Monday, October 14, 2019

Tagalog News: Mga programa para sa mga katutubo, iminungkahi ng PTF-ELCAC

From the Philippine Information Agency (Oct 14, 2019): Tagalog News: Mga programa para sa mga katutubo, iminungkahi ng PTF-ELCAC



Nais ni Provincial Administrator Muriel Reguinding (gitna sa unang linya) na makahanap ng bibili sa mga produkto ng mga katutubo upang magkaroon ng maayos na kita ang mga IPs. (Voltaire N. Dequina)

SAN JOSE, Occidental Mindoro -- Nagpanukala ng mga programa ang Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) para sa mga katutubong Mangyan ng bayang ito upang mapigilang sumuporta sa komunistang grupo o New People’s Army (NPA).

Sa isinagawang pulong kamakailan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na kabilang sa Provincial Task Force (PTF), tinalakay ang mga posibleng proyekto na maaaring ipatupad para sa mga Indigenous Peoples (IPs) ng Monteclaro at Naibuan, dalawang barangay sa San Jose na kabilang sa may pinakamaraming kaso ng recruitment ng NPA sa lalawigan.


Ayon kay Juvy Tepico ng panlalawigang tanggapan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), partikular na pinagtuunang pansin sa pulong ay ang mga paraan upang matulungan sa kanilang ikinabubuhay ang mga katutubo.

Kabilang sa mga iminungkahi ng PTF ay ang pagbibigay sa mga IPs ng Bamboo Craft Training mula Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) gayundin ang pagsasanay sa produksyon ng Organic Fertilizer na pangungunahan din ng TESDA.

Sinabi naman ni Provincial Administrator Muriel Reguinding na bagamat tiyak na pakikinabangan ng mga katutubo ang mga naturang pagsasanay, dapat munang matugunan ang kanilang mas dagliang pangangailangan. Ito aniya ay ang mabigyan ang mga ito ng direktang pagkakakitaan o trabaho upang may maibili ng pagkain at ibang kailangan sa araw-araw.

Featured Image

Sinusugan ni 1Lt Rex Michael Pedraza ng 4th IB, Philippine Army ang pahayag ni Reguinding, at sinabing kahirapan ang pangunahing nagtutulak sa mga IPs upang pumanig sa NPA. Sinasamantala aniya ng mga rebeldeng komunista ang dinaranas na kakapusan ng ilang komunidad at pinaniniwala ang mga ito na pinabayaan na sila ng pamahalaan at ang NPA na lamang ang makakatulong sa kanila.

Kaugnay nito, iminungkahi ng Provincial Administrator ang paghahanap ng market o mga bibili sa mga produkto ng mga katutubo. “Malaking bagay yung marketing linkage para kumita ng maayos ang mga katutubo mula sa kanilang pagtatanim,” ayon kay Reguinding. Agad din nitong inatasan ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na pangunahan ang paghahanap ng mga tatangkilik sa mga aning- produkto ng IPs gaya ng saging, kamoteng-kahoy, at iba pa.

Samantala, nakatakdang makipag-ugnayan ang PTF sa pamahalaang lokal ng San Jose upang talakayin ang posibleng pagkakaroon ng regular na “market day” at takdang lokasyon (Bagsakan) para sa mga produkto ng mga katutubo. Bilin ni Reguinding, dapat sa kanilang pagbalik sa Naibuan at Monteclaro ay may maiuulat na silang programa na tugon sa pangangailangan ng mga katutubo. “Kailangang handa tayo upang hindi mawala ang tiwala nila sa pamahalaan,” saad pa ng opisyal.

Ang pagbuo ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict ay bahagi ng suporta ng lalawigan sa pagsasakatuparan ng Executive Order No. 70 o mas kilala sa tawag na “Whole of Nation Approach,” ang bagong istratehiya ng pamahalaan upang wakasan ang insureksyon sa bansa. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.