Thursday, September 26, 2019

CPP/NPA-Mountain Province: Tuloy-tuloy na labanan ang pandarambong ng Oplan Kapanatagan sa Mt. Province!

NPA-Mountain Province propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 27, 2019): Tuloy-tuloy na labanan ang pandarambong ng Oplan Kapanatagan sa Mt. Province!

MAGNO UDYAW
NPA-MOUNTAIN PROVINCE
LEONARDO PACSI COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
SEPTEMBER 27, 2019

Patuloy na umiigting ang todo-gera ng rehimeng US-Duterte laban sa mamamayan, kasabay ng paglala ng krisis sa ekonomya at pagluhod ng rehimen sa mga imperyalista.

Sa bulag na pagnanais na puksain ang paglaban ng mamamayan, inaarangkada ng rehimen at ng armadong pwersa nito ang Oplan Kapanatagan.

Tiyak na bibiguin ito ng mamamayan at ng rebolusyonaryong kilusan, katulad ng ipinamalas ng matagumpay na aksyong militar ng Leonardo Pacsi Command (NPA – Mt. Province) laban sa mga nanghimasok na tropa ng Charlie Company, 50th Infantry Battalion sa Aguid, Sagada, Mt. Province noong Setyembre 26, alas-onse ng umaga.

Sa naturang opensiba, namatay si Corporal Jordan Manawa at di-mabilang ang sugatan sa hanay ng mga pasistang tropa.

Pandarambong at hindi kapanatagan. Sa ilalim ng Oplan Kapanatagan Cordillera-Ilocos Alpha, pinatitindi ng AFP at PNP ang pandarambong at panunupil ng mamamayan ng rehiyon.

Ngayong buwan, naglunsad ang Northern Luzon Command ng AFP ng malawakang operasyong militar sa iba’t ibang bahagi ng Cordillera at Ilocos, kabilang ang Mt. Province, kasabay ng tuloy-tuloy na harassment, paglabag sa karapatang-tao, at saywar (psychological warfare).

Sa Mt. Province, patuloy ang panggigipit at redtagging sa mga aktibista at organisasyong masa, na bahagi ng pagkukundisyon ng rehimen upang ilatag ang batas militar sa buong bansa.

Batay sa mga ulat ng mga taga-Besao at ng karatig na bayan ng Tubo, Abra, nanghimasok ang mga tropa ng pulis at militar sa mga komunidad upang “kumpiskahin ang mga inimbak na armas ng NPA” sa mga tahanan.

Nakakampo rin ang mga tropa ng militar sa loob ng mga pampublikong lugar, katulad ng eskwelahan, na lantarang paglabag sa Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL.

Sa inaasahang pagdiriwang ng ika-51 anibersaryo ng CPP sa Disyembre, naglipana rin ang mga ahente ng pulis at militar na nagpapanggap na miyembro ng NPA upang makapanghuthot ng salapi mula sa mga opisyal ng gubyerno, batay sa mga ulat ng mga taga-Sagada at Tubo.

Takot at hindi kapanatagan ang dulot sa mamamayan ng mga nakaparadang sasakyan ng AFP at ng ingay ng mga drone, helicopter, at recon plane.

“Kapanatagan” ng nga dayuhan at ganid na proyekto. Binuo ang Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict na nasa pamumuno ng AFP at PNP upang paigtingin ang papel ng mga ito bilang protektor at private security force ng mga dambuhala at mapanirang proyekto sa enerhiya, logging, at minas.

Sa ilalim ng RTF-ELCAC, mas madali nang makakasangkapan ng AFP-PNP ang mga local government unit, ahensya ng gubyerno, at huwad na organisasyon upang manghimasok sa mga komunidad at supilin ang paglaban ng mga mamamayang apektado ng mga nasabing proyekto.

Kasalukuyang inookupa ng 50th IB, 54th IB, at 52nd Division Reconnaissance Company ng 5th Infantry Division ang mga komunidad sa Kalinga, Mt. Province, at Ifugao, na pangunahing maaapektuhan ng Chico River Pump Irrigation Project ng Tsina at Alimit Dam Project ng SN Aboitiz.

Sa Abra, Ilocos Sur, at Mt. Province, malawakang operasyong militar ang tugon ng 7th ID (24th IB at 81st IB) sa paglaban ng mga magsasaka at Kaigorotan sa Cordillera Exploration Co. Inc. o CEXCI ng Freeport McMorran-Phelps Dodge at Sta. Clara-Philnewriver Hydropower Companies.

Kasabay nito ang paghahawan ng daan para sa BIMAKA Renewable Energy Development Corp. o BREDCO na nakatakdang maitayo sa Besao matapos nitong dayain ang pagkuha sa free, prior, and informed consent.

Paglaban ng magsasaka at pambansang minorya sa huwad na “kapanatagan”. Dahil sa lumalalang pasismo, krisis sa ekonomya, at pambansang pang-aapi, walang ibang sasaligan ang mamamayan kundi ang sama-samang pagkilos at paglaban.

Walang-habas ang pangangamkam sa lupang ninuno ng Kaigorotan at pagtapak sa kanilang karapatan sa sariling pagpapasya.

Lalo namang naibabaon sa gutom ang mga magsasaka dahil sa mga neoliberal na polisiya sa ekonomya ng Estado – katulad ng huwad na reporma sa buwis at liberalisasyon sa pag-aangkat ng bigas – na pinalalala ng paggambala ng militarisasyon sa kabuhayan.

Ginagatungan lamang ng Oplan Kapanatagan ang sumisidhing galit at paglaban ng mamamayan ng Mt. Province, Cordillera, at Ilocos.

Bilang Hukbo ng mamamayan, paiigtingin ng LPC ang armadong pakikibaka upang isulong ang tunay na kahilingan ng mamamayan at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba.

Ilantad at labanan ang pandarambong ng Oplan Kapanatagan sa Mt. Province!
Patalsikin ang pasistang rehimeng US-Duterte!
Ipagtagumpay ang rebolusyong Pilipino!

https://cpp.ph/statement/tuloy-tuloy-na-labanan-ang-pandarambong-ng-oplan-kapanatagan-sa-mt-province/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.