Paspasan ang paghahanda ni Duterte para itatag ang kanyang pasistang diktadura. Nagmamadali siyang patahimikin ang lahat ng pwersang balakid sa kanyang tampalasang pakana. Nais niyang palitan kaagad ang konstitusyon at itulak ang iskemang pederalismo bago mag-eleksyon para lubos na isentralisa ang kapangyarihan at gamitin ang tabing ng “transisyon” para palawigin ang burukrata-kapitalistang paghahari ng mga Duterte at kanilang mga alipures.
Sagad-sagad ang paggamit niya ngayon sa mga pinakulo niyang “gera kontra-droga,” “gera kontra-krimen,” “kontra-tambay,” “kontra-korapsyon,” “kontra-oligarkiya,” “kontra-terorismo” at “kapayapaan” para bigyang matwid ang pagwawasiwas niya sa militar at pulis, pati na sa mga mersenaryong death squad, para palaganapin ang takot at sindak sa mamamayang Pilipino.
Ginagamit niya ang gawa-gawang “narcolist” na mistulang kautusang pagpatay para birahin o ambahan ang kanyang mga kalaban sa pulitika, katunggaling burukrata-kapitalista at mga karibal na sindikato, kabilang ang mga upisyal ng pulis at militar, mga husgado, mga upisyal sa barangay, mga alkalde at iba pang lokal na upisyal. Nais niyang ang lahat ay pumila nang nakayuko sa kanya at sumunod sa kanyang kumpas.
Kasabay ng planong isagasa ang pederalismo simula sa katapusan ng buwan, pinaiigting ni Duterte ngayon ang pagsupil sa mga sektor na tumututol dito. Pinakamasidhi ito sa Mindanao. Paulit-ulit ang mga upisyal ng militar sa pagpapakalat ng kathang-isip na plano ng Partido Komunista ng Pilipinas na patalsikin si Duterte sa Oktubre. Hindi malayong nakataon bago nito ang plano niyang ipataw ang batas militar o planong pangkalahatang pagsupil.
Kaugnay nito, tuluyang tinapos at ipininid ni Duterte ang pinto sa pakikipag-usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Ito ay upang bigyang daan ang paggamit sa Human Security Act (HSA o ang tinaguriang batas “kontra-terorismo”) laban sa iba’t ibang mga demokratikong pwersa. Gagamitin ni Duterte ang nakasampang kasong “terorismo” laban sa PKP at BHB para higpitan ang sinumang aakusahan niyang “terorista” o “tumutulong sa mga terorista.”
Milyun-milyong pisong salapi ng bayan ang gamit ngayon ni Duterte sa pagpupropaganda sa social media at sa masmidya para lumikha ng ilusyon ng malawak na suporta. Target ng opensibang propaganda na siraan at palabasing “terorista” si Kasamang Jose Ma. Sison, ang PKP at BHB.
Ang pambansa-demokratikong mga pwersang hayag at ang mga armadong rebolusyonaryong pwersa ang pinakamalaking hadlang sa ambisyong diktadura ni Duterte. Batid ni Duterte na hindi sila basta masisindak, mapaaatras o mapatatahimik. Malaking ligal at armadong opensibang pagsupil ang iniuumang ni Duterte laban sa kanila.
Binantaan ni Duterte ang simbahang Katoliko na inakusahan niyang kaalyansa ng PKP. Bago nito, pinalakpakan niya ang magkasunod na pagpatay sa mga paring inakusahan niya ng imoralidad sa layuning sindakin at paluhurin ang simbahang Katoliko. Pinatalsik naman niya sa bansa ang ilang dayuhang misyonerong relihiyoso na aktibong nagtatanggol sa karapatang-tao at kapakanan ng mga api at pinagsasamantalahan.
Sa ipinakitang kahibangan ni Duterte at pagkalasing sa kapangyarihan, hindi siya papipigil sa ambisyon niyang maging diktador, hanggang hindi siya napatatalsik sa Malacañang. Sa harap ng minamadali niyang iskema para lubos na solohin ang kapangyarihan, dapat mabilis at buong-lakas na kumilos at lumaban ang buong bayan. Labanan at biguin ang pakanang maging diktador ni Duterte.
Sambayanang Pilipino, magkaisa at manindigan para wakasan ang tiraniya ni Duterte! Makibaka sa harap ng krisis at paglubha ng kahirapang bunga ng ipinataw na napakalaking buwis, pagsirit ng presyo at pagbagsak ng halaga ng sahod. Punitin ang ilusyon ng kaunlaran. Matatag, matapang at mapangahas na ipagtanggol ang mga karapatan, labanan ang pasistang paghahari at isulong ang demokratikong mga pakikibaka.
Ang masang manggagawa ang pinakamatatag at malawak na muog ng paglaban kay Duterte sa kalunsuran. Sila ang pinakanagngangalit sa mga buladas na pangako ni Duterte. Kumilos, labanan at panagutin si Duterte sa malalaking krimen niya sa masang manggagawa! Suportahan ang kanilang mga pakikibaka para sa regular na trabaho at umento sa sahod. Isanib sa lakas ng mga manggagawa ang hanay ng iba’t ibang demokratikong sektor sa kalunsuran, laluna ng mga kabataan-estudyante, upang likhain ang makapangyarihang pwersang yayanig kay Duterte.
Ang masidhing kahirapan at panunupil sa kanayunan ay nag-uudyok sa malawak na paglaban ng masang magsasaka at mga minoryang mamamayan. Nagbubuklod sila sa buong bansa sa komun na pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa, pagtatanggol sa lupang ninuno at paglaban sa pasistang panunupil ng AFP. Nakikipagkapitbisig sila sa iba’t ibang mga sektor sa kalunsuran para sama-samang magmartsa laban sa rehimeng US-Duterte.
Sa ilalim ng Oplan Kapayapaan, layunin ni Duterte na kalahatiin o lubos na gapiin ang Bagong Hukbong Bayan sa loob ng 2018. Lubos itong mabibigo. Labis na binabatak, pinapagod at inuubos ng militar ang kanilang pwersa at rekurso para kubkubin at sakupin ang libu-libong baryo na nasasaklaw ng pagkilos ng BHB at naaabot ng rebolusyonaryong impluwensya at awtoridad. Ang inilulunsad na kampanya ng panunupil sa mga baryo ay nagpapalalim ng galit ng masang magsasaka at naghihiwalay sa kanila.
Sa pangunguna ng mga namumunong komite ng Partido at kumand sa operasyon ng BHB, magagamit ng mga yunit ng BHB ang mga taktikang gerilya ng konsentrasyon, pagkalat at mabilis na paglilipat-lipat para panatilihing bulag at bingi ang kaaway, sumusuntok sa hangin at nagsasayang ng lakas. Dapat birahin ang pinakakinamumuhiang mga yunit ng AFP na may malalaking pasistang krimen laban sa bayan.
Sa kabila ng pagpapakitang-lakas ni Duterte, lubos na mahina ang kanyang paghahari. Ang paggamit niya ng lantarang karahasan para manindak ay tanda ng malaking kahinaan ng kanyang rehimen. Malalim ang krisis ng naghaharing sistema. Bitak-bitak ang hanay ng mga naghaharing uri. May kani-kanyang ambisyon at katapatan ang mga upisyal ng AFP at PNP.
Bagaman sunud-sunuran siya sa imperyalismong US, maaari siyang isuka nito anumang oras laluna kung manganib ang kanilang interes sa harap ng pag-aaklas ng buong bayan.
Nananaginip nang gising si Duterte at ang kanyang mga alipures sa pag-aambisyon niyang maging diktador. Nakakadalawang taon pa lamang siya subalit labis na siyang kinamumuhian ng mga Pilipino. Lalabanan ng buong lakas ang kanyang pakana. Sa harap ng matinding krisis sa pulitika ng naghaharing sistema sa ilalim ni Duterte, sa malao’t madali, babagsak si Duterte at magwawakas ang kanyang tiraniya at paghaharing pasista.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180707-ubos-kayang-labanan-ang-pasistang-diktadurang-pakana-ni-duterte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.