Pinaigting na operasyong militar sa mga baryo PINANGALANANG mga “peace and development team” (PDT) ang laksa-laksang pwersang militar na ipinakat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga baryo sa iba’t ibang panig ng bansa. Sinimulan ito sa ilalim ng Oplan Bayanihan at ipinagpatuloy sa ng Oplan Kapayapaan ng rehimeng US-Duterte. Target nitong gapiin ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) bago matapos ng taong 2018.
Bunsod nito, halos isandaang batalyon ng tropang pangkombat ang ibinuhos ng AFP sa buong bansa. Nasa Mindanao ang 75% nito, kung saan 50% ang nakadeploy laban sa BHB. Ayon mismo sa AFP, halos kalahati din ng kanilang P195.4-bilyong badyet para sa 2018 ang laan para pondohan ang mga operasyon ng PDT.
Sa ilalim ng PDT, nagdaraos ng mga pakitang-taong operasyong sibiko (medikal, sports, community service) sa mga baryo upang tabingan ang mga operasyong saywar, paniktik, pangkombat, pagpatay na ala-Tokhang, “opensibang ligal” o pagtatambak ng mga gawa-gawang kasong kriminal laban sa pinagsususpetsahang mga lider at aktibistang masa, pagkontrol sa populasyon at mga rekurso, pagwasak at pag-atake sa mga organisasyong masa, at iba’t ibang pasistang paniniil at pang-aabuso.
Sa pamamagitan ng mga operasyon ng PDT, lansakang pinagkakaitan ang mga taumbaryo ng kanilang mga demokratikong karapatan at kalayaang sibil. Laganap ang arbitraryong pang-aaresto, pang-iipit, sapilitang pagpapatrabaho, pagpapagiya sa mga operasyong militar, pag-papasali sa mga paramilitar at CAFGU at pagrerekrut sa mga lambat paniktik.
Marami sa mga magsasaka ang pinagbabawalang pumunta sa kanilang mga sakahan at bumili ng pagkain at pangangailangang lagpas sa idinikta ng mga sundalo. Laganap din ang mga kaso ng paniniil sa purong suspetsa o kapritso ng mga sundalong madalas nakahimpil sa mga pampublikong lugar at istruktura.
Lalo pang sumidhi ang ganitong mga atake ng PDT sa ilalim ng batas militar na ipinatutupad sa Mindanao, kung saan nag-aastang despotikong mga hari ang mga sundalo sa eryang kanilang kinukubkob. Laganap din ito sa mga pinaghihinalaang “lugar ng BHB” sa Luzon at Visayas.
Nararapat iulat, ilantad, labanan at wakasan ang ganitong mga pasistang maniobra ng estado ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa at nagkakaisang demokratikong sektor ng lipunan.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180707-pixadnaxadigxadting-na-opexadraxadsyong-mixadlixadtar-sa-mga-barxadyo/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.