desperado ang AFP at PNP na sirain ang dakilang rebolusyonaryong imahe nila Kasamang Julius. Ipinipinta nila sila Ka Julius at Ka Lourdes bilang mga “pribilehiyado” umanong mga kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas. Isa itong malaking kasinungalingan!

Sa kabila ng katotohanang ang 2 kasama ay mga senior citizen na (Ka Julius 70 at Ka Lourdes 69), masigasig pa rin silang nag-aambag sa kilusang pagpapalaya sa buong bayan. Sa kabila ng samu’t saring sakit dulot ng katandaan at hirap na dinanas sa buhay, ang 2 kasama ay patuloy na naglingkod sa rebolusyon hanggang sa kanilang huling hininga. Ang 3 kasama ay isang tunay na ehemplo ng ubos-kayang paglilingkod sa sambayanan. Tinalikuran nila ang lahat ng makasariling kaalwanan at kaluwagan. Ubos-kaya at ubos-panahon nilang inialay ang kanilang buhay sa paglilingkod sa masang api at sila nga ay namatay bilang mga tunay na dakilang rebolusyonaryo. Imahe at ehemplong hindi kailanman makakamtan ng traydor at mga pasistang AFP at PNP.

Nag-iwan sila Ka Julius ng higit pa sa sapat na mga aral mula sa kanilang mayamang karanasan at pinaunlad na mga praktika at teorya ng pakikidigma at pakikibaka upang mas lalo pang magpatuloy, lumakas, at maitaas ang antas ng digmaang bayan.

Hindi masasayang ang buhay na inialay ng tatlong martir na kasama. Libo-libong kabataan at mamamayan ang sasaludo sa kanilang dakilang ambag sa rebolusyon.

Titiyakin ng rebolusyonaryong kilusan na maihahatid sa 3 kasama at iba pang biktima ng pasismo at pagpaslang ng AFP at PNP ang rebolusyonaryong hustisya. Kaduwagan ang pumatay ng isang taong natutulog. Kaduwagan ang pumatay ng patalikod.

Ang mga patraydor na pagpatay at pagkitil ng buhay ng AFP, PNP, at ni Duterte ay animo’y bagyong itinatanim nito na tiyak na aani rin ng bagyo ng malawakang rebolusyonaryong galit at pagkamuhi ng mamamayan.

Mananaig ang rebolusyonaryong hustisya. Mananaig ang sambayanang Pilipino!

MABUHAY ANG ALAALA NILA JULIUS GIRON, LOURDES TANGCO, AT ARVIE REYES!

AFP AT PNP, PAGBAYARIN!

MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!

https://cpp.ph/statement/pagpugayan-ang-rebousyonaryong-alaala-ng-tatlong-martir-ng-baguio/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.