Thursday, September 26, 2019

CPP/NPA-Abra: Mapanupil na Executive Order No.70 patuloy na bibiguin ng NPA at buong mamamayan ng Abra

NPA-Abra propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 27, 2019): Mapanupil na Executive Order No.70 patuloy na bibiguin ng NPA at buong mamamayan ng Abra

FLORENCIO BALUGA
SPOKESPERSON
NPA-ABRA
NEW PEOPLE'S ARMY
SEPTEMBER 26, 2019

Matapos ang bigong kampanya ng rehimeng US-DUTERTE na Oplan Kapayapaan laban sa CPP-NPA-NDF, agad na naglabas ng Executive Order No. 70 si Duterte para bumuo ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC). Binuo ang Joint Peace and Security Coordinating Committee kung saan pinagsama-sama ang AFP, PNP, LGU at mga sibilyang ahensya sa layuning mas lalong pag-ibayuhin ang kontra-rebolusyonaryong kampanya ngunit ang mga hakbang na Ito ay pinag-uugatan ng mga kontra-mamamayan na polisiya. Ito ay desperasyon ng estado na igupo o lumpuhin ang rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan.

Dito sa probinsya ng Abra nagpatawag ng pulong ang Provincial Peace and Order Council (PPOC) na pinangunahan nila Gov. Joy Bernos, 24th IB Commanding Officer Lt. Col. Jeary Faminial, PNP Abra Director PCol. Alfredo K. Dangani upang pilitin ang mga opisyales ng mga Manisipyo at mga Barangay upang pumirma sa mga dokumento na nagdedeklara sa CPP-NPA-NDF at ibang progresibong organisasyon bilang Persona Non Grata, Dagdag pa rito binuo ang mga asosasyon ng Rebel Returnee sa probinsya at munisipyong antas upang maging instrumento sa mga Intel Operation at surrenderee campaign, Itinalaga si Jubencio Balweg bilang provincial coordinator ng mga Rebel Returnee (RR). Laman ng programa ang pagpapasurender sa mga sibilyan na pinaghihinalaang supporter ng NPA na ihinaharap sa medya tulad ng nangyari kay Genebeth Balicao, kasama rito ang panggigipit at pananakot sa mga Mayor para pirmahan at ipatupad ang mga polisiya na binababa ng pambansang pamahalaan. Tuloy-tuloy rin ang mga pagbrainwash ng AFP-PNP sa mga kabataan na lumayo sa rebolusyonaryong kilusan, pagreredtagged sa mga progresibong organisasyon at pagpapakalat ng mga kasinungalingan sa mga isinasagawang Youth Leadership Summit (YLS) sa bawat munisipyo. Ginagawang daluyan ang mga organisasyon sa mga Barangay ng Counter-insurgency. Maging ang simbahan ay kinakasangkapan para sa pagpapalaganap ng mga maling kaisipan laban sa rebolusyonaryo.

Ang mga kampanya ng rehimeng US-DUTERTE ang mismong naglalahad kung bakit ito ay kontra-mamamayan, winawasak nito ang pagkakaisa ng mamamayan at nagsisindi ng Clan War, Nilulusaw ang mga dating kaayusan para sa pagtatanggol sa lupa, karapatan at rekurso. Ginagawang bulag, pipi, bingi, ang mamamayan para tuluyan silang pigilan sa kanilang adhikaing magkamit ng tunay na kalayaan mula sa pasismo. Kahit Ang mga simpleng indibidwal na nagpapahayag ng di pagsang-ayon sa nais ng AFP-PNP ay nakakaranas ng harassment, EJK atbp. Maliban sa pagtapak sa mga karapatan ng mamamayan tuloy-tuloy na nagpapakasasa sa malalaking kick-back mula sa mga pondo na inilalabas sa ngalan ng counter-insurgency sina Gov. Joy Bernos, Lt. Col. Jeary Faminial, PCol. Alfredo Dangani atbp, sa halip na mga basic services lalo na para sa magsasaka ang unahin mas inuuna pa ang makakapagbulsa sila ng salapi. Magmula rito makikita natin kung sino ang nararapat na ituring na Persona Non Grata yan ay ang AFP-PNP at si Gov. Joy Bernos.

Tulad ng mga nagdaang Oplan laban sa rebolusyonaryong kilusan hindi magwawagi ang mga desperadong hakbang na ito, hindi rin Ito tatapos sa rebolusyon dahil Ito ay magsisilbing matabang lupa para sa patuloy na pagsigla at pagyabong ng armadong paglaban ng mamamayan dito sa Abra. Sapagkat hindi lingid sa kaalaman ng mamamayan at mulat sila sa kung sino talaga ang nagsusulong ng kanilang demokratikong interes. Malawak ang karanasan ng mamamayan magmula sa Martial ni Marcos kung kayat hindi maitatago sa kanila ang pag-iral ng de facto Martial Law ngayon sa tabing ng iba’t-ibang kampanya ng estado. Patuloy na manawagan sa buong mamamayan ng Abra na huwag matakot na ilantad at Laban ang mga paglabag sa karapatan-tao na ginagawa ng AFP PNP CAFGU, patuloy na ipaintintindi sa mga mamamayan kung anu ang tunay na kalagayan ng ating lipunan sa kasalukuyang panahon. Makakaasa ang mamamayan ng Abra na laging nakahanda ang Agustin Begnalen Command NPA-Abra para bigwasan ang mga AFP-PNP bilang sagot sa kanilang pasismo.

Tutulan ang Executive Order No. 70!
Ilantad at labanan ang sabwatang Gov. Joy Bernos, Lt. Col Faminial, PCol Dangani!
Ibagsak ang rehimeng US-DUTERTE!
Ibayong isulong ang armadong pakikibaka!
Sumapi sa NPA***

https://cpp.ph/statement/mapanupil-na-executive-order-no-70-patuloy-na-bibiguin-ng-npa-at-buong-mamamayan-ng-abra/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.