Monday, March 23, 2020

CPP/Ang Bayan: Labanan ang anti-mahirap at anti-demokratikong Luzon lockdown ni Duterte

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 21, 2020): Labanan ang anti-mahirap at anti-demokratikong Luzon lockdown ni Duterte



Anti-mahirap at anti-demokratiko ang ipinag-utos ni Duterte na “Luzon Lockdown,” bilang solusyon sa pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (Covid-19). Nagreresulta ito sa malawak na kaguluhan, at labis na pahirap at perwisyo sa mga manggagawa at ordinaryong mamamayan. Lalong ginatungan ni Duterte ang galit sa kanya ng sambayanan sa paghihigpit at panggigipit sa ilalim ng lockdown.

Mahigit 40,000 pulis at sundalo ang itinalaga sa loob at palibot ng National Capital Region (NCR) upang ipatupad ang lockdown. Ito ay para ikulong ang mga tao sa sarili nilang mga bahay at ipailalim sa kontrol ng militar at pulis ang transportasyon at lahat ng aspeto ng buong buhay lipunan. Itinayo ang mga tsekpoynt upang sindakin ang mga tao at pigilan silang bumiyahe para kumita o makapunta sa kanilang mga trabaho. Dahil sa lockdown, barado ang komersyo at lokal na produksyon. Milyun-milyon ang walang kinikita at limitado ang suplay ng mga kalakal.
Nagbabantang magresulta sa malawak na kasalatan at kagutuman ang lockdown ni Duterte. Hungkag ang pangako ni Duterte na pakakainin niya at bibigyan ng pera ang mga mawawalan ng kita. Kulang na kulang ang pondong ipamamahagi diumano sa mga manggagawa. Mismong mga upisyal ng mga lokal na pamahalaan ang nagsabi na wala silang kakayahan na mamahagi ng ayudang pagkain lagpas sa ilang araw para sa mga nawalan ng kita dahil sa lockdown ni Duterte.

Sa harap ng pagkalat ng Covid-19, dapat sana’y isagawa ang mga hakbangin para palakasin ang imprastruktura para sa pangangalaga sa pampublikong kalusugan. Sa halip, batas militar sa anyo ng lockdown ng AFP at PNP ang ipinataw ni Duterte sa NCR at buong Luzon. Sinisikil ng lockdown ni Duterte ang saligang mga karapatang sibil, kabilang ang karapatang bumiyahe at karapatang magtipun-tipon. Hindi pwedeng lumabas ng bahay kung walang pass o nasa oras ng curfew. Ang hindi sumunod ay binabantaang aarestuhin at ikukulong.

Mga upisyal militar, hindi mga duktor o nars, ang nasa unahan ng solusyon ni Duterte. Kabi-kabilang mga tsekpoynt ang itinayo, sa halip na mga pasilidad medikal tulad ng kailangang-kailangang mga testing center sa bawat barangay. Todo-buhos ang gastos para sa mga sasakyan at iba pang kagamitan ng mga sundalo at pulis, samantalang kulang na kulang ang mga pasilidad at kagamitan sa mga pampublikong ospital at ng mga manggagawang pangkalusugan para tumanggap, ieksamen at gamutin ang mga pasyenteng posibleng nahawaan ng Covid-19.

Ang pagpapataw ng lockdown ay patunay ng kawalang-kahandaan ng rehimeng Duterte na harapin ang Covid-19 o iba pang epidemya. Bago ito, dalawang buwan na minaliit ni Duterte ang Covid-19. Hindi niya ipinatupad ang mga hakbangin upang pigilang lumaganap sa bansa ang sakit. Katunayan, ilampung libo pang Chinese na turista at manggagawa sa POGO ang pinayagan niyang pumasok sa bansa sa buwan ng Enero hanggang Pebrero. Ito ay kahit kalat na kalat na sa China ang Covid-19, at ipinatupad na ng maraming bansa ang pagsasara ng kanilang mga border sa China.

Pinagtatakpan ng pasistang lockdown ni Duterte kung papaano niyang kinaltasan nang ₱16.6 bilyon ang badyet ng Department of Health. Kinalahati ang badyet (mula ₱262.9 milyon noong 2019 tungong ₱115.5 milyon) para sa Epidemiology and Surveillance Program o programa para sa pagharap at pagkontrol sa nakahahawang sakit tulad ng Covid-19, upang madagdagan ang badyet ng militar at pulis, at para sa “intelligence” na pugad ng korapsyon.

Dahil walang paghahanda at walang pagmamalasakit sa kapakanan at kabuhayan ng masang anakpawis, ang lockdown ni Duterte ay ipinatupad sa paraang mapamilit, gamit ang pwersa ng militar at pulis. Hindi pinakikinggan ni Duterte ang hinaing ng milyun-milyong mamamayan na kailangang bumiyahe para makapagtrabaho, maghanap ng trabaho o iba pang mapagkakakitaan, magtungo sa kanilang kailangang puntahan, at iba pa. Salamin ito ng makitid na utak-militar ni Duterte. Sa kanya, lahat ay mapatatahimik sa pamamagitan ng mga armadong sundalo at pulis.

Laganap ngayon ang pag-aalburuto ng masang anakpawis sa pahirap na lockdown ni Duterte. Bagaman pinalalabas na ang lockdown ay kontra sa Covid-19, malinaw sa mamamayang Pilipino na mas malaking pasakit ang hatid nito sa kanila. Patunay na hindi seryosong hinaharap ni Duterte ang banta ng Covid-19 ay ang kawalan ng hakbanging palakasin ang mga pasilidad pangkalusugan.

Dapat manindigan ang mamamayang Pilipino na wakasan ang anti-mahirap at anti-demokratikong lockdown ni Duterte sa NCR, Luzon at iba pang panig ng bansa. Tulad ng ipinakitang karanasan sa maraming bansa, maaaring harapin ang banta ng Covid-19 na hindi niyuyurakan ang saligang mga karapatan ng mamamayan sa malayang pagbyahe, paghahanapbuhay o pagtitipun-tipon. Mga duktor, nars at mga manggagawang pangkalusugan, hindi mga sundalo at pulis, ang dapat na nasa unahan ng mga pagsisikap.

Marapat lamang na igiit ng sambayanang Pilipino ang kagyat na paglilipat sa kalusugan ng napakalaking badyet na winawaldas sa pagbili ng mga helikopter, eroplanong pandigma, bomba, at iba pang kagamitang panggera, gayundin ng badyet na nakalaan para sa diumano’y “intelligence” at pambayad-utang. Dapat kagyat na armasan ang mga pampublikong ospital at iba pang pasilidad sa pagharap sa Covid-19, gayundin ang mga makinaryang pangkalusugan sa barangay para maisagawa ang mass testing o maramihang pag-eeksamen. Dapat tiyakin ang libreng pamamahagi ng mga face mask, alkohol at mga kagamitang pangkalinisan. Dapat tiyakin na may akses sa kuryente at malinis na tubig, laluna sa mga mahirap na komunidad. Dapat tiyakin ang serbisyong sanitasyon at pagkukulekta ng basura, at dekontaminasyon sa mga pampublikong lugar. Dapat dagdagan ng badyet ang mga unibersidad o mga ahensyang nagsasagawa ng siyentipikong pananaliksik para sa pagtuklas ng mga paraan para sa pag-eeksamen o testing at paglikha ng mga gamot sa Covid-19, at para suportahan ang lokal na produksyon ng mga ito. Dapat igiit ng mga manggagawa ang pangkagipitang ayuda at libreng pamamahagi ng pagkain. Dapat igiit ang karapatan sa pagtitipon, kahit pa kailangang isagawa ang angkop na pag-iingat para umiwas sa pagkalat ng sakit, upang ipahayag ang kolektibong hinaing ng bayan.

Kasabay nito, dapat organisadong kumilos ang mamamayan upang isagawa ang kinakailangang mga hakbangin para iwasan ang pagkalat ng Covid-19. Buuin ang mga komite sa kalusugan at sama-samang isagawa ang mga hakbangin para sa sanitasyon o paglilinis ng paligid, personal na kalinisan, pagbibigay ng tulong sa mga manggagawang pangkalusugan at iba pa. Kasabay nito, dapat patuloy na magpunyagi na ipagtanggol ang mga demokratikong karapatan at kagalingan ng mamamayan sa panahon ng lockdown.

Sa mga rebolusyonaryong teritoryo, dapat pakilusin ang mga organisasyong masa at ang mga komite sa kalusugan ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, upang isagawa ang kampanyang impormasyon tungkol sa Covid-19, at ipatupad ang mga hakbangin para pigilan ang pagkalat nito sa kanilang lugar. Bigyan ng espesyal na pansin ang pangangalaga sa mga nakatatanda na silang pinakabulnerable sa Covid-19. Palaganapin ang kaalaman sa mga halamang-gamot na maaaring gamitin sa pagkontra sa mga sintomas ng Covid-19.

Ang mga yunit ng BHB ay dapat mahigpit na makipagtulungan sa mga komite sa kalusugan sa mga baryo. Dapat pakilusin ang mga Pulang mandirigma para tumulong sa pagtataas ng kaalaman ng mga tao tungkol sa sakit at kung ano ang dapat kolektibong gawin ng bayan para harapin ito. Dapat patuloy na ipagtanggol ng BHB ang mamamayan, laluna sa harap ng banta na gamitin ang Covid-19 para magpataw ng pasistang paghaharing militar, sindakin ang bayan at supilin ang kanilang mga karapatan.

Sa panahon ng krisis pangkalusugan, ang sama-samang pagkilos ng mamamayan ang susi, hindi ang pagpapailalim ng bansa sa pasistang lockdown ni Duterte.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2020/03/21/labanan-ang-anti-mahirap-at-anti-demokratikong-luzon-lockdown-ni-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.