Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 21): Palakasin ang NDFP at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Gugunitain ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang ika-45 na anibersaryo nito sa darating na Abril 24. Nananawagan ang Partido sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa ng sambayanang Pilipino na maglunsad ng mga pangkultura at pampulitikang pagtitipon at iba’t ibang aktibidad para ipagdiwang ang makasaysayang araw na ito.
Tunay ngang importante ang ginagampanang papel ng NDFP sa pagtatatag ng pinakamalawak na pagkakaisa ng sambayanang Pilipino sa pagsusulong nila ng armadong rebolusyonaryong pakikibaka at gera sibil laban sa naghaharing reaksyunaryong rehimen. Gumagampan rin ang NDFP ng malaking papel sa pagbubuo ngayon ng pinakamalapad na nagkakaisang prenteng anti-pasista para ihiwalay, labanan at wakasan ang paghahari ng rehimeng US-Duterte.
Ang NDFP ang pinakakonsolidadong nagkakaisang prente ng mga batayang rebolusyonaryong pwersa sa ilalim ng proletaryong pamumuno. Binubuo ito ng 18 organisasyong pinagbubuklod ng hangarin ng sambayanang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya na inilinaw sa Programa para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan ng Partido at sa 12-Puntong Programa ng NDFP.
Nakatatag ang NDFP sa pundasyon ng batayang alyansang manggagawa at magsasaka, na pangunahing naisasakongkreto sa pamumuno ng Partido sa Bagong Hukbong Bayan, gayundin sa iba pang mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa hanay ng ibaít ibang sektor ng masang anakpawis. Ito ay binubuo rin ng ibaít ibang organisasyon sa hanay ng petiburgesya. Inaabot at kinakabig nito ang panggitnang burgesya at nagtatatag ng pansamantalang alyansa sa iba pang mga pwersang makauri upang ihiwalay ang pangunahing kaaway.
Ang NDFP ay nagkakaisang prenteng matatag na sumusuporta sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka na isinusulong ng BHB. Sa apat at kalahating dekada, ang mga alyadong organisasyon nito ay nagbibigay ng suportang pampulitika at materyal sa BHB. Mula sa hanay ng mga alyado ng NDFP ay lumitaw ang mga Pulang mandirigma at kumander ng BHB. Bilang solidong nagkakaisang prente, nagsilbi itong matatag na lihim na gulugod ng malawak na mga kilusang masa.
Umuusbong sa buong bansa ang mga komiteng rebolusyonaryo sa baryo na gumagampan ng mga gawain sa paggugubyerno. Nagsisilbing balangkas ang NDFP para sa pagtatatag ng mga rebolusyonaryong organo ng pamahalaan sa antas bayan, distrito, prubinsya at rehiyon. Kinakatawan ng NDFP ang demokratikong gubyernong bayan (DGB) hanggang hindi pa ito pormal na itinatatag. Gumagampan ito ng mga gawaing pang-estado, kabilang ang pamamahala sa katarungan, pagbubuwis at pagpapatupad ng mga patakaran sa ekonomya, kapaligiran at iba pa. Nakapagsimula ito ng proto-diplomatikong relasyon sa ibang mga estado at ahensyang internasyunal. Kinatawan din nito ang DGB sa pakikipagnegosasyong pangkapayapaan sa GRP mula 1986.
Noong 2016, buong sigasig itong nakipagnegosasyong pangkapayapaan sa rehimeng Duterte matapos magdeklara na ito’y “Kaliwa” at anti-Amerikano at mangakong palalayain ang mga bilanggong pulitikal, susuportahan ang reporma sa lupa at isusulong ang independyenteng patakarang panlabas.
Subalit hindi naglaon ay tinalikuran ni Duterte ang sarili niyang mga deklarasyon at naglunsad ng tumitinding brutal at malupit na gerang mapanupil sa ilalim ng Oplan Kapayapaan, na tumatarget sa mga di-armadong magsasaka at minorya na nagtatanggol sa kanilang lupa. Kilala ngayon si Duterte sa walang patumanggang paghuhulog ng bomba at malawakang pagsupil sa mga karapatang-tao kabilang ang armadong okupasyon ng mga sibilyang komunidad, pagboblokeyo sa pagkain at tulong, iligal na mga pag-aresto, tortyur at mga pagpatay.
Dahil sa mahigpit na pagkapit ng NDFP sa saligang mga rebolusyonaryong prinsipyo, nabigo si Duterte na gamitin ang usapang pangkapayapaan para itali ang kamay ng BHB sa matagalang tigil-putukan. Di naglao’y idineklara niya ang pagtatapos ng negosasyong pangkapayapaan sa NDFP, idineklarang terorista ang PKP at BHB at ipinag-utos ang pag-aresto sa mga konsultant ng NDFP. Sa gitna ng lumalalang pagkahiwalay at malakas na paglaban sa kanyang tiraniya, nagpalipad-hangin si Duterte na buhaying muli ang usapang pangkapayapaan, subalit wala naman itong ginagawang makabuluhang hakbangin para isikad ang pag-uusap.
Matindi ngayon ang pagdurusa ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng tiraniya at terorismo ng rehimeng US-Duterte. Bilang pinakamalakas na organisasyong nagkakaisang prente, importante ang papel ng NDFP sa pagbubuo ng pinakamalapad na pagkakaisa ng mamamayang Pilipino para ihiwalay at labanan ang rehimeng US-Duterte. Sa pagsusulong ng rebolusyonaryong paglaban, kapwa sa kilusang lihim sa kalunsuran at armadong pakikibaka sa kanayunan, napalalakas ng NDFP ang determinasyon ng mamamayan na labanan at biguin ang kinamumuhiang rehimen.
Dapat ubos-kayang palakasin ang mga saligang rebolusyonaryong pwersa upang magsilbing solidong pundasyon, muog at balangkas sa pagbubuo ng pinakamalapad na nagkakaisang prenteng anti-pasista laban sa rehimeng Duterte. Tungo rito, dapat malawakang kumilos ang mga manggagawa at magsasaka para ilantad at aktibong labanan ang mga pasistang atake ng rehimeng Duterte laban sa bayan. Ang mga solidong patama ng BHB sa pasistang makinarya ni Duterte ay makapupukaw ng malawakang paglaban sa tiraniya at terorismo ng kanyang rehimen.
Dapat magtulung-tulong ang lahat ng rebolusyonaryong pwersang kaalyado ng NDFP sa pagbubuo ng pinakamalapad na nagkakaisang prente laban sa rehimeng Duterte. Dapat sikapin nilang iugnay ang paglaban sa pasistang terorismo ni Duterte sa mga anti-imperyalista at antipyudal na mga pakikibaka. Sa gayon, napapalakas ang NDFP bilang isang nagkakaisang prente para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180421-palakasin-ang-ndfp-at-isulong-ang-demokratikong-rebolusyong-bayan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.