NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Sep 14): Itakwil ang Paglapastangan sa Karapatang-tao ng Rehimeng US-Duterte at kanyang mga alipures sa kongreso!
Labanan ang kontra-mamamayang gera!
Maria Roja Banua, Spokesperson
NDFP Bicol Region (Region V)
14 September 2017
Sukdulan na. Sukdulan na ang pambubusabos sa karapatang tao ng rehimeng US-Duterte. Nagngangalit ang taumbayan sa labis-labis, walang pakundangan at hindi makatwirang karahasang namamayagpag sa ilalim ng sabwatang US-Duterte at lokal na naghaharing-uri. Kaisa ng masang Bikolnon ang NDF-Bikol sa pagkundena at paniningil sa lantarang paglapastangan ng estado sa buhay ng mamamayan.
Nang maupo sa pwesto si Duterte, nangako siya ng pagbabago. Makalipas ang higit isang taon, tuluyan nang humupa ang kanyang maka-masang larawan at lumitaw ang pagiging dakilang tuta ng imperyalistang US. Walang ibang pagbabagong naramdaman ang mamamayan kundi ang panibago at mas masidhing banta para sa kanilang buhay. Nagmistulang isang malaking sementeryo ang buong bansa. Libu-libong labi ang bumubulagta gabi-gabi sa kamay ng kapulisan. Daan-libong katawan ang nagsisiksikan sa mga evacuation centers habang binobomba ng kasundaluhan ang kanilang mga komunidad. Bawat araw, pumuputok sa balita ang mga bagong kaso ng pagpaslang samantala nag-iipon ng mga duguang medalya at parangal ang kriminal na AFP-PNP-CAFGU. Milyun-milyong buhay ang nalalagas sa harap ng tripleng gera ng rehimen samantala patuloy ang pagpapasasa ng naghaharing-uri at imperyalistang kapangyarihan sa yaman ng bansa.
Sa rehiyon, nagluluksa pa lamang ang taumbayan sa harap ng sunud-sunod na pagpatay ay may panibago na namang krimen laban sa mamamayan ang kasundaluhan at kapulisan. Pinaslang si Kgwd. Salvador Atienza ng mga elemento ng 9th IDPA at kapulisan habang nagmamaneho ng kanyang tricycle nitong Setyembre 12 sa Casiguran, Sorsogon. Kasama niya ang kanyang dalawang menor de edad na anak nang siya ay pagbabarilin. Bago ang insidente ng pamamaslang, nauna nang binantaan ng mga elemento ng 31st IBPA si Atienza at iba pang mga lokal na upisyales ng bayan ng Casiguran. Sa naturang pulong, binanggit ng mga militar na mayroon silang dalawang kagawad na target isunod kay Kap. Oscar Jetomo, pinaslang na kapitan ng Brgy. Marinas, Gubat.
Samantala, pinaulanan ng bala ng apat na kalalakihang nakasakay sa motor ang habal-habal driver na si Alvin Oplida, residente ng Brgy. Maalo, Juban kahapon habang naghihintay ng pasahero. Si Oplida ay matagal nang pinag-iinitan ng mga sundalo at pinararatangang tagasuporta ng NPA. Sa loob lamang ng kalahating taon, umabot na sa 18 sibilyan ang pinatay ng berdugong AFP-PNP-CAFGU.
Ang mas masahol pa, itinatambal ng rehimeng US-Duterte sa kanyang kontra-mamamayang gera ang pagpilay sa mga institusyon ng gubyernong ang mandato ay itaguyod at ipagtanggol ang karapatang-tao. Kahapon, naipasa sa kongreso ang panukalang maglaan lamang ng P1000 para sa Commission on Human Rights. Tuwang-tuwa sa kanilang mga sarili ang 119 taksil na mambabatas na bumoto pabor sa naturang panukala. Muli na naman nilang napatunayan kung gaano kadaling imaniobra pabor sa kanilang mga pansariling interes ang prosesong lehislatibo ng bansa. Ang kahiya-hiya, may lakas-loob pang humarap ang mga ito sa madla at sabihing sapat lamang ang pondo para tustusan ang ahensyang walang ibang ginawa kundi bantayan ang bawat kibot ng gubyerno.
Sa totoo, ang paglalaan ng P1000 para sa CHR ay hindi lamang usapin ng pang-iinsulto sa naturang institusyon. Higit sa lahat, ito ay pang-iinsulto sa buhay at karapatan ng masang Pilipino. Isinasalarawan nito ang pagsasabwatan at pamamayagpag sa gubyerno ng mga naghaharing-uring walang paggalang sa buhay ng mamamayan. Pinapatunayan lamang nito na sa mata ng mga naggigiting-gitingang mambabatas at upisyales, wala pa sa isang sentimo ang katumbas ng isang buhay. Ilinantad lamang nito ang sukdulang kabulukan ng isang estadong handang pagtaksilan ang taumbayan kapalit ng pangako ng kapangyarihan.
Ano ang aasahan ng masa sa isang papet na gubyernong walang ni katiting na pagkilala sa karapatang-tao at sunud-sunuran lamang sa madugong disenyo ng kanyang among US? Anong pagbabago ang dadalhin ng isang estadong pinuprotektahan at buong lugod na sinusuportahan ang paglapastangan ng kanyang armadong pwersa sa karapatan ng mamamayan? Anong pagbabago ang maipagmamayabang ng isang rehimeng sistematikong tinatanggal ang lahat ng makinaryang sisiguro ng kanyang pananagutan sa mamamayan para tuluyang maging walang sagka ang kanyang opensiba laban sa taumbayan?
Nagkakamali ang reaksyunaryong estado kung iniisip nitong mapaluluhod nito ang sambayanan sa pamamagitan ng kanyang pasismo. Ilang ulit nang nasaksihan ng kasaysayan ang kakayahan ng nagkakaisang mamamayang singilin at pananagutin ang lahat ng kriminal na may utang na dugo. Hindi mangingimi ang malawak na masang Pilipinong muli itong patunayan. Sa panahong tuluyan at lantaran nang binubusabos ang karapatan ng mamamayan, walang ibang masusulingan ang taumbayan kundi ang sarili nitong lakas.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa malawak na hanay ng mamamayan, sa mga kagawad ng midya, sa mga taong-simbahan at sa mga tunay na tagapagtaguyod ng karapatang-tao na ibayong magbigkis sa harap ng nag-uulol na karahasan ng estado. Ngayon higit kailanman ang panahong marapat magkaisa at lumaban ang lahat ng uring inaapi at pinagsasamantalahan. Walang ibang magtatanggol sa karapatan at buhay kundi ang sambayanan. Dapat panagutin si Duterte at ang lahat ng kanyang alipures sa kanilang pagtataksil sa mamamayan at patuloy na pangangayupapa sa imperyalistang disenyo ng panunupil at pandarahas. Hanggat nananatili ang bulok na kaayusan, ibayong paiigtingin ng masang inaalipin ang pagsusulong ng makatwirang digma ng mamamayan. Batid ng taumbayan na ang tunay na pagbabago ay wala sa kamay ng mga pasista at papet na naghaharing-uri. Ang pangmatagalang pagbabagong inaasam ng sambayanan ay nakasalalay sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.