Sunday, July 8, 2018

CPP/Ang Bayan: 34 aktibista, inaresto

Propaganda article from the Tgalog language edition of the CPP online publication Ang Bayan (Jul 7): 34 aktibista, inaresto

Sa loob ng dalawang linggo, 34 na mga aktibista at progresibo ang iligal na inaresto at apat na magsasaka ang pinatay sa pinatinding atake ng rehimeng US-Duterte sa demokratikong kilusan. Umiigting ang “crackdown” ng rehimen sa buong bansa kasabay ng pagdami ng bilang ng mga magsasakang pinapaslang. Nagpapatuloy din ang malawakang pambobomba, panggigipit at pananakot sa mga komunidad ng mga Lumad, Moro at iba pang mamamayan.

Maramihang pag-aresto. Labintatlong aktibista at taong-simbahan ang inaresto, noong Hulyo 4, alas-8 ng gabi, sa Mother Francisca and Spiritual Center, Radasa St., Ladao, General Santos City. Sa isang konsultasyon ng mga boluntir at katuwang ng Iglesia Filipina Independiente Visayas-Mindanao Regional Office for Development (IFI-VIMROD) hinggil sa isyu ng mga magsasaka at Lumad, biglang pumasok at nanggulo ang pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group, Philippine National Police at Joint Task Force GenSan at iligal na inaresto ang 13.

Kinilala ang mga inaresto na sina Jomorito Goaynon ng Kalumbay Regional Lumad Organization; Roger Plana, Kalumbay secretary general at boluntir ng VIMROD; Aldeem Yañez ng IFI; Ireneo Udarbe ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas; Vennel Chenfoo ng Kabataan Partylist; Kristine Cabardo ng League of Filipino Students; Teresita Naul ng Karapatan; at ilan pang empleyado ng IFI. Ikinulong sila sa Camp Fermin, General Santos City at sinampahan ng kasong obstruction of justice.

Labing-isa sa mga inaresto ang nakapagpyansa, ngunit hawak pa rin ng PNP sina Emilio Gabales at Bella Catubay. Ayon sa Barug Katungod Mindanao, depektibo ang ipinakitang mandamyento sa pag-aresto sa dalawa. Maliban sa hindi pirmado ng huwes, ibang mga pangalan ang nakasaad sa dokumento.

Sa parehong araw, inaresto ang anim na kababaihang magsasaka na kasapi ng Onyon sa Yanong Obrerong Nagkahiusa (OGYON) ng mga elemento ng 8th IB sa Barangay New Eden, Pangantucan, Bukidnon. Inakusahan silang tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan. Noong Hunyo, inaresto rin ng parehong yunit sina Wenerito Bahian, Gerry Bagiou, Edilberto Yurong at Ricky Omandam, mga residente ng Barangay Concepcion at Barangay New Eden. Sila ay iligal na nakadetine sa detatsment ng AFP sa Mampayag, Manolo Fortich, Bukidnon.

Noong Hunyo 20, iligal na inaresto ng mga elemento ng 36th IB ang anim na guro ng Tribal Filipino Program in Surigao del Sur (TRIFPSS) sa Hayon, San Miguel, Surigao del Sur. Pinahinto ng mga sundalo ang pulong ng Parent-Teacher-Community Association (PTCA) at sapilitang dinala ang mga guro sa barangay hall ng Libas Sud at ipinailalim sa interogasyon.

Sa Barangay Tawan-tawan, Baguio District, Davao City, apat na magsasaka naman ang iligal na inaresto ng 3rd IB at inakusahang kasapi ng BHB. Ikinulong sila nang limang araw at hindi pinayagang kumontak kahit kanino. Sa kalapit na lugar, sa Barangay Magsaysay, Marilog District, anim naman ang sapilitang pinasuko ng militar bilang myembro ng BHB.

Sa Masbate, iligal na dinakip ng 2nd IB ang magsasakang si Reneboy Mahinay ng Barangay San Carlos, Milagros noong Hulyo 1 at pilit na pinagigiya sa kanilang operasyon. Binugbog siya ng mga sundalo nang siya’y tumanggi.
Sa Lapu-lapu City, inaresto nang walang mandamyento ang myembro ng Anakbayan na si Nicolas Minguito sa tabing ng “Oplan Tokhang.”

Pamamaslang. Sa Mobo, Masbate, pinatay ng mga sundalo ng 2nd IB ang magsasakang si Rolly Arcenal sa Barangay Barag noong Hulyo 1 nang datnan ng mga sundalo sa kanyang ulingan. Matapos ang krimen, pinalabas ng AFP sa midya na myembro ng BHB si Arcenal na kanilang napatay sa labanan.

Sa San Carlos, Negros Occidental, binaril at napatay ang tagapangulo ng Hacienda Medina Farmworkers Association – National Federation of Sugar Workers na si Julius Broce Barellano noong Hunyo 27. Bandang alas 8:30 ng umaga nang siya ay barilin sa tapat ng kanyang bahay.

Noong Hunyo 17, natagpuan namang patay si Jolito Lopez Calaque, isang lider magsasaka, sa bayan ng Carigara, Leyte. Ito ay matapos siyang mawala noong Hunyo 16. Hinihinalang mga elemento ng militar ang dumukot at pumatay kay Calaque.

Sa Compostela Valley, patay ang magsasakang si Arnel Penaso, nang barilin ng di-kilalang mga indibidwal noong Hunyo 21 bandang alas-6 ng gabi sa kanyang sariling bahay sa Purok 2, Barangay Poblacion, Compostela. Si Penaso, 48, ay aktibong kasapi ng San Antonio Maparat Farmers Association. Isa si Penaso sa mga nangunguna sa pakikibaka ng mga nakaligtas sa bagyong Pablo para magkaroon ng mga pampublikong pabahay. Ayon sa kanyang kamag-anak, ipinatawag si Penaso ng 25th IB noong nakaraang Mayo.

Militarisasyon. Lalo pang lumawak ang pambobomba ng AFP para palayasin ang mga residente sa mga komunidad ng Moro sa paligid ng Liguasan Marsh. Sa tabing ng “kontra-terorismo,” tuluy-tuloy na kinanyon ng 33rd IB sa pangunguna ni Lt. Col. Harold Cabunoc ang Datu Paglas, Maguindanao noong Hulyo 3. Ginamit na sangkalan ni Cabunoc ang naganap na sagupaan sa pagitan ng mga tropa nito at mga hinihinalang kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). Dahil dito, napilitan ang mga residente ng Marobak at iba pang apektadong lugar na magbakwit sa Datu Paglas Central School at sa gym ng munisipyo. Dagdag sila sa mahigit 23,400 indibidwal na una nang nagbakwit sa 11 baryo sa limang munisipalidad ng Sultan Kudarat noong Hunyo dahil sa pambobomba ng AFP.

Kasabay nito, nagpapatuloy pa rin ang atake sa mga paaralang Lumad. Binuwag ng mga gwardya ang hanay ng nagpuprotestang mga mag-aaral at guro ng Center for Learning Advocacy Networking and Services Inc.
Socsksargen at MISFI Academy sa harap ng Department of Education (DepEd) Region 12. Nagprotesta sila sa DepEd para ipanawagan ang pagwawakas sa militarisasyon at pang-aatake sa kanilang mga paaralan.

Atake sa mga magsasaka. Walang pakundangang binuldoser ang mga bagong punlang palay ng mga Aeta at magsasaka sa Barangay Aranguren, Capas, Tarlac para bigyang daan ang proyektong Manila Clark Railway na bahagi ng Clark Green City. Kasabay nito, pinagpuputol ang mga puno na pinagkukunan nila ng kabuhayan. Matagal nang nakararanas ng panggigipit ang mga Aeta at magsasakang tumututol sa Clark Green City.

Sa Lupang Ramos, Dasmariñas City sa Cavite, binugbog ng mga tauhan ng Pangilinan-Tolentino-Herrera si Romeo Aleda, kasapi ng Katipunan ng Lehitimong Magsasaka ng Lupang Ramos (KASAMA-LR). Ang grupo ay mga tauhan ng Ayala. Kumapal din ang presensya ng Public Safety Battalion ng PNP na nakakampo sa lugar. Masugid na nilalabanan ng KASAMA-LR ang pangangamkam sa lupang kanilang binubungkal.

Panggigipit. Ginipit ng Bravo Company ng 92nd IB ang mga kasapi ng Protect Sierra Madre Peace and Humanitarian Mission noong Hunyo 30 sa Singawan, Umiray Village, Dingalan, Aurora. Isinagawa ang misyon para magbigay ng mga pagkain sa mga napalayas na Dumagat. Halos 600 Dumagat ng Sierra Madre sa mga prubinsya ng Aurora, Quezon at Rizal ang apektado ng malawakang operasyong militar sa lugar.

Samantala, ginipit ng Bureau of Immigration ang tatlong dayuhang relihiyosong misyonero matapos lumahok sa International Fact Finding Solidarity Mission sa Mindanao na nilahukan din ni Sr. Patricia Fox. Dineport sina Chandiwana Tawanda ng Zimbabwe at Adam Thomas Shaw ng United States, at kinumpiska naman ang pasaporte ni Miracle Osman ng Malawi.

Sa NCR, isang text ang natanggap ng isang estudyanteng kasapi ng Anakbayan-University of Sto. Tomas noong Hunyo 26. Nagpakilala ang nag-text na mula sa National Bureau of Investigation at sinabing tinitiktikan ang selpon ng estudyante.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180707-34-aktibista-inaresto/

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180707-34-aktibista-inaresto/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.