NPA-Quezon propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 12): Maglunsad ng mga aksyong militar laban sa mersenaryong AFP at lahat ng galamay ng pasismo ng rehimeng US-Duterte!
Ka Cleo del Mundo, Spokesperson
NPA-Quezon (Apolonio Mendoza Command)
12 May 2018
Noong Abril ay nag-alok ang rehimeng US-Duterte ng muling pakikipagnegosasyong pangkapayapaan ng kanyang gubyerno sa National Democratic Front of the Philippines. Totoong nagbukas ito ng panibagong bintana para sa naunsyaming peace talks luwal ng mga kapritso ni Duterte at kanyang mga heneral, pero ang rebolusyunaryong kilusan ay hindi maaaring magbaba ng kanyang kapasyahang makidigma ni isang saglit.Sa halip, sa papasahol na militaristang paghahari ng rehimeng US-Duterte, walang naiiwang pagpipilian ang New People’s Army at ang rebolusyunaryong mamamayan kundi ang higit na palakasin ang pagdedepensa sa mga naitayong pulang kapangyarihan nito sa mga demokratikong gubyernong bayan sa malawak na kanayunan ng lalawigan at buong bansa.
Sa kinakaharap na suliranin ng sambayanan kagaya ng pampulitikang kaguluhan sa pagitan ng mga naghaharing uri, at pang-ekonomyang krisis sa anyo ng dagdag na buwis, kawalan ng hanapbuhay at batayang serbisyo – ang mamamayang Pilipino ay lalong kailangang maglunsad ng mga armado at di-armadong paglaban. Kailangang buuin ang pinakamalapad na alyansa ng mamamayan na magpapabagsak sa rehimeng US-Duterte. Sa ating lalawigan, ramdam ng masang anakpawis sa kanayunan ang kambal na hambalos ng pagsirit pababa ng presyo ng kopra at ang teror na hatid ng berdugong AFP-PNP-CAFGU. Kasabay ng mga usaping ito, ngayong Mayo 14 ay idaraos ang eleksyong pambarangay na kung ilang beses iniurong-sulong ng reaksyunaryong pamahalaan dahil hindi nila matimplatimpla ang magkakaibang interes ng naghaharing uri. Subalit sa dulo, nanaig na ituloy na rin ito para tiyaking makokonsolida ng kasalukuyang rehimen ang latag ng kanyang makinarya sa ibaba para sa paparating na midterm election sa susunod na taon, habang patuloy na inilalako ang pagbabago ng konstitusyon at paglipat ng sistema ng gubyerno ng Republika ng Pilipinas patungong pederalismo. Tulad ng iba pang naunang halalan, ang eleksyong pambarangay sa saligan ay isang reaksyunaryong eleksyon. Ganoonman, kumpara sa pambansang eleksyon, kapag wastong napakitunguhan ang paparating na halalan, malaki ang maaaring pakinabang ng masa at rebolusyonaryong kilusan para isulong ang pambansa at demokratikong interes ng sambayanang Pilipino. Para sa rehimeng US-Duterte at buong pangkatin ng naghahari sa bansa, ang eleksyong pambarangay ay instrumento nila para ipuwesto ang sariling mga tao na magsisilbing makinarya at baseng pang-eleksyon sa darating na midterm election sa 2019. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng suportang pinansyal, lohistikal at pulitikal sa sarili nilang kabig sa darating na eleksyong pambarangay. Dagdag pa, imbing pakana rin ng rehimeng USDuterte na gamitin ang eleksyong pambarangay para magsilbi sa mga layuning kontra-rebolusyonaryo nito sa balangkas ng Oplan Kapayapaan. Hibang na plano nina Duterte, Lorenzana at Año na gamitin ang mga local government unit (kasama na ang Sangguniang Barangay) upang labanan ang rebolusyonaryong kilusan. Sa gayon, titiyakin nilang maipapanalo ang pinakamalaking bilang ng kanilang mga ahente at utusan sa Sangguniang Barangay. Gagamitin rin nilang okasyon ang eleksyong pambarangay para hati-hatiin ang baseng masa at mamamayan. Ngayon pa lamang ay tuloy-tuloy ang kanilang kampanya sa pagpapasuko sa pamamagitan ng comprehensive local integration program (CLIP). Sa ginanap na hapunan sa Malacañang noong Pebrero, labing-isang sibilyang mamamayan ng Brgy. Jonggo ng Lopez ang kasama sa mga pekeng sukong NPA mula sa Quezon. Iginigiit rin ang pagpapatupad ng National ID System (NIDS), rekrutment sa CAFGU sa mga barangay, at inoobligang magpalitrato ang taumbaryo. Ganoonman, para sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan, mahalagang okasyon ang eleksyong pambarangay upang mailuklok ang mga kapitan at mga kagawad ng Sangguniang Baranggay na tunay na magtataguyod at magtatanggol sa kagalingan, karapatan at pakikibaka ng mga mamamayan sa barangay. Tungkulin ng organisadong mamamayan sa mga pulang purok na wastong pakitunguhan ang paparating na eleksyong pambarangay. Kasabay dapat ng malaganap na paglalantad sa tunay na katangiang bulok at madaya ang paparating na eleksyong pambarangay ay ang masiglang paglilinaw sa katumpakan ng armadong pakikibakang inilulunsad ng CPP-NPA bilang tunay na daan sa isang demokratiko, masagana at mapayapang lipunan. Ganoondin, tungkulin ng rebolusyunaryong mamamayan na ipanalo ang pinakamaraming makabayan, progresibo at mapagkaibigang kandidato. Lantarang itakwil ang mga kandidatong kontrarebolusyunaryo, makapanginoong maylupa, ahente ng AFP at sangkot sa iligal na aktibidad gaya ng pagtutulak ng droga. Isuplong sa pinakamalapit na pulang himpilan ng NPA ang kandidatong mapapatunayang mamimili ng boto, gumagamit ng dahas at pananakot at nangangampanya na armado o kaya’y pinuprotektahan ng sundalo, pulis, paramilitar at private goons. Ang mga militaristang pakana ng rehimen ngayong elesyong pambarangay ay kailangang idiskaril ng mga yunit ng NPA, lokal na yunit gerilya at milisyang bayan sa pamamagitan ng mga taktikal na opensiba.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.