Friday, January 3, 2020

Tagalog News: NPA na namatay sa Luzon, naiuwi na sa Agusan

From the Philippine Information Agency (Jan 3, 2020): Tagalog News: NPA na namatay sa Luzon, naiuwi na sa Agusan (By Nora C. Lanuza)



LUNGSOD NG BUTUAN, Enero 23 (PIA) -- Labis ang pagdadalamhati ni Erlinda Cabachete, ina ng rebeldeng si Bertoldo Cabachete, Jr. o kilala sa mga kamag-anak na si Junjun at alias LJ sa mga NPA na namatay dahil sa pneumonia habang siya ay myembro pa ng New Peoples Army (NPA) sa kabundukan ng Carranglan, Nueva Ecija.

Mula Luzon, dinala ng mga military ang labi ni alias LJ o Junjun at dumating sa kanilang tahanan sa bayan sa Nasipit, Agusan del Norte noong Disyembre 29 ng hapon.


Isinisi ni Erlinda ang pagkamatay ng kanyang anak sa grupong NPA. Ayon kay Erlinda, ang NPA ang nagdala sa kanyang anak sa kamatayan kaya't nanawagan siya ng hustisya para sa kanyang anak.

Ayon din sa kapatid ni Junjun na si Roberto, noong taong 2018 magkasama pa sila sa Maynila. Nagpaalam daw sa kanya si Junjun na pupuntang Nueva Ecija upang doon magtrabaho, ngunit hindi na ito bumalik pa. Hindi nila inakalang isa na pala siyang miyembro ng NPA.

Dahil sa tulong ng isang dating rebelde na kasama ni Junjun sa Nueva Ecija, nalaman ng pamilya ang mga nangyari kay Junjun gayundin ang mga gawain ng mga NPA.

Sa kwento nito, pinabayaan ng mga NPA si Junjun dahil siya ay nagkasakit ng pneumonia at wala ng silbi sa kanila hanggang ito ay mamatay. Itinuro din niya sa mga militar kung saan siya inilibing kaya’t nagkaroon sila ng panahon na hukayin ang kanyang mga labi at ihatid sa kanyang pamilya sa Nasipit, Agusan del Norte.


Dahil sa nangyari, nananawagan si Mayor Enrico Corvera ng Nasipit sa mga kabataan na maging aktibo at huwag magpalinlang sa mga NPA. Ayon sa alkalde, patuloy ang pinaigting na paglaban ng local government unit at militar sa pagrerecruit ng mga NPA sa kanilang lugar.

Malaki ang paniniwala ni Lt. Col. Francisco Molina, Jr., ang commanding officer ng 23rd Infantry Batallion na isang biktima ng pagbrainwash ng NPA si Junjun, pinangakuhan ng tulong ngunit pinabayaan. (with reports from 23IB/NCLM/PIA Agusan del Norte)

https://pia.gov.ph/news/articles/1032218

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.