Sunday, November 24, 2019

CPP/NPA-Palawan: Mis-encounter ang bagong napabalitang labanan sa pagitan ng NPA at PMFC sa Maasin

NPA-Palawan propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Nov 23, 2019): Mis-encounter ang bagong napabalitang labanan sa pagitan ng NPA at PMFC sa Maasin

SALVADOR LUMINOSO
NPA-PALAWAN
BIENVENIDO VALLEVER COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
NOVEMBER 24, 2019

Tila mga asong nauulol ang mga operador ng JTF – Peacock sa pangunguna ng 3rd Marine Brigade at Philippine National Police sa pagpupumilit nito na pagtakpan ng PNP at ng AFP ang naganap na sagupaan sa pagitan ng nag-ooperasyong mga pwersa ng magkasanib na 1st at 2nd PMFC sa Sityo Guiob Maasin, Brookes Point. Naganap ang misencounter noong Nobyembre 21 bandang alas 10:30 ng umaga na nagresulta ng 4 na kaswalti sa panig ng PMFC ayon mismo sa tagapagsalita nitong si PNP Capt. Ric Ramos.

Ngunit ayon mismo sa mga nakakita ay hindi lamang apat ang naging kaswalti sa naturang misencounter, kung pagbabatayan pa lamang ang bilang ng mga ambulansya at nakitang hinahakot na sa tantya ay mga patay na katawan, bukod pa ang mga sugatan.

Sa aming pagkakaalam mula ng maganap ang engkwentro ng mga kasapi ng NPA sa mga tauhan ng Joint Task Force Peacock noong ika-13 ng Nobyembre ay hindi na tumigil ang operasyong militar ng mga sundalo, at isinama pa ang mga pulis sa regular na patrolya sa mga kagubatan at kabundukan. Kaya malinaw na kung hindi parehong mga yunit ng PNP ang nagkalabanan ay tiyak na ibang yunit ng JTF-Peacock ang kanilang nasagupa at upang pagtakpan ang malaking kamalian ay agad na ipinasa sa NPA ang kanilang kabiguan.

Demoralisado ang hanay ng PNP sa di maamin-aming bilang ng malaking pinsala na natamo ng kanilang hanay na mismong kagagawan ng pagsasagupa ng sari-sarili nilang mga pwersa. At upang pagtakpan ito, nag-imbento ang JTF-Peacock at PNP ng kwento na mga NPA ang kanilang nakasagupa. Samantala, natigil ang pagyayabang ng JTF-Peacock at Wescom na nagwawagi sila sa kanilang kontra-rebolusyonaryong gera.

Nananawagan kami sa mga nakabababang upisyal at kawal na talikuran ang kontra-mamamayang gera ng rehimeng Duterte na pulos pasakit at paghihirap ang idinudulot sa mga karaniwang mamamayan. Ibinubukas din ng rebolusyunaryong kilusan ng Palawan ang pintuan nito sa mga kaanib ng PNP at AFP na pagod na sa gerang mapanupil ng Rehimeng US – Duterte. Alam ng NPA – BVC na biktima rin sila ng kakulangan ng benepisyo at pasahod. Habang itinataya nila ang kanilang buhay sa gerang mapanupil laban sa NPA at sibilyan ang kanila namang mga opisyal ay nagpapakasarap sa pangungurap at mga anti-sosyal na gawain. Ang mga simpleng sundalo at pulis ay para lamang pansakripisyong tupa sa demonyong altar ng kontra insurhensyang kampanya ni Alvarez at Duterte.

Ganid na naghahabol ang mga opisyal militar at ng pamahalaan ng malaking pondong nakalaan sa NTF – ELCAC. Talo pa nila ang mga langaw na nagsisiksikan sa nabubulok ng basurang gobyerno ni Jose Chavez Alvarez at ng tuta ng US na si Duterte. Sila-sila rin ang magkakaubusan at magkakapatayan kung hindi ihihinto ng PNP at AFP ang operasyon ng JTF – Peacock sa mga kanayunan ng Brooke’s Point at ng buong Palawan. Sa halip na kapanatagan ay lagim at ligalig sa mga puso’t isipan ng mamamayan ang naidudulot nito. Mas titindi ang militarisasyon sa mga kanayunan sukdang maraming madamay na mga sibilyan na palalabasin lamang ng kanilang mga opisyal na mga NPA upang makaiwas sa pananagutan at tumanggap ng promosyon at pabuya.

Mapayapa at masigla ang mga pamayanang nasasaklaw ng Demokratikong Gobyernong Bayan. Nagkakaroon lamang ng kaguluhan kapag nagsasagawa ng operasyong mapanupil ang AFP at PNP. Kaya muling hinahangad ng NPA – BVC at ng buong rebolusyunaryong kilusan na bumalik ang magkabilang panig sa negosasyong pangkapayapaan upang solusyunan ang ugat ng armadong tunggalian sa Palawan at buong bansa.

Muli, mariing pinasisinungalingan ng BVC ang pahayag ng PNP sa midya na mga kasapi ng NPA ang kanilang nakasagupa. Inuulit namin na wala kahit isa mang NPA sa lugar na pinangyarihan kaya malinaw na misencounter ng mga pwersa ng JTF-Peacock ang naganap. Dapat na managot ang pamunuan ng PNP at ng mga elementong sangkot dito sa kanilang pagkakamali lalo na sa pamilya ng biktima at sa mismong naging biktima nito.

Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!

Mabuhay ang sambayanang lumalaban para sa tunay na kalayaan at kapayapaan! Mabuhay ang Rebolusyon!

https://cpp.ph/statement/mis-encounter-ang-bagong-napabalitang-labanan-sa-pagitan-ng-npa-at-pmfc-sa-maasin/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.