Ngayong Pandaigdigang Araw ng Pakikipagkaisa sa mga Bilanggong Pulitikal, ang Apolonio Mendoza Command ay sumusuporta sa pahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas na tumututol sa plano ng gubyernong Duterte na magpalaya lamang ng lilimampung bilanggong pulitikal sa pagtatapos ng Disyembre.

Makatarungan ang kahingiang palayain na agad lahat ang 432 natitirang bilanggong pulitikal alinsunod sa mga kaisahang nabuo sa nagaganap na Peace Talks mula pa Agosto.

Walang dahilan na manatili sa bilangguan ang sinuman dahil sa kanyang pampulitikang paninindigan. Habang mahimbing naman ang tulog ng mga pusakal na kriminal na promotor ng terorismo ng Oplan Bantay Laya at Oplan Bayanihan sa nakaraang dalawang rehimen, at ngayon ay ipinagpapatuloy ng gubyernong Duterte.

Nananawagan ang Apolonio Mendoza Command sa mamamayan ng Quezon na suportahan ang kampanya sa agarang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal, kabilang ang labing-apat na detenidong pulitkal mula sa lalawigan na sina:

1. Miguela PiƱero
2. Rhea Pareja
3. Gemma Carag
4. Maria Maridel Torres
5. Margie Navia
6. Evelyn Legaspi
7. Jesus Abetria
8. Alberto Macasinag
9. Cenon Sambola
10. Eliseo Lopez
11. Dennis Ortiz
12. Alexander Perdeguerra
13. Sandino Esguerra, at
14. Dionny Borre

Hinahamon ng buong rebolusyunaryong kilusan si Pangulong Duterte na panindigan ang kanyang pangakong palalayain ang lahat ng bilanggo puitikal sa pamamagitan ng Presidential Amnesty Proclamation.

Huwag puro dakdak. Huwag putak-nang-putak. Be a man of your words!

Sa kabilang banda, makakaasa ang mamamayan ng Quezon na ang inyong Hukbo at buong rebolusyunaryong kilusan ay patuloy na tatalima sa mga itinakdang kaisahan ng nagaganap na Peace Talks.

Kasabay nito, ang Apolonio Mendoza command ay laging mataas ang kapasyahan na ipagtanggol ang base ng rebolsuyon mula sa anumang maitim na pakana ng Armed Forces of the Philippines na idiskaril ang Peace Talks.

Mabuhay ang mamamayang nakikibaka!
Palayain ang lahat ng Bilanggong Pulitikal!
Hindi Krimen ang Magrebolusyon!

https://www.cpp.ph/pahayag-sa-pandaigdigang-araw-ng-pakikipagkaisa-sa-mga-bilanggong-pulitikal/