Sunday, April 22, 2018

CPP/Ang Bayan: Sa ika-45 na anibersaryo ng NDFP//Mga pagdiriwang, nakatakda

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 21): Sa ika-45 na anibersaryo ng NDFP//Mga pagdiriwang, nakatakda

SA DARATING NA Abril 24, magdiriwang ng ika-45 anibersaryo ng pagkatatag ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang buong rebolusyonaryong organisasyon sa Pilipinas at ibang bansa. Ang mga pagdiriwang ay isasagawa sa temang ìBuuin ang Pinakamalawak na Nagkakaisang Prente para Palakasin ang mga Organo ng Kapangyarihang Pampulitika at ang Demokratikong Gubyernong Bayan” alinsunod sa pangkalahatang panawagan ng NDFP.

Kagyat ang kabuluhan ng temang ito sa harap ng buong yabang na pagdeklara ng papet-pasistang gubyerno ni Duterte na dudurugin ang rebolusyonaryong kilusan sa 2018. Mula nang itatag ang NDFP sa panahon ng papet-pasistang diktadurang US-Marcos, marami na itong inaning tagumpay. Bahagi ito ng pagtatatag ng mga organo ng kapangyarihan sa pulitika o mga OKP sa 73 (sa kabuuang 81) na mga prubinsya sa bansa. Nagsilbi itong kinatawan ng naturang mga organo sa pambansa at pandaigdigang antas. Kabilang sa naging tungkulin nito ang pagharap sa mga kinatawan ng reaksyunaryong gubyerno sa Pilipinas sa mga negosasyon.

Sa isang pahayag para sa pagdiriwang, ipinaliwanag ni Sison na sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng NDFP, nagtimpi ito sa loob ng isang taon (2016-2017) na bansagang papet ang isang reaksyunaryong rehimen. Dahilan nito ang pagbibigay ng pagkakataon sa kinatawan nitong si Rodrigo Duterte na patunayan ang sarili bilang isang “Kaliwa” at “sosyalista”; kontra sa US at sa oligarkiya; at para sa mga reporma at sa independenteng patakarang panlabas.

Sa simula, tila gusto ni Duterte na makipag-usapang pangkapayapaan sa NDFP at sa mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayang kinakatawan nito, ayon kay Sison. Nagpanggap si Duterte na umaayon sa kinakailangang mga reporma sa lipunan, ekonomya at pulitika na ipinanawagan ng mamamayan para magkaroon ng isang makatarungan at matagalang kapayapaan. Nangako siyang igalang ang mga nauna nang mga kaisahan at maglabas ng kautusan para bigyan ng amnestiya at palayain ang mga bilanggong pulitikal.

Ngunit hindi tinupad ni Duterte ang kanyang pangako. Sa ikalawang taon niya sa poder, naging lubhang mapang-away siya sa NDFP at kanyang tinapos ang usapang pangkapayapaan. Nitong nakaraang ilang linggo, muli na naman siyang nagbukas para sa negosasyong pangkapayapaan. Wala pa itong kinahihinatnan, lalupa’t nagpauna si Duterte at kanyang AFP ng mga prekundisyon na nagsisilbing balakid sa usapan.

Pangunahin dito ang pagpasok ng rebolusyonaryong kilusan sa isang bilateral na tigil-putukan, kahit hindi pa naipatutupad ang mga dating kasunduan at wala pang bagong napipirmahan. Pinansin ni Sison na ang muling pagbubukas ni Duterte sa usapan ay nagaganap sa gitna ng lumalalang krisis ng lokal na naghaharing sistema at ng pandaigdigang sistemang kapitalista.

Ang pinakamahalaga para sa NDFP, sabi ni Sison, ay ang pagiging tapat sa rebolusyonaryong paglilingkod sa mamamayang Pilipino at pagpatuloy sa mga reporma na maglalatag sa mga batayan para sa isang makatarungan at matagalang kapayapaan.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180421-mga-pagdiriwang-nakatakda/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.