Thursday, September 26, 2019

CPP/NDF-ST: Komentaryo sa pahayag ni Secretary Panelo na walang nagawang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Duterte

NDF-Southern Tagalog (ST) propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 27, 2019): Komentaryo sa pahayag ni Secretary Panelo na walang nagawang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Duterte

PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
SEPTEMBER 26, 2019

Dapat ngang tawaging “payaso ng Malakanyang” si Secretary Panelo—tagapasalita at tagalinis ng kalat ni Duterte sa media. Sa naiibang talento ni Panelo sa pagsisinungaling at paglulubid ng kwento, akma nga siyang maging tagapagsalita ng Palasyo upang pabanguhin ang imahen ng rehimeng Duterte tulad ng ginawa ni Goebbels sa Nazismo ni Hitler.

Tigas ang mukha ni Panelo sa pagsisinungaling sa harapan ng mga kagawad ng media sa Malacanang noong Setyembre 23, 2019 na “walang nagaganap na paglabag sa karapatang pantao” sa bansa maging sa panig ng administrasyong Duterte. Reaksyon ito ng Malacanang sa naging ulat ni Antonio Guteress, ang Secretary General ng United Nations, na isa ang Pilipinas sa 48 bansa sa mundo na patuloy ang ginagawang mga intimidasyon at panggigipit, bilang pagganti, sa mga organisasyong sibiko, mga tagapagtaguyod at tagapagtanggol ng karapatang pantao dahil sa kanilang pakikipagtulungan sa United Nations Human Rights Council.

Pawang mga kakarampot na pasista at masusugid na mga anti-demokratikong elemento lamang, sa loob at labas ng gubyernong Duterte, ang maniniwala sa pahayag ni Panelo. Alam ng taumbayan kung gaano kabrutal at mapaniil ang pasistang adminstrasyong Duterte lalo na sa kampanya nito laban sa iligal na droga at sa “kontra-insurehensya” sa ilalim ng Oplan Kapanatagan.

Hindi kayang pagtakpan ng mga kasinungalingan, maaangas na pananalita at retoriko ng Malakanang ang paniniwala ng internasyunal na komunidad sa kalupitan at pananagutang kriminal ni Duterte dahil sa naganap at patuloy pang nagaganap na malawakang pagpatay sa mga pinaghihinalaang adik at tulak ng ilegal na droga na kalakhan ay mula sa mahihirap na Pilipino. Marami ang naniniwala na sadya silang pinatay at hindi “nanlaban” na madalas at gastado nang kwento ng mga operatiba ng gubyerno para palitawin na lehitimo ang kanilang mga operasyon laban sa iligal na droga. Hindi na lihim ang ginagawang pagtatanim ng ebidensya—baril at ilegal na droga—ng mga operatiba ng pulisya at militar para suportahan ang kwentong “nanlaban kaya napatay” ang mga biktima ng extra–judicial killings.

Higit na marami ang naniniwala, hindi lang dito sa bansa kundi maging sa ibayong dagat, na ang pasistang si Duterte ang utak at nasa likod ng mga pagpaslang, pag-atake, demonisasyon, red-tagging at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso para usigin at ipakulong sa mga lider at kasapi ng mga progresibong organisasyon, mga masugid na kritiko at oposisyon sa bansa.

Hindi na kayang linisin pa ni Panelo ang estabilisadong katotohanan na sa loob lamang ng mahigit na 3 taong panunungkulan ng pasistang rehimeng US- Duterte ay nahihigitan na nito ang mga paglabag sa karapatang pantao ng pinagsamang rehimen mula kay Ferdinand Marcos hanggang kay Noynoy Aquino. Patunay dito ang mga datos na nakatala sa ibaba.

Mahigit sa 6,000 ang opisyal na bilang na inamin ng pulisya na kanilang napapatay sa gyera kontra ilegal na droga at mahigit naman sa 25,000 pang pamamaslang na may kaugnayan sa ilegal na droga ang isinasailalim sa imbestigasyon.

Umabot naman sa 134 na tagapagtaguyod at tagapagtanggol ng karapatang pantao at mahigit sa 100 lider magsasaka at katutubo, mula sa mga progresibong organisasyon, ang biktima ng ekstrahudisyal na mga pamamaslang ng mga ahente at death squad ng rehimen. Dumarami din ang bilang ng mga mga biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang mula sa mga taong simbahan, media, abugado at iba pang propesyunal. Sa kabilang banda, nakapagtala ang Karapatan ng mahigit sa 381 bigong ekstrahudisyal na pamamaslang na ang pinakahuli ay ang tangkang pagpatay kay Atty Criselda Heredia na isang human rights lawyer at aktibong environment activist na nakabase sa Capiz.

Ayon din sa Karapatan, batay sa inilabas nilang datos sa publiko mula Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2018, mahigit sa 448,000 na mga magsasaka at katutubo ang biktima ng karahasang militar ng AFP at PNP sa pagpapatupad ng Oplan-Kapanatagan gamit ang whole of nation strategy to end local communist armed conflict. Kabilang ang 368,391 na sapilitang nagsilikas sa ligtas na lugar dahil sa mga isinagawang aerial bombings ng AFP na walang pagsasaalang alang sa buhay ng mga kawawang sibilyan. Nasa 8,340 naman na indibidwal ang biktima ng indiscriminate firing ng AFP at PNP.

Nasa 2,684 ang naisadokumento ng Karapatan na iligal na inaresto kung saan 513 ang kinasuhan at ikinulong batay sa mga gawa-gawang kaso. Nasa 111 naman ang nakaranas ng torture mula sa kamay ng mga amadong pwersa ng estado. Nasa mahigit sa 6,100 ang nakaranas ng ilegal na demolisyon.

Marami pang naisadokumento ang Karapatan na mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng adminitrasyong Duterte na isinapubliko bilang patunay na malawakan, talamak at walang habas ang nagaganap na mga paglabag sa karapatang pantao ng pasistang rehimeng US-Duterte laban sa sambayanang Pilipino.

Batay sa nabanggit sa itaas na halaw sa opisyal na dokumento, mga kongkretong datos at mga sinumpaang salaysay ng mga biktima sa paglabag sa karapatang pantao na isinumite at iprinesenta sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) ng mga organisasyon na nagtataguyod at nagtatanggol sa karapatang pantao sa Pilipinas, pinasusubalian nito ang pahayag ng Malakanyang na walang nagaganap na paglabag sa karapatang pantao sa bansa at walang nilalabag na karapatang pantao ang administrasyong Duterte.

Sa ganito, kaya pa bang papaniniwalain ni Panelo ang taumbayan sa kanyang mga imbentong kasinungalingan? Wala, wala at wala nang maniniwala sa mga kapural ni Duterte. Wala nang natitirang kredibilidad si Duterte para maniwala ang taumbayan. Para sa taumbayan, si Duterte ay traydor, korap, pasista at talamak na mamamatay tao. Isang pinunong may kriminal na intensyon at oryentasyon para magkamal ng kapangyarihan na walang hanggan. Dapat na pigilan ng mamamayan ang patuloy pang paglubha ng mga paglabag sa karapatang pantao at higit na karumal dumal na krimen sa bayan ng rehimeng Duterte. Dapat nitong buuin ang malawak na pagkakaisa at ilunsad ang determinadong paglaban upang agarang mapapatalsik sa isang popular na pag-aalsa ng taumbayan na tulad ng nangyari sa Edsa nuong Pebrero 1986 na nagpatalsik sa diktador na si Ferdinand Marcos.####

https://cpp.ph/statement/komentaryo-sa-pahayag-ni-secretary-panelo-na-walang-nagawang-paglabag-sa-karapatang-pantao-sa-ilalim-ng-administrasyong-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.