Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (May 7, 2019): Editorial - Labanan ang pakanang dayain ni Duterte ang eleksyon
Dapat mahigpit na magkaisa at maghanda ang malawak na masa ng mamamayang Pilipino, lahat ng kanilang patriyotiko at demokratikong pwersa, oposisyong pulitikal at iba pang sektor para labanan ang iskema ng pasistang rehimeng Duterte na dayain ang napipintong eleksyon.
Kailangang dayain ni Duterte ang darating na eleksyon dahil walang tsansang manalo ang mas marami sa mga kandidato niya sa pagkasenador sa Hugpong ng Pagbabago at PDP-Laban sa isang patas na eleksyon. Basa na ang papel nila dahil sa pagiging ahente at tuta ni Duterte, at dahil kilala sila sa korapsyon, duguang rekord sa maramihang pagpatay at batas militar, pagkasangkot sa iligal na bentahan ng droga at pagtraydor sa patrimonya at soberanya ng bansa.
Itinuturing ng iba’t ibang sektor ang nalalapit na eleksyon bilang pagkakataon na ilabas ang hinaing ng bayan laban sa rehimeng Duterte at dagdag na larangan para labanan at patalsikin ang tiranikong rehimen.
Sinisiguro ni Duterte na pabor sa kanya ang resulta ng nalalapit na eleksyon para makontrol ang Senado, at sa gayo’y makontrol na ang lahat ng sangay ng reaksyunaryong gubyerno. Sa nakaraan, naging sagka ang Senado sa kanyang itinutulak na pakana na baguhin ang konstitusyon para sa huwad na pederalismong pangkubli sa kanyang planong diktadura na magpapalawig sa kanyang paghaharing burukratang kapitalista,
Para palabasing nangunguna ang mga kandidato niya sa eleksyon, ginagamit ng mga kampanyador ni Duterte ang mga pekeng sarbey at binabaha ang radyo, telebisyon, mga dyaryo at internet ng mga patalastas at bayarang impluwensyador. Sa tangkang pahinain ang kanilang mga kalaban, Red-tagging at huwad na narcolist naman ang ginagamit niya laban sa mga oposisyon. Idineploy ng rehimen ang mga pwersang militar at pulis sa buong bansa at hayagang nagkakampanya laban sa mga pwersang kontra-Duterte sa Mindanao at tinaguriang mga “hotspot.” Hawak ni Duterte ang Commission on Elections at ang sikreto at di ligtas na elektronikong sistema ng pagbibilang ng boto. Inalisan nito ng kapangyarihan ang mga tagapagbantay sa eleksyon. Dahil dito, tiyak na magiging isa sa pinakamarumi sa kasaysayan ng bansa ang darating na eleksyon.
Ang malawakang pandaraya pabor sa mga kandidato ni Duterte ay tiyak na magpapasiklab sa malawakang galit at protestang masa. Lalong pumapabor ang kalagayan para lumawak, lumakas at lalong tumapang ang nagkakaisang prente ng iba’t ibang pwersang anti-tiraniya para sa paglaban at pagpapatalsik kay Duterte.
Habang naghahanda sa pandaraya si Duterte, dapat ding handa ang mga pwersang ito na himukin ang pinakamaraming posibleng grupo at indibidwal para tumulong na ilantad at kontrahin ang pandaraya, dagdag sa mga tampok na isyu laban kay Duterte tulad ng di maipaliwanag na yaman, ambisyong maging diktador, pamumuno at pagkasangkot sa droga, maramihang pagpatay, paglabag sa karapatang-tao at brutalidad sa todong gera, pagsuko sa China at pangangayupapa sa militar ng US, at iba pa.
Walang awat ang gamit ni Duterte sa pandadawit sa rebolusyonaryong kilusan, pagbabanta at paninindak, pagpangako ng reporma, akomodasyong pulitikal at panlilinlang upang pahinain ang pasya ng bayan at hatiin ang iba’t ibang pwersang nakahanay laban sa kanyang tiraniya at iskema para sa pagtatag ng diktadura. Dapat silang mas mahigpit na magkaisa para pangibabawan ang mga taktika ni Duterte na paghiwa-hiwalayin ang mga pwersang oposisyon.
Dapat makapagpakita sila ng nagkakaisang paninindigan upang bigyang-inspirasyon at palakasin ang loob ng sambayanang Pilipino para maramihang kumilos at tumindig. Sa pagpapakita ng malawak na pagkakaisa, magagawa nilang himukin ang mas disenteng mga elemento sa burukrasya, militar at pulis para suportahan ang pakikibaka laban sa rehimeng Duterte at hikayatin ang kanyang imperyalistang amo na bitawan siya upang di masama ang kanilang estratehikong interes sa napipinto niyang pagbagsak.
Ang lumalalang krisis sa ilalim ng rehimeng Duterte ay nagpapahina sa buong naghaharing sistema. Tumatambad ang pagkabulok ng buong sistemang malakolonyal at malapyudal, kabilang ang reaksyunaryong eleksyon bilang bulok na paligsahan ng naghaharing uri. Dapat patuloy na pukawin, organisahin at pakilusin ng mga pwersang pambansa-demokratiko ang sambayanang Pilipino, laluna ang mga manggagawa at magsasaka, at iba pang demokratikong sektor.
Dapat ubos-kayang isulong ng mga makamasang organisasyon, alyansa at grupong party list ang mga pakikibakang masang anti-imperyalista, antipyudal at antipasista at tumulong sa lalong pagpapalakas ng nagkakaisang prente ng bayan laban sa pasistang rehimeng Duterte.
Dapat maglunsad ang Bagong Hukbong Bayan ng mga taktikal na opensiba laban sa pasistang mga yunit militar, laluna yaong nasa likod ng malulubhang pag-abuso, mga yunit na sumasakop sa mga komunidad na nagkukubli sa mga operasyong “peace and development,” kabilang ang mga ipinakat ni Duterte sa buong bansa para dayain ang nalalapit na eleksyon. Dapat patuloy nilang isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at samantalahin ang sitwasyon para isagawa ang malaganap at maigting na pakikidigmang gerilya at patuloy na isulong ang digmang bayan.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://www.philippinerevolution.info/2019/05/07/labanan-ang-pakanang-dayain-ni-duterte-ang-eleksyon/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.