Thursday, August 1, 2019

Tagalog News: Iba’t ibang sektor, nakipagdayalogo sa mga heneral ng Army

From the Philippine Information Agency (Aug 1, 2019): Tagalog News: Iba’t ibang sektor, nakipagdayalogo sa mga heneral ng Army


Binigyang pagkakataon ang iba’t ibang sektor na makipagdayalogo sa mga tagapamuno ng 7th Infantry Division o 7thID at ibang yunit ng Hukbong Katihan. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija, Agosto 1 (PIA) -- Binigyang pagkakataon ang iba’t ibang sektor na makipagdayalogo sa mga tagapamuno ng 7th Infantry Division o 7thID at ibang yunit ng Hukbong Katihan.

Ayon kay 7th ID Commander Major General Lenard Agustin, ito ang unang beses na isagawa sa kampo ang ganitong aktibidad na mapagsama-sama ang mga heneral na sakop ng Philippine Army upang talakayin ang mga kasalukuyang isyung kinahaharap ng bansa na may kaugnayan sa pangkapayapaan.

Dumalo sa naturang programa ang mga alkalde, representante ng lokal na pamahalaan, mga katutubo, kabataan, pribadong asosasyon, relihiyon, academe, at mga mamamahayag.

Dito ay kanilang inilahad ang mga nararanasan, katanungang binigyang linaw ng mga tagapamunong nakasasakop.

Ilan sa mga tinalakay na usapin ay ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Executive Order No. 70 gayundin ang mga gampanin ng lokal na pamahalaan partikular ang pagdedeklara ng “persona non grata” sa mga miyembro ng CPP-NPA-NDF sa bawat lokalidad.

Pinangunahan ni Agustin ang hanay ng mga heneral ng 7th ID kasama sina Assistant Division Commander Brigadier General Bismarck Soliba, 701st Brigade Commander Brigadier General Manuel Sequitin, 702nd Brigade Commander Brigadier General Henry Robinson Jr., at 703rd Brigade Commander Brigadier General Rowen Tolentino.

Kasama din sa talakayan sina Mechanized Infantry Division Assistant Commander Brigadier General Pascual Luis Bedia at Army Artillery Regiment Commander Brigadier General Virgilio Bartolome.

Sumentro ang panawagan ni Agustin sa paghingi ng tulong at suporta sa lahat ng mamamayan na tapusin ang terorismo at matupad ang inaasam na payapang buhay, tahimik at malayo sa gulo.

Kulang aniya ang tapang at galing ng mga kasundaluhan kung wala ang tulong ng mga mamamayang nasasakupan.

Pahayag ni Agustin, mayroon pang pag-asa mula sa ating mga sarili bilang pinakamahusay na kakampi, kaugnay sa iisang layuning kapayapaan sa bansang Pilipinas. (CLJD/CCN-PIA 3)

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.