Thursday, September 14, 2017

CPP/NPA-Batangas: Ramon Ang at mga Militar: Duguan ang Kamay sa Magkakasunod na Pamamaslang sa mga Mamamayan ng Baha at Talibayog!

NPA-Batangas propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Sep 11): Ramon Ang at mga Militar: Duguan ang Kamay sa Magkakasunod na Pamamaslang sa mga Mamamayan ng Baha at Talibayog!

Proyektong Mina ng Asturias, Kontra-Magsasaka, Salot sa mamamayan at Mapanira sa Kalikasan!

Apolinario Matienza, Spokesperson
NPA-Batangas (Eduardo Dagli Command)
11 September 2017

Mariing kinokondena ng Bagong Hukbong Bayan (New Peoples Army / NPA) ang magkakasunod na pamamaslang sa mamamayan ng Baha at Talibayog! Wala ng Katahimikan ang mamamayan sa barangay ng Baha at Talibayog, simula nang kamkamin ng Asturias na pagmamay-ari ng Burgesya Kumprador na si Ramon Ang ang humigit kumulang 808 ektaryang lupain dito upang bigyang daan ang proyektong mina.

Sasaklawin ng Asturias mining maging ang mga lupain ng magsasaka at winawalang-saysay ang mga Emancipation Patent na naipamahagi sa kanila sa ilalim ng mga bogus na programa sa lupa ng gubyerno. Sa proyektong ito 107 magsasaka ang mawawalan ng lupa at panirahan sa Baha at Talibayog. Apektado rin ng proyekto ang mga magsasaka at mangingisda sa 2000 ektaryang kalupaan sa baybay dagat na saklaw na ng public domain. Hahagipin nito maging ang mga karatig barangay ng Hukay, Carlosa, Paraiso, Biga, Luya at Encarnacion. Mawawasak ang kabuhayan ng mga mangingisda bunsod ng masasamang epekto na maaaring idulot ng proyektong mina sa kalikasan at karagatan. Kapag minina ang bundok ng Baha, mawawalan ng kober sa malakas na bagyo ang mga mangingisda sa pagdaong nila sa tabing dagat. Magdudulot ng panganib sa mga residente ang posibleng pagguho ng lupa at bato mula sa pinatag na bundok. Magdudulot din ng pagbabago sa klima ang pagkawala ng puno kaya’t sadyang masisira ang natural na balanse ng kalikasan kapalit ng limpak limpak na tubo para kay Ramon Ang at kasosyo niyang si Danding Cojuangco ng San Miguel Corporation.

Ang mga sementong lilikhain mula dito ang siyang isu-suplay sa mga proyektong imprastraktura na kontrata ni Ramon Ang at sa mga pabrika na itatayo pa ng San Miguel Corporation. Daang milyon ang kikitain mula rito ng Asturias kaya’t gayon na lamang ang pagpupursige nitong matuloy ang proyekto sukdulang patahimikin nito ang mga lumalabang mamamayan sa pamamagitan ng maruruming taktika ng panunuhol, panlilinlang at pamamaslang sa mga lider-masa gamit ang mga bayarang sekyuriti at puwersang militar ng 730th CG PAF at 202nd IB PA.

Itinutulak ng ganitong kalagayan ang mga mamamayan na ipaglaban ang kanilang likas na karapatan; subalit pasismo, pandarahas o panunupil ang tanging tugon ng estadong walang pagkalinga sa interes ng kanyang mamamayan. Upang supilin ang lehitimong pagtatanggol ng mga apektadong residente sa kanilang karapatan, itinayo sa loob mismo ng komunidad, malapit sa bahayan ang kampo ng magkasanib na puwersa ng Philippine Air Force (PAF) AT Philippine Army (PA) bukod pa ang mga sekyuriti mismo ng Asturias. Aktibong nagtutuwangan ang mga ito upang i-psywar at manmanan ang mga lehitimong aktibidad ng mga tao kaugnay sa pagharap sa usapin sa lupa.

Walang makabuluhang hakbang ang lokal na pamahalaan ng Calatagan laban sa iligal na pagtatayo ng mga sundalo ng kampo sa mga bahayan kung saan ginagawa nilang human shield ang mga mamamayan rito habang patuloy na kanyang pandarahas laban sa nakikibakang magsasaka at mangingisda ang burgesya kumprador na si Ramon Ang.

Ipinapakita lamang ng ganitong kalagayan ng mga magsasaka at mangingisda ng Baha Talibayog na ang presensya ng mga kasundaluhan ng estado sa ilalim ng PAF at PA ay sadyang walang idudulot na pakinabang bagkus nakatuon lamang sa layuning ipagtanggol ang interes ng naghaharing uri. Ang mga kasundaluhan ng PAF at Army ang ipinantatapat ni Ramong Ang sa bawat lehitimong pagkilos at paglaban ng mamamayan; at sa bawat pagsigaw para sa lupa, bala ang tanging itinutugon dito. Sa bawat paglakas ng pagkakaisa ng mamamayan, pagpaslang sa mga lider ang ganting aksyon ng estado sa pag-aakalang mapaparalisa ang kanilang pagkilos, tulad ng magkasunod na patayan na naganap sa dalawang barangay na ito.

Hunyo 3, 2017 nang paslangin ng mga elemento ng militar si Lito Casalla, aktibong lider ng samahan ng Baha Talibayog. Nagta-trabaho ito sa Bureau of Customs at kasalukuyang pauwi na sa kanyang tirahan sa Balayan nang ito ay tambangan at pagbabarilin hanggang mapatay ng mga armadong kalalakihan lulan ng isang itim na Toyota Vios. Matapos ang pangyayari, dumiretso sa planta ng NPC (National Power Corporation) sa bayan ng Calaca ang mga salarin, kung saan nandito ang kampo ng 731st Combat Group PAF, at 202nd IBPA.

Sa kabila ng lantarang pagkakapaslang na ito ay nananatiling walang hustisya dito. Hindi pa man nalulutas ang naging pagpaslang kay Casalla ay nasundan na ulit ito ng isa pang kaso ng pamamaslang sa lider-magsasaka na si Ignacio delos Reyes nito lamang buwan ng Setyembre.

Kapwa kilala ang dalawang lider na ito sa kanilang paninindigan at pagtindig laban sa nakaambang mina ng semento ng Asturias sa bayan ng Calatagan. Upang pagtakpan ang kanilang duguang kamay sa naganap na pamamaslang sa mga lider-masa ng Baha Talibayog, gumawa ng palabas ang sabwatang militar at Ramon Ang kung saan pinapalabas ng mga ito na ang naganap namang pagpaslang sa kilalang ahente ng Asturias na si Mario Alcaraz ay gawa diumano ng New People’s Army (NPA) bilang ganting aksyon sa pagka-paslang kina Casalla at delos Reyes. Bahagi ito ng maruming taktika ng estado upang pag-away awayin ang mamamayan, at magbunsod ng maraming patayan sa pagitan ng mga hindi pa naliliwanagang mamamayan na nagpapagamit sa Asturias at ng mas malawak na hanay ng mga magsasaka at mangingisdang nakikibaka para sa lupa. Nililikha ng sabwatang militar at Ramon Ang ang kondisyon ng kaguluhan at patayan upang itulak ang mga mamamayan na boluntaryo nang lisanin ang lugar at sa gayon ay madali na nilang maisasakatuparan ang proyektong mina.

Pinasusubalian ng Eduardo Dagli Command ng BHB-Batangas ang bintang ng estado na ang pagkamatay ni Mario Alcaraz ay pamamarusa sa kanyang pakikipagtulungan sa Asturias. Ang Bagong Hukbong Bayan ay nagagabayan ng mga patakaran nito hinggil sa pamamarusa at paggagawad ng rebolusyonaryong hustisya at hindi sapat ang simpleng pagpapagamit nito sa Asturias upang magawaran ito ng parusang kamatayan ng BHB.

Mariing kinokundena ng Bagong Hukbong Bayan ang pagpaslang sa mga lider at mamamayan sa barangay ng Baha at Talibayog. Si Ramon Ang at ang kanyang proyektong mina na piniprutektahan ng estado at mga militar ang puno’t dulo ng kaguluhan sa barangay na ito. Duguan ang kanilang mga kamay sa mga kaso ng magkakasunod na pamamaslang at sa sistematikong pakana ng paglikha ng teror sa mga komunidad na apektado ng proyektong mina.

Nananawagan ang BHB sa lahat ng mamamayan sa lalawigan na aktibong Tutulan ang Anti- mamamayan at mapangwasak na Proyektong Mina ng Asturias! Papanagutin si Ramon Ang at ang mga Berdugong Militar sa mga Krimen nito sa Mamamayan ng Baha Talibayog!

Sadyang walang maasahang katahimikan at hustisya ang mamamayan sa kasalukuyang rehimeng US-Duterte na pangunahing tagapag-taguyod ng mga neoliberal na patakaran at nagkakandili sa makauring interes ng malalaking burgesya kumprador tulad nina Ramon Ang at Danding Cojuangco. Makakamit lamang ng mamamayan ang tunay na kapayapaan kung matatamasa nito ang batayang karapatan sa lipunan. Subalit, magaganap lamang ito sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan sa panahong maitayo na ng rebolusyonaryong lakas ng inaaping sambayanan ang Demokratikong Gubyernong Bayan na siyang magtitiyak ng pananaig ng interes at kagalingan ng sambayanan.

MAMAMAYAN NG BATANGAS: PAPAG-ALABIN ANG MAPANLABANG DIWA AT ISALIG SA LAKAS NG NAKIKIBAKANG SAMBAYANAN!

HUMAWAK NG ARMAS, SUMAPI SA BAGONG HUKBONG BAYAN!

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.