NDF/Southern Tagalog (NDFP-ST) propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 22, 2020): Mga paglabag sa karapatang tao sa TK ngayong lockdown, kinokondena ng NDFP-ST
Mariing kinokondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang mga paglabag ng AFP-PNP sa karapatang tao ng mamamayan sa rehiyon at buong bansa sa panahon ng lockdown. Sa harap ng deklarasyon ng unilateral ceasefire ni Duterte, nagpapatuloy ang focused military operations (FMO) sa rehiyon at buong bansa na pumeperwisyo sa buhay at nagpapalala sa kalagayan ng mga magsasaka at katutubo sa kanayunan.
Sa probinsya ng Quezon, isinasagawa ng AFP-PNP ang food blockade sa ilang barangay ng Unisan habang naglulunsad ng FMO rito at sa mga karatig na bayang Atimonan at Padre Burgos. Pinagbabawalan nila ang mga magsasaka na bumili ng lagpas sa 5kg bigas kada pamilya. Pinagbabawalan ring pumunta ang mga kaingero at mag-uuling sa kani-kanilang kaingin at ulingan. Samantala, sa isla ng Mindoro, sa kalagayang wala nang mabibili sa maliliit na tindahan sa mga komunidad at pamayanan, pinagbabawalan pa ng AFP-PNP ang mga magsasaka at katutubong Mangyan na pumunta ng bayan para bumili ng pagkain. Hinalughog din ng 30 pulis ang isang bahay sa Brgy. Lanaban, Rizal, Occidental Mindoro noong Marso 19.
Pinapatunayan nitong wala sa plano ni Duterte na lutasin ang problema sa paglawak ng impeksyon at paglaganap ng COVID-19, bagkus para ipataw ang kanyang kapangyarihan at kamay-na-bakal ng estado sa bayan. Ang lockdown ay ginawang palusot para lamang maipataw ang de facto Martial Law sa buong bansa at gamitin ito para sindakin ang mamamayan at supilin ang lehitimong mga organisasyon at kilusan nila. Nakatuon din ito sa paglipol sa mga rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan bago ang 2022.
Sa harap ng takot at isterya na lumukob sa buong rehiyon at bansa dulot ng COVID-19, nananawagan ang NDFP-ST sa mga manggagawang pangkalusugan na pahigpitin ang kanilang pagkakaisa para buuin ang sama-samang lakas laban sa COVID-19. Kailangang isagawa ang malawakang kampanyang edukasyon hinggil sa pag-iwas at pagsansala sa COVID-19. Gamitin ang lahat ng makakaya at rekurso para sa pagbibigay ng libreng serbisyong pangkalusugan para sa mamamayan. Sa kanayunan, marapat na bumuo ang mga komite ng kalusugan sa ilalim ng demokratikong gubyernong bayan ng komprehensibong plano at hakbangin para sa pagharap sa COVID-19. Ilunsad ang malawakang kampanyang edukasyon at sanitasyon at kalinisan upang maiwasan ang sakit na ito.
Nananawagan rin ang NDFP-ST sa mamamayang Pilipino na labanan ang marahas at militaristang solusyon ng rehimen sa epidemya. Ang kinakailangan ng bayan ay mga praktikal na solusyon upang resolbahin ang kasalukuyang krisis pangkalusugan. Kailangang igiit ng mamamayan ang libreng COVID-19 testing para sa lahat at subsidyo sa pang-araw-araw na sustento ng mga mamamayan sa panahon ng lockdown. Dapat na mariing tutulan at labanan ang malupit at di makataong pagkontrol sa galaw ng populasyon. Sama-sama nating resolbahin itong krisis sa kalusugan. ###
https://cpp.ph/statement/ndf-st-mga-paglabag-sa-karapatang-tao-sa-tk-ngayong-lockdown-kinokondena-ng-ndfp-st/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.