Wednesday, August 28, 2019

Tagalog News: Nograles, pinangunahan ang 2nd RTF-ELCAC meeting sa Caraga

From the Philippine Information Agency (Aug 29, 2019): Tagalog News: Nograles, pinangunahan ang 2nd RTF-ELCAC meeting sa Caraga


LUNGSOD NG SURIGAO, Surigao del Norte -- Pinangunahan ngayong Martes ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ang 2nd Caraga Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) Meeting na ginanap sa Gateway Hotel, Surigao City.

Ang nasabing pagpupulong ay alinsunod sa Executive Order No. 70, series of 2018 kung saan noong ika-26 ng Hunyo 2019 ang Caraga RTF-ELCAC at ang labindalawang clusters nito ay pormal nang nalikha.

Sa ikalawang Caraga RTF-ELCAC meeting na ito ay binigyan ng pagkakataon ang bawat cluster na ipresenta ang inisyal na resulta ng kanilang ginawang planning workshops ukol sa pagbabalangkas ng kani-kanilang magagandang hangarin at mga plano at talakayin ang usaping pangkapayapaan at pag-unlad sa rehiyon.

Si Nograles ang nakatalagang Cabinet Officer for Regional Development and Security (CORDS) at chairperson ng Caraga Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Ang mga miyembro ng Caraga Regional Development Council (RDC) at Regional Peace and Order Council (RPOC) ay kabahagi rin ng binuong RTF-ELCAC. Ang 12 clusters ng regional task force naman ay pangungunahan ng mga sumusunod na ahensiya ng gobyerno: Local Government Empowerment – DILG, Legal Cooperation – DOJ, Basic Services – DILG, Peace and Law Enforcement - 402nd Infantry Brigade, 4ID, Local Peace Engagement – DILG at OPAPP, Sectoral Unification, Capacity Building, Empowerment – DOLE, Livelihood and Poverty Alleviation – TESDA, Strategic Communications – PIA, Infrastructure and Resource Management – DPWH, Situational Awareness and Knowledge Management – NICA, E-CLIP, Amnesty – DILG at International Engagement – DFA.


Pagkatapos ng cluster presentations, inatasan ng kalihim ang mga ito na i-update ang kanilang roadmaps, roles, at functions base sa naging komento ng grupo at binigyang diin nito na dapat ang lahat ng member-agencies ng mga clusters ay bigyan ng mga tiyak na gawain at assignments.

“Itong Task Force to End Local Communist Armed Conflict ay ni-localize na rin natin alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ang implementasyon nito ay dalhin sa provincial, city, municipal hanggang barangay levels,” ayon kay Nograles.

Bilang susog sa EO No. 70, inilabas ng DILG ang Memorandum Circular No. 2019-125 na naglalaman ng mga alituntunin para sa mga local government units partikular sa local chief executives na ipatupad sa kani-kanilang nasasakupan ang naturang executive order.

Naglabas din ang nasabing ahensiya ng memorandum na mas paunlarin ang mga barangay sa pamamagitan ng programang pinatatakbo ng komunidad at retooled community support program.

Dati ng lumihan si Secretary Nograles sa lahat ng namumuno ng mga concerned national government agencies upang hilingin sa mga ito na aktibong makibahagi, manindigan at suportahan ang localization process ng naturang task force.

Sa nasabing pagpupulong ay kinilala rin ng kalihim ang masigasig na pakikipagtulungan ng mga miyembro ng Regional Development Council (RDC) at Regional Peace and Order Council (RPOC) sa naturang rehiyon.

Nangako rin ito na kanyang personal na ipa-follow up ang mga appointments ng chairperson ng council upang makapagsimula nang kumilos at magtrabaho para sa kaayusan at katahimikan gayundin sa pagpapaunlad ng rehiyon.

Sa susunod na buwan ngayong taon, plantsado na ang gaganaping Covenant Signing sa Caraga na sasaksihan ng 80 pilot barangays kasama ang mga kinatawan ng civil society organizations at pribadong sektor upang pormal na maselyuhan ang commitments ng mga ahensiya at stakeholders para sa ikatatagumpay ng localized implementation ng EO No. 70. (PIA-Surigao del Norte)

Featured Image

https://pia.gov.ph/news/articles/1026534

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.