Friday, October 25, 2019

CPP/NPA-Mountain Province: Ubos-kayang biguin ang Oplan Kapanatagan! Ipagdiwang ang matagumpay na depensa ng NPA laban sa 5th ID!

NPA-Moountain Province propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Oct 22, 2019): Ubos-kayang biguin ang Oplan Kapanatagan! Ipagdiwang ang matagumpay na depensa ng NPA laban sa 5th ID!

MAGNO UDYAW
NPA-MOUNTAIN PROVINCE
LEONARDO PACSI COMMAND
OCTOBER 24, 2019

Matagumpay ang aktibong depensa ng Leonardo Pacsi Command (NPA-Mt. Province) laban sa mga nag-ooperasyong yunit ng Philippine Army sa ilalim ng 5th Infantry Division noong Oktubre 24, ika-2 ng hapon sa Suquib, Besao, Mt. Province.

Sa kalahating-oras na labanan, di bababa sa isang patay (1 KIA) at isang sugatan (1 WIA) ang natamong kaswalti ng mga pasistang tropa ng Division Reconnaissance Company ng 5th ID.

Habang ligtas na nakaatras ang mga Pulang mandirigma, ilang oras pang nagpaputok nang walang-habas ang mga tropa ng DRC sa lugar na sakahan at pastuhan ng mamamayan ng Besao.

Nagdulot ng matinding takot sa mga mamamayan ang indiscriminate firing at pagpapasabog ng mortar, dagdag pa sa matagal nang nakaantabay na armored personnel carrier o APC.

Ang modang aktibong depensa ay hakbang ng LPC laban sa pambubulabog ng Oplan Kapanatagan sa Mt. Province.

Pambubulabog

Nitong mga huling buwan ng taon, inarangkada ng Northern Luzon Command (NOLCOM) ang malawakan at focused na operasyong militar sa mga munisipyo ng Bauko, Besao, Bontoc, Sagada, Tadian sa Mt. Province at Tubo sa Abra.

Ipinakat sa erya ang humigit-kumulang dalawang batalyon ng mga tropa na nanggaling sa iba’t ibang yunit ng 5th ID (50th IB, 54th IB, 51st at 52nd DRC), 7th ID (24th IB, 81st IB, at PNP (RMFB, SAF) upang gapiin ang mga yunit ng NPA.

Matinding takot at gambala ang idinulot ng mahigit isang buwan nang pagkakampo ng mga nasabing yunit sa loob ng mga komunidad, pagpapalipad ng mga drone at recon plane, at kabi-kabilang kaso ng harassment at saywar (psychological warfare).

Kabi-kabila rin ang mga ulat ng pagkakalat ng basura at pamumutol ng punungkahoy sa mga pastuhan at kagubatan na pinagkampuhan nila at pinagbabaan ng helicopter sa suplay.

Kasabay nito ang pagbuo sa Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) sa lalawigan at mga katumbas na task force sa antas munisipyo at barangay upang puksain ang makatarungang paglaban ng mamamayan.

Pandarambong

Sa esensya, ang mga ito ay paghahanda para sa mabilisan at madulas na pagpasok ng mga dayuhan, dambuhala, at mapanirang proyekto sa enerhiya, logging, at minas.

Sa ilalim ng 14-megawatt hydropower project ng BIMAKA Renewable Energy Development Corp. o BREDCO, nakatakdang magtayo ng apat na hydropower plant na makaaapekto sa katubigan ng 10 sa 14 barangay ng Besao.

Kasunod ito ng serye ng panlilinlang sa pagkuha ng free, prior, and informed consent (FPIC) at paggamit sa mga lokal na naghaharing uri para brasuhin ang kanilang mga kailian.

Umuusad din ang aplikasyon para sa pagmimina ng Cordillera Exploration Company Inc. (CEXCI) ng Nickel Asia na sumasaklaw ng libo-libong ektarya ng kabundukan.

Ito ay sa kabila ng malawak na pagkontra ng mamamayan sa 15 apektadong munisipyo sa Cordillera at Ilocos, kabilang ang Bauko, Besao, Sabangan, Sadanga, Sagada, at Tadian.

Mabibigo

Tiyak na mabibigo ang Oplan Kapanatagan dahil ito ay nakaugat sa pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan.

Ang masang api – mga magsasaka, pambansang minorya, at karaniwang mamamayan – ay ang mga pangunahing biktima ng todo-gera ng rehimeng US-Duterte.

Sa kabila ng kahirapan at krisis panlipunan, sumisidhi ang kanilang galit at pakikibaka laban sa mga lokal na naghaharing uri, mga dayuhang imperyalista, at ang kasapakat nilang reaksyunaryong Estado at mga armadong pwersa.

Bilang Hukbo ng mamamayan ng Mt. Province, ang LPC ay lagi’t laging titindig para sa interes ng mga api at ubos-kayang ipagtatanggol ang kanilang mga karapatan, likas na yaman, at lupang ninuno.

Ang serye ng matatagumpay na opensiba ng LPC ngayong 2019 ay ambag sa pakikibaka ng mamamayan laban sa Oplan Kapanatagan at pag-abante ng armadong rebolusyonaryong kilusan sa buong bansa.

Habang patuloy na naaagnas ang naghaharing sistema, sumusulong ang demokratikong rebolusyong bayan at nalalapit ang araw ng tunay na kalayaan.

Ilantad at labanan ang pandarambong ng Oplan Kapanatagan sa Mt. Province!
Patalsikin ang pasistang rehimeng US-Duterte!
Ipagtagumpay ang rebolusyong Pilipino!

https://cpp.ph/statement/ubos-kayang-biguin-ang-oplan-kapanatagan-ipagdiwang-ang-matagumpay-na-depensa-ng-npa-laban-sa-5th-id/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.