Wednesday, August 28, 2019

CPP: Sa mamamayang Pilipino: Magkaisa at ipagtanggol ang bayan! Buuin ang pambansang patriyotikong prente laban sa pangangamkam sa ekonomya at panghihimasok militar ng China

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 28, 2019): Sa mamamayang Pilipino: Magkaisa at ipagtanggol ang bayan! Buuin ang pambansang patriyotikong prente laban sa pangangamkam sa ekonomya at panghihimasok militar ng China



Sa nagdaang mga taon, labis na naagnas ang soberanya ng Pilipinas resulta ng tuluy-tuloy at sistematikong pang-ekonomyang pangangamkam sa ekonomya at panghihimasok militar ng makapangyarihang China. Mula 2016, umigting ang mga hakbang ng China upang palakasin ang pusisyon at kontrol nito sa bansa. Pinapaspasan nito ang pagdambong ng rekursong dagat at mineral ng Pilipinas at ibayong pinalalaki ang presensyang militar sa loob ng teritoryong dagat ng bansa. Nagawa ng China na gawin ito sa pakikipagsabwatan ng gubyerno ng Pilipinas sa ilalim ni Rodrigo Duterte.

Nananawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa lahat ng Pilipinong patriyotiko at nagmamahal sa kalayaan na magkaisa, matatag na manindigan at kumilos nang may nag-aalab na patriyotismo upang ipagtanggol ang soberanya at pambansang kalayaan laban sa pakikialam at panghihimasok ng China. Labis ang kakagyatan ng panawagang ito sa harap ng pagmamalaki ng China at lansakang pagbalewala sa teritoryo, ekslusibong sonang pang-ekonomya (EEZ o exclusive economic zone), likas yaman at seguridad sa pagkain ng bansa, at kabuhayan ng mamamayan.

Pangangamkam at pandarambong sa ekonomya

Winalang-bahala ng China ang EEZ ng Pilipinas at pinatindi ang pangingisda sa West Philippine Sea. Bahagi ito ng mga operasyon ng mga barko ng China na pinopondohan ng estado sa malalalim na karagatan sa iba’t ibang panig ng daigdig na tumutugon sa lokal na demand at pag-eksport ng isda at iba pang pagkaing dagat. Ang malawakang mga operasyong pangisda ng China ay nagreresulta sa labis na pangingisda at pagliit ng suplay ng isda, partikular ang mga isdang may mataas na halaga tulad ng tuna at grouper (o lapulapu). Dagdag pa, notoryus ang mga sasakyang pangisda ng China sa pagsamsam sa mga bahura, pawikan, higanteng mga kabibe (clam) at iba pang nanganganib na hayop sa dagat.

Noong Abril, naiulat na dinumog ng may 200 sasakyang dagat ng China ang isla ng Thitu sa Spratlys. Mula Pebrero, di bababa sa 85 sasakyang dagat ang nakaangkla sa paligid ng isla ng Pag-asa. Kinukuyog din ng mga sasakyang dagat ng China ang mga isla ng Kota at Panata. Ang presensya ng malaking bilang ng mga sasakyang dagat ng China, na napaulat na nagsasakay ng mga milisyang nabal, ay naghahatid ng takot sa mga mangingisdang Pilipino at pumipigil sa kanilang pumalaot sa mga karagatang ito, gayo’y nagkakait sa kanila ng kabuhayan. Kamakailan, nagningas ang malawakang galit ng mga Pilipino sa presensya at panghihimasok ng mga sasakyang pangisda ng China sa karagatan ng Pilipinas dahil sa insidente sa Recto Bank, nang banggain noong Hunyo 9 ng isang barkong pangisda ng China ang sasakyang pangisdang Pilipino at nag-iwan sa 22-kataong tripulante nito na palutang-lutang sa dagat.

Ang mga aktibidad sa pangingisda at reklamasyon ng lupa ng China ay nagresulta sa malawakang pagkawasak sa karagatan, kabilang ang mga bahurang pinagkukunan ng pagkain at nagsisilbing itlugan ng mga isda. Sa desisyon noong 2016, hinatulan ng PCA na nagkasala ang China sa pagwasak sa may 124 kilometro kwadrado ng bahura sa West Philippine Sea.

Hayagang pinaglalawayan ng China ang malawak na rekursong langis sa West Philippine Sea na bahagi ng reserbang tinatayang aabot sa $60 trilyon. Naghapag ito ng kontratang 60-40 upang paghatian ang rekursong langis sa kanluran ng Recto Bank, na nasa loob ng EEZ ng bansa. Mabilis na nagpahayag ng pagsang-ayon si Duterte sa naturang kontrata. Kung tutuusin, ang kontratang ito ay maanomalya at lansakang tagibang dahil ang bansa ang may buong karapatan sa lugar. Nasa pasya ng bansa kung kailan, paano at kanino makikipag-ugnayan sa paghuhukay ng langis sa lugar habang tinitiyak na pangunahin itong nagsisilbi sa interes ng bansa.

Kamakailan, namataan ang mga barkong panaliksik ng China sa loob ng teritoryong dagat ng Pilipinas nang walang pahintulot mula sa mga awtoridad ng bansa, at malamang ay naghahanap ng karagdagang rekursong madadambong.

Malalawak na lugar at isla ang dinudumog at sa aktwal ay sinasakop ng China. Kabilang dito ang 32-ektaryang isla sa karagatan ng Cavite na planong paunlarin bilang “POGO island (Philippine Online Gaming Operations, kung saan pinatatakbo ng mga kapitalistang Chinese ang mga operasyong pasugalan na iligal sa China at nag-eempleyo ng puu-puong libong manggagawang Chinese na dumaranas ng mapagsamantala at mapang-aping mga kundisyon). Balak din nitong “paunlarin” ang mga isla ng Grande at Chiquita sa karagatan ng Zambales na may mga proyektong nagkakahalaga ng $298 milyon kabilang ang 80 matataas na gusali. Samantala, isang malaking kumpanyang Chinese ang nagbabalak na gawing isang $2-bilyon “smart city” ang 70-kilometro kwadradong isla ng Fuga sa Babuyan group of islands.

Nitong maagang bahagi ng taon, iginawad ng gubyernong Duterte ang prangkisa sa telekomunikasyon sa isang konsorsyum kabilang ang China Telco na pag-aari ng gubyerno ng China, at magbibigay dito ng akses sa mga pasilidad sa telekomunikasyon ng Pilipinas, na isang estratehikong pambansang imprastruktura. Isa pang estratehikong imprastruktura, ang lambat ng mga linya ng kuryente sa bansa, ay bahaging kontrolado na ng gubyernong Chinese sa pamamagitan ng State Grid Corporation of China.

Panghihimasok militar

Mula 2015, nagtayo ang China ng mga pasilidad militar sa West Philippine Sea na labag sa soberanya ng Pilipinas at sa UNCLOS. Imperyalistang agresyon ang pagtatayo ng mga istruktura at militarisasyon ng mga artipisyal na islang ito. Sinasakop ng mga pasilidad militar ang Panganiban reef na kinilala sa desisyon ng PCA noong 2016 na bahagi ng EEZ ng Pilipinas, gayundin ang Kagitingan (Fiery Cross) reef at Zamora reef, na dinisisyunang bahagi ng internasyunal na karagatan na hindi maaaring angkinin ng alinmang bansa.

Inilalarawan ang mga pasilidad militar ng China sa Spratly islands bilang “pinakaabanteng mga base ng China” sa South China Sea. Kabilang sa kanila ang mga paliparan na kayang lapagan ng mga eroplanong pandigma ng China, mga garahe para sa di bababa 24 eroplanong pandigma at apat na malalaking eroplano, mga radar, mga antenang high-frequency at iba pang pasilidad sa komunikasyon, mga taguan at lunsaran ng mga misayl, mga parola, matataas na gusali at iba pa.

Paulit-ulit na nagpakita ng agresibong asal ang China sa paglalabas ng mga babala sa radyo at nagbabanta ng mga kahihinatnan laban sa mga sasakyang Pilipino at iba pa na lumilipad o naglalayag malapit sa mga pasilidad na ito.

Patuloy na naka-istasyon ang dalawang barkong Coast Guard ng China sa palibot ng Scarborough Shoal (Panatag o Bajo de Masinloc) upang pigilan ang mga Pilipinong mamalakaya na pumasok sa lawa para makapangisda. Marami nang insidente na itinaboy ng armadong pulisya ng China ang mga sasakyang Pilipino o sinakyan at kinuha ang kanilang mga huli. Nasa loob ng EEZ ng Pilipinas ang Panatag bagamat itinuturing ng PCA bilang tradisyunal na pangisdaan ng mga mangingisdang Pilipino at Chinese. Sinasabi ni Duterte na nagkaroon sila ng kasunduan ni Xi Jinping na “papayagan” ang mga mangingisdang Pilipino na mangisda sa lugar ngunit bigong igiit ang pag-alis ng Chinese coast guard o mapagpasyang kumilos laban sa mga paglabag ng China.

Sa nagdaang ilang buwan, di bababa sa walong barkong pandigmang Chinese, kabilang ang aircraft carrier na Liaoning, ang naglayag nang walang kaukulang pagpapabatid sa Sibutu Strait, isang internasyunal na daang-dagat na nasa loob ng teritoryong dagat ng Pilipinas. Malinaw na nilalabag nito ang teritoryal na karapatan ng Pilipinas. Nilabag ng China ang internasyunal na mga pamantayang pandagat at nagpamalas ng paglapastangan sa teritoryong dagat ng Pilipinas nang pinatay ng mga sasakyang dagat nito ang mga ilaw at sistema ng awtomatikong identipikasyon nito upang umiwas na makilala, na karaniwa’y nagpapakita ng di-mapagkaibigang layunin.

Kolaboreytor
Napalakas ng China ang pang-ekonomya at pangmilitar na kapangyarihan nito sa Pilipinas sa pakikipagsabwatan ng gubyernong Duterte mula 2016. Hayagang idineklara ni Duterte ang kanyang katapatan sa China kapalit ng $19 bilyon sikretong mga pautang upang tustusan ang malalaking proyektong imprastruktura na hihigop sa labis na asero at semento mula China. Paulit-ulit na pinatunayan ni Duterte ang sarili bilang traydor sa mamamayang Pilipino.

Noong 2016, nanikluhod si Duterte sa kapangyarihan ng China nang isinantabi niya ang pinal na desisyon ng PCA na nagbasura sa inaangking “nine-dash line” ng China. Walang inihain na protesta si Duterte laban sa pagtatayo ng China ng mga gusali at pasilidad militar sa Spratly islands. Tuwiran niyang isinuko sa China ang kontrol at “pag-aari” sa Panatag Shoal. Pinalutang niya ang multo ng mabibigong gera upang bigyang-matwid ang pagtanggi niyang gumawa ng mga hakbanging pampulitika, diplomatiko at ligal upang mas mahigpit at mas malakas na igiit ang soberanya at soberanong mga karapatan ng Pilipinas.

Bilang upisyal na hakbang, naglabas lamang ng maamo at huwad na mga diplomatikong protesta na sa kalakha’y winalang-bahala ng China. Walang paltos na tinatalunton ni Duterte ang linya ng China upang ipawalang-sala ito sa mga insidente ng panghihimasok na lumalabag sa soberanya ng Pilipinas. Bigo siyang kastiguhin ang China sa pagpapalayag ng mga barkong pandigma at pangsaliksik nito na di-inosenteng dumadaan sa karagatan ng Pilipinas.

Sa loob lamang ng dalawang taon, apat na ulit nang bumisita si Duterte sa China. Sa bawat pagkakataon, marangyang sinalubong si Duterte at ang kanyang malaking kawan ng mga kaibigang negosyante, mga pulitiko at kapamilya. Nabuo ang mga kontrata sa negosyo at kasunduan sa gubyerno. Karamihan sa mga kontratang ito ay isinikreto. Nakatakdang pumunta si Duterte sa China sa ikalimang pagkakataon ngayong buwan kung saan napipinto siyang gumawa ng mas malalala pang katrayduran. Inianunsyo niya ang planong ihapag ang karapatan ng Pilipinas ayon sa pagkilala ng PCA. Gayunman, walang saysay na drama lamang ito para magkunwaring importante ang palalimos na si Duterte dahil ngayon pa lang ay idineklara na niyang wala siyang magagawa kung patuloy na itatanggi ng China na kilalanin ang desisyon.

Kabilang sa mga kasunduan sa pautang na nabulgar ay nagpapakita ng mabigat na mga kundisyon sa pagbayad na may interes na 2-3 porsyento (kumpara sa 0.25%-0.75% interes ng upisyal na ayudang pangkaunlaran ng Japan). Ang kawalan ng linaw sa pagkakabuo ng mga kontratang ito ay matibay na palatandaan ng malawakang panunuhol na tulad ng natanggap ni Arroyo sa kontratang NBN-ZTE noong 2007 mula sa mga monopolyong burukrata kapitalistang Chinese.

Mayroong mahigpit na ugnayan si Duterte at kanyang mga kasapakat sa sindikato sa droga na Chinese Triad. Habang inilulunsad ni Duterte ang umano’y “gera kontra-droga,” patuloy na lumalaki ang suplay ng shabu na pumapasok sa bansa mula China. Ang ismagling ay hawak ng mga tauhang-militar na itinalaga ni Duterte sa Bureau of Customs na pinuri niya dahil “marunong sumunod sa aking mga utos.”

Ang palalimos at nangangayupapang patakaran ni Duterte ay nagpalakas sa loob ng China na magsagawa ng mas agresibong panghihimasok sa bansa.

Mas nag-iingay ngayon ang mga upisyal sa seguridad at depensa ni Duterte sa paghapag ng mga usapin kaugnay ng pagpapalakas ng China sa militar at kung paanong ang postura nito, bagamat inilalarawan ng China bilang depensiba, ay madaling maipihit tungong opensiba. Tinuligsa nila ang pag-aastang maton ng China. Nangangamba din sila sa panghihimasok ng China sa mga isla sa paligid na maaaring magamit bilang opensibang lunsaran. Ang lumalaking bilang ng mamamayang Chinese (nitong nakaraang taon ay umabot sa 1.2 milyong turista at 200,000 may pahintulot na magtrabaho) ay inilalarawan din bilang pambansang usapin sa seguridad.

Nanganganib din ang pambansang seguridad ng bansa sa pagpasok ng China Telco na pagmamay-ari ng estado at Huawei Technologies Co. na planong pagharian at kontrolin ang imprastruktura sa komunikasyon ng bansa sa pamamagitan ng mga tau-tauhan nito (Dennis Uy at iba pa).

Ang mga usapin sa seguridad na inihapag ng AFP sa kalakhan ay sumasalamin sa lumalaking pangamba ng US sa lumalalim na impluwensya ng China sa Pilipinas at South China Sea. Bagamat sunud-sunuran sa US, nakaasa sa militar ng US at nagsisilbi sa kapangyarihan nito, itinatambol ng mga upisyal sa depensa ng Pilipinas ang mga usapin sa soberanya sa pag-asang makabig ang suporta ng mamamayan.

Sa mamamayang Pilipino

Makabayang tungkulin ng bawat Pilipino na ipaglaban ang pambansang soberanya at panteritoryong integridad habang nananatiling malakolonya ang Pilipinas, sa ilalim man ng imperyalistang kapangyarihan ng US sa kalahatan, o mapalitan man ng China ang US sa anumang antas o kung magsabwatan man ang dalawang imperyalistang kapangyarihang ito upang panatilihing huwad ang kalayaan ng Pilipinas.

Sa harap ng umiigting na pagpapalawak ng China sa ekonomya at militar, nananawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa mamamayang Pilipino na magkaisa at magiting na labanan ang panghihimasok at pangangamkam ng China sa Pilipinas. Bahagi ito ng kanilang kabuuang pakikibaka na makamit ang tunay na pambansang kalayaan at katarungang panlipunan.

Mahigpit na mahigpit ang paglaban na ito dahil ang soberanya ng bansa ay lalong inaagnas ng China habang hinahamon nito ang dominasyon ng imperyalismong US sa Pilipinas at iba pang bahagi ng Asia-Pacific.

Ang pakikibakang ito ay naglalayong bawiin ang buong soberanong kontrol sa West Philippine Sea at lahat ng rekurso sa loob ng EEZ ng bansa. Igiit sa China na iatras ang mga sasakyang Coast Guard nito sa Panatag Shoal nang makapangisda sa lugar ang mga mamamalakayang Pilipino, kasama ng mga mangingisdang Chinese.

Hinihikayat ng Partido ang mamamayan na manawagan para sa paglansag ng mga pasilidad militar ng China sa Spratly islands at igiit ang pag-atras ng lahat ng pwersang Chinese mula sa mga artipisyal na islang ito.

Maaaring igiit ng mga Pilipino sa China na magbayad ng $105 bilyon kabayaran sa 124 kilometro kwadradong sinirang bahura resulta ng kanilang reklamasyon ng lupa (katulad ng pagpapabayad sa US ng $1.97 milyon sa pinsalang ginawa ng USS Guardian sa 1,000 metro kwadrado ng Tubbataha Reef noong 2013) at di bababa sa $70 bilyon bilang upa sa mga nagdaang taon ng iligal na pag-okupa sa mga bahagi ng teritoryong dagat ng Pilipinas at EEZ (tulad ng paggiit ng Pilipinas sa US noong 1988 na magbayad ng upa sa mga base militar ng US). Maaari nilang igiit na maipailalim ang China sa kauukulang mga organo ng UN at ipakumpiska ang mga pagmamay-ari nito sa US at iba pang panig pabor sa mga iginigiit ng Pilipinas. Ang mahigit $175 bilyong bayarin ng China sa Pilipinas ay di hamak na mas malaki kaysa sa pabigat na mga pautang na ibinigay nito sa rehimeng Duterte.

Dagdag pa, maaaring igiit ng mamamayang Pilipino ang pananagutan ng China sa insidente sa Recto Bank at itulak ang pag-alis sa lahat ng sasakyang pangisda ng China mula sa EEZ ng bansa. Ipatigil ang labis na pangingisda ng China at wakasan ang malawakang paghuli ng mga hayop pangkaragatan na nanganganib nang maubos. Igiit ang paghinto sa pagpapakitang lakas ng mga sasakyang pandigma ng China sa karagatan ng Pilipinas. Igiit ang pagtigil sa mga aktibidad pananaliksik ng China sa loob ng teritoryong daga ng bansa at EEZ.

Igiit na isapubliko ang mga kundisyon sa lahat ng kontrata sa pautang ng China at hingin ang pagkansela sa mga kontratang nakapipinsala sa interes at kapakanan ng mamamayang Pilipino. Ipanawagan ang pagpawalambisa ng prangkisang nagbigay lisensya sa China Telco na pag-aari ng estado na makapag-opereyt ng kumpanyang telekomunikasyon sa Pilipinas. Ipatigil ang mga proyektong sumisira sa kalikasan tulad ng mga proyektong dam na Chico River at Kaliwa, gayundin ang malawakang pagmimina ng black sand at iba pang mineral.

Magkaisa upang itanghal ang bandila ng bansa bilang simbolo ng pambansang pakikibaka at ihiwalay ang gubyernong Duterte sa pambansang pagtataksil nito. Manawagan sa lahat ng patriyotikong pwersa sa gubyerno, kabilang yaong mga nasa militar at pulisya, na kumilos ayon sa adhikain ng mamamayan.

Ang pakikibaka para bawiin ang kontrol sa ating mga karagatan – ang teritoryong dagat at EEZ ng bansa, ay isa sa krusyal na larangan ng laban sa kasalukuyan. Sa gayon, masidhing hinihikayat ng Partido ang lahat ng Pilipinong mamamalakaya at opereytor ng mga bangkang pangisda na magkaisa at maramihang kumilos at manguna sa pakikibakang ito. Ang sama-samang pagkilos ng mamamalakayang Pilipino ay dapat suportahan ng bawat makabayang Pilipino.

Dapat makuha ng mamamayang Pilipino ang suportang internasyunal para sa kanilang adhikain. Dapat silang manawagan sa mamamayang Chinese na suportahan ang paglaban ng mamamayang Pilipino na ipagtanggol ang soberanya laban sa paghamak ng kanilang mapanupil at mapanakop na rehimen. Dapat nilang hikayatin ang lahat ng mga mamamayan at kanilang mga gubyerno na magbigay ng lahat ng tipo ng suporta – diplomatiko, pampulitika, ligal, moral at materyal – sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino na bawiin ang kanilang karagatan mula sa China. Gayunman, dapat nilang matibay at malinaw na ideklara na ito’y laban ng mamamayang Pilipino sa pangunahin. Dapat nilang paunang paalalahanan ang militar ng alinmang bansa laban sa pakikialam. Ang lakas sa militar ng China, gaano man kalaki, ay mapatutunayang inutil sa harap ng nagkakaisang mamamayang Pilipino.

Hinahamon ng Partido ang mga Pilipinong kabataang intelektwal na magsilbing tanglaw ng patriyotismong Pilipino at maging pwersa ng makabayang paghihimagsik laban sa dayuhang interbensyon. Pag-aralan at palaganapin ang mga sulatin ng mga haligi sa nasyunalismong Pilipino at tumulong sa pagbubuklod ng mamamayang Pilipino. Tumungo sa milyon-milyong mamamayan upang pukawin at pag-alsahin sila nang nagkakaisa.

Ang Partido’y dapat na maging taliba at gulugod ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino para bawiin ang kanilang karagatan at labanan ang mga paglabag ng China sa soberanya ng bansa. Dapat pangunahan ng Partido ang pagbubuklod ng buong mamamayan sa isang malapat na pambansang makabayang prente.

Dapat ilantad ng Partido ang gubyerno ng China bilang imperyalistang gubyerno. Hindi na maikukubli ng manipis na tabing ng “sosyalismo na may mga katangiang Chinese” ang lansakang mga hakbangin ng walang-pagbabalatkayong imperyalismo kabilang ang tuwirang pag-agaw ng mga bahagi ng EEZ sa West Philippine Sea at pagtatayo ng mga pasilidad militar sa mga artipisyal na isla.

Dapat ilantad at tuligsain ng Partido ang hangarin ng China na kontrolin ang mga sona ng pamumuhunan at impluwensya, gayundin ang mga ruta ng kalakalan, pinagkukunan ng hilaw na materyales at murang lakas-paggawa na nagreresulta sa pambansang pang-aapi at paglabag sa mga soberanong bansa. Dapat nitong ilantad ang agresibong pag-eksport ng China ng labis na kapital sa porma ng mga pautang at dayuhang pamumuhunan na dumudumog at nagdodomina sa di-maunlad na mga bansa tulad ng Pilipinas. Dapat ilantad ng Partido ang pandaigdigang krisis ng kapitalismo at ang namumunong pang-ekonomya at pangmilitar na hidwaan sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan na mabilis na umiigting tungo sa lantarang mga tunggalian at gera.

Dapat bigkisin ng Partido ang pakikibaka laban sa pananakop at panghihimasok ng China sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya. Ang umiiral na malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas ay naging dahilan ng pagiging bulnerable nito sa ekspansyunismo o mapanakop na patakaran ng China. Sa ilalim ng maraming dekada ng paghaharing neokolonyal ng US, nanatiling atrasado ang Pilipinas sa ekonomya at nakasandig ang militar. Ang dominasyon ng US sa Pilipinas ay naging sanhi ng pagiging bulnerable ng bansa at marupok sa paghahangad ng China sa imperyalistang dominasyon.

Dapat pukawin ng Partido ang mamamayang Pilipino na lumaban bilang isang patriyotikong pwersa sa hangarin ng China na dominahin ang Pilipinas. Magsisilbing matibay na pwersa ang nagkakaisang mamamayang Pilipino sa pagtatanggol at pagtataguyod ng pambansang soberanya. Walang laban ang higanteng China sa matibay at matwid na makabayang adhikain ng mamamayang Pilipino.

https://cpp.ph/2019/08/28/sa-mamamayang-pilipino-magkaisa-at-ipagtanggol-ang-bayan-buuin-ang-pambansang-patriyotikong-prente-laban-sa-pangangamkam-sa-ekonomya-at-panghihimasok-militar-ng-china/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.