Sunday, July 16, 2017

6 sugatan sa pagsabog ng IED sa Quirino

From ABS-CBN (Jul 16): 6 sugatan sa pagsabog ng IED sa Quirino



Butas-butas ang isang police patrol car matapos tamaan ng shrapnel ng isang pinasabog na improvised explosive device sa Quirino nitong Biyernes. Photo courtesy of Philippine National Police-Maddela

Limang pulis at isang sibilyan ang sugatan sa pagsabog ng improvised explosive device (IED) sa Quirino nitong Biyernes.
Sugatan sa pagsabog sina PO1 Sonny Tadeo, PO2 Vicente Macabadbad, PO1 Marvin Cabanilla, PO1 Omli Bruno, PO2 Artemio Vino, at Jolly Juan, 60.

Pinakamalubha ang natamo ni Tadeo na kinailangang putulan ng kaliwang kamay. Sasailalim din sa operasyon si Macabadbad na tinamaan ng shrapnel sa binti, habang si Cabanilla ay may nakabaon pang shrapnel sa magkabilang paa.

“Nandun kami sa side kung saan sumabog, hindi na ako nakagalaw nu'n dahil may tama na ako,” ani Cabanilla.

Napuruhan naman ng shrapnel ang residenteng si Juan sa kaliwa niyang kamay pero nakalabas na ito ng ospital.

Sa imbestigasyon, ikinabit ang IED sa pinutol na sanga ng punongkahoy sa gilid ng kalsada sa Barangay Diduyon, bayan ng Maddela.

Itiniyempo umano ang pagsabog nang magmenor ang patrol car.

Ayon sa pulisya, pabalik na umano sila sa kanilang kampo mula sa pagpapatrolya nang mangyari ang insidente, Biyernes nang hapon.

“Two meters nu'ng makalagpas kami nang sumabog,” ani Cabanilla.

Halata raw na inabangan ang mga pulis base na rin sa narekober na mga gamit at pinagkainan sa lugar na pinagpwestuhan ng nagpasabog, o triggerman, na 20 metro ang layo mula sa blast site.

Natagpuan rin doon ang ilang materyales na ginamit sa pampasabog, gaya ng 3D battery at electrical wires.

Kaperehas daw nito ang pampasabog na ginamit sa mga sundalo noong Miyerkoles sa bayan ng Nagtipunan, kung saan New People’s Army ang itinuturo na nasa likod nito.

Kaya hinala ng pulisya na sila rin ang responsable sa pagpapasabog ng IED sa Barangay Diduyon.

“We condemn this lalo’t may sibilyan pang nadamay, malinaw itong paglabag sa human rights,” ani Police Chief Supt. Robert Quenery, direktor ng Police Regional Office 2.

Nag-abot na rin si Quenery ng tulong pinansyal sa mga sugatang pulis, habang patuloy naman ang hot pursuit sa mga suspek.

http://news.abs-cbn.com/news/07/15/17/6-sugatan-sa-pagsabog-ng-ied-sa-quirino

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.