Friday, June 9, 2017

CPP/NDF-Bicol: Hinggil sa Kampanya ng Kasinungalingan ng 9th IDPA Kaugnay sa Lehitimong Taktikal na Opensiba

NDF propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jun 1): Hinggil sa Kampanya ng Kasinungalingan ng 9th IDPA Kaugnay sa Lehitimong Taktikal na Opensiba (With regard to the Campaign of Lies by the 9th IDPA Related to Legitimate Tactical Offensives

Maria Roja Banua, Spokesperson
NDFP Bicol Region (Region V)

1 June 2017

Hindi matapus-tapos ang malisyosong pagpapalaganap ng disimpormasyon ng pasistang tropa ng 9th IDPA sa rehiyong Bikol upang bigyang matwid ang mga operasyong militar nitong sumasakay sa kaguluhan sa Mindanao.

Habang ilinulunsad ng 9th IDPA ang malawakang propaganda sa midya tungkol sa umano’y dagdag na kaguluhang dala ng BHB, walang lubay ang militarisasyon at kampanya ng panunupil at pananakot sa mamamayan sa kanayunan at kalunsuran. Walang patid nitong sinisiraan ang mga lehitimong aksyon ng BHB tulad ng taktikal na opensibang ilinunsad ng yunit ng pulang hukbo sa Brgy. Pinaglabanan, Goa, Camarines Sur nitong Mayo 29. Ipinagpipilitan ng Division Public Affairs Office ng 9th ID, sa pamumuno ni Capt. Randy Llunar, na palabasing nanggugulo lamang at sinasamantala ng BHB-Bikol ang nangyayari sa Marawi upang atakehin ang pwersa ng AFP-PNP-CAFGU sa rehiyon. Paulit-ulit ding binubuhay ang usaping mapanganib diumano sa mga sibilyan ang mga eksplosibong ginagamit ng BHB dahil maaari itong pumutok kapag natapakan o nadaganan ng anumang bagay na may sapat na bigat.

Naninindigan ang NDF-Bikol na bilang tunay na hukbo ng mamamayan, walang anumang armas ng BHB ang tatarget o maglalagay sa alanganin sa masang pinaglilingkuran nito. Ang mga command detonated explosives (CDX) ng pulang hukbo ay mapasasabog lamang sa pamamagitan ng tiyak na kumand ng itinalagang may kasanayang bomber ng yunit. Naaayon ito sa lahat ng internasyunal na batas hinggil sa karapatang tao at pakikidigma. Tiyak at lehitimo ang lahat ng target ng mga opensiba ng BHB. Hindi tulad ng berdugong militar, buong pagpapakumbaba ring nagpupuna sa sarili at nagbibigay ng makatarungang bayad-pinsala ang BHB sa mga sibilyang �di-sinasadyang madamay sa kurso ng isang taktikal na opensiba. Malaki ang kaibahan nito sa mga walang pakundangang operasyon ng AFP na hindi isinasaalang-alang ang buhay ng mga sibilyan at mismong mga elemento nito. Dalubhasa rin ang mga ito sa pagsala-salabat ng kwento para mailigtas ang sarili sa pananagutan.

Naghahasik ngayon, sa ilalim ng Martial Law, ng matinding takot ang mga aerial bombings ng AFP sa Mindanao. Bago pa man ibaba ang batas militar, marami nang naging biktima ng mga pagpapaulan ng bomba mula sa mortar at sasakyang panghihimpapawid ng militar. Taliwas sa pahayag na sigurado at “surgically precise” umano ang kanilang mga atake, sunud-sunod nang nailalantad sa publiko ang paparaming komunidad na nawawasak at mga sibilyan at elemento mismo ng militar na napapaslang ng walang humpay na pambobomba at pamamaril.

Gaya ng napakarami nang krimen ng 9th IDPA at AFP sa nakaraan, itatago mula sa publiko at pagtatakpan ng mga upisyal ng militar ang lumulobong bilang ng paglabag sa karapatang tao. Hindi kailanman maaasahan ng sambayanan ang utak-pulburang kasundaluhan na kilalanin at panagutan ang kanilang mga krimen laban sa sambayanan. Nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang Bikolnon na ibayo pang maging mapanuri, mapagmatyag at aktibong tuligsain ang mga operasyong militar lalaluna sa panahong sinasangkalan ng mga berdugong militar ang nangyayari sa Mindanao upang mapalawak pa ang saklaw ng kanilang pasismo.

https://www.philippinerevolution.info/statements/20170601-hinggil-sa-kampanya-ng-kasinungalingan-ng-9th-idpa-kaugnay-sa-lehitimong-taktikal-na-opensi

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.