Thursday, August 1, 2019

Tagalog News: Kahusayan at kakayahan ng 7th ID, ibang yunit ng Army ipinamalas

From the Philippine Information Agency (Aug 1, 2019): Tagalog News: Kahusayan at kakayahan ng 7th ID, ibang yunit ng Army ipinamalas



Ipinamalas ng 7th Infantry Division at iba pang yunit ng Hukbong Katihan ang husay at kapabilidad sa kanilang pagtupad ng tungkulin. (Camille C. NagaƱo/PIA 3)

FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija  -- Ipinamalas ng 7th Infantry Division o 7thID at iba pang yunit ng Hukbong Katihan ang husay at kapabilidad sa pagtupad ng tungkulin.

Ayon kay 7th ID Commander Major General Lenard Agustin, patuloy na pinalalakas ng hanay ang kakayahan at kagamitan upang tumugon sa mga gampanin sa pagbabantay kapayapaan katuwang ang iba’t ibang sektor ng lipunan.

Ang aktibidad na ito aniya ay isang pamamaraan upang ipakita sa bawat stakeholder ang kahalagahan ng patuloy na pagkakaisa sa layuning makamit ang tunay na kapayapaan sa bansa.

Pinakita ng Infantry Rifle Squad, Scout Ranger, Scout Sniper, at Special Forces Regiment ang paggamit ng armas, gayundin ang mga taktika sa pagresponde sa isinagawang scenario o halimbawang engkwentro sa pagitan ng mga kalaban.

Nagpakitang gilas din ang Officer Candidate Class 52-2019 sa kanilang Silent Drill Exhibition gayundin ang mga sky divers mula sa Special Forces Regiment Airborne.

Pahayag ni Agustin, sa lahat ng kahandaan at kasanayan ng hanay ay pinakamahalaga ang suporta at tulong ng lahat ng miyembro ng lipunan upang matigil na ang terorismo sa bansa.

Ito aniya ay hindi lamang responsibilidad ng mga kasundaluhan kundi ng bawat sektor at mamamayang Pilipino mula sa mga sangay ng gobyerno, nasyonal o lokal, pribadong tanggapan, hanggang sa mga opisyales at mamamayan mismo ng barangay.

Kaniyang panawagan ay maging maingat, mapagmasid, kumilos at isumbong sa tanggapan ang mga kahinahinalang grupo o aktibidad sa lugar.

Gayundnin ay huwag agad paniwalaan ang mga impormasyong nakikita sa social media at maging responsableng katuwang sa pagpapalakas ng pwersa ng gobyerno laban sa terorismo. (CLJD/CCN-PIA 3)

https://pia.gov.ph/news/articles/1025444

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.