Mahigpit na itinataguyod at ipinatutupad ng Apolonio Mendoza Command (AMC) ang unilateral na tigil putukan na iniatas ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas at Pambansang Kumand sa Operasyon ng New People’s Army. Mahigpit na nakikiisa ang AMC sa isinusulong na peace talks sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines(NDFP) at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP).

Sa kabilang panig, lansakang sinasagasaan ng 201st Brigade ng Southern Luzon Command (SOLCOM) ng AFP ang sarili nitong unilateral na “suspension of offensive military operation” na iniatas ng sarili rin nitong Pangulo na si Rodrigo Roa Duterte. Sa unang panawagan pa lamang ng Pangulo ng reaksyunaryong gubyerno noong SONA July 25, agad nang nilabag ng 85th IBPA ang kanilang ceasefire sa pamamagitan ng isang reyd sa pansamantalang hinihimpilan ng isang yunit ng AMC sa barangay Dela Paz, Lopez, Quezon. Sa nasabing labanan ay napatay ang 3 elemento ng 85th IBPA habang 1 kasama ang napaslang.

Mula noon na nagsimula at nagpatuloy ang serye ng mga negosasyon sa balangkas ng peace talks, walang nang tigil ang mga operasyong militar ng AFP-PNP na binabalutan ng mapagkunwaring mga katawagan katulad ng “civil-military operation”, “medical o dental mission”, “peace and development team”, “anti-drug operation” o simpleng police operation. Ang nabanggit na mapagpanggap na mga operasyon ay naglalagay sa panganib sa umiiral na tigil putukan na naglalayon sanang bigyan ng magandang klima ang nagaganap na peace talks.

Umuugat ang mga operasyong ito sa Internal Security Plan ng AFP na Oplan Bayanihan. Ang ISP ng AFP ay hinalaw mula sa itinatakda ng Counterinsurgency Guide ng US Defense Department o Pentagon.

Dahil dito, di maitatanggi na ang Oplan Bayanihan ay pananatili ng galamay ng paghaharing US sa nagaganap na pananabotahe sa peace talks. Nais ng imperyalismong US na magsilbing pagkakataon ang peace talks para sa pangarap nitong linlangin ang rebolusyunaryong kilusan at mapasuko bandang huli.

Sa kabilang banda, mataas ang paghahangad ng sambayanang Pilipino na makamit ang paglutas sa malaganap na kahirapan at kagutuman, kawalan ng sapat na hanapbuhay, kawalan ng tunay na reporma sa lupa, mababang pasahod ng gubyerno at dambuhalang negosyo ng magkasosyong dayuhan at kumprador, kontraktwalisasyon imbes na regular na trabaho, mataas na at patuloy pang tumataas na presyo ng mga bilihin at bayarin, kawalan at kakulangan ng libreng edukasyon at serbisyong panlipunan habang patuloy ang pananagana ng iilang pamilyang kumprador-asendero sa bansa.

Napapanahon ang pagpapakilala ng Melito Glor Command sa bago nitong tagapagsalita upang magsilbing tanglaw ng milyung mamamayan ng Timog Katagalugan sa pagsusulong ng armadong pakikibaka at pagpapalakas ng kanilang New People’s Army. Mataas na pagpupugay ang ipinapaabot ng AMC sa aming nakatataas na kumand at sa bagong tagapagsalita nito.

Ipinahihiwatig ng pinakahuling kaganapan sa bansa na tanging sa ibayong pagsusulong ng armadong pakikibaka at pagpapalakas ng rebolusyunaryong hukbo makakamit ng mamamayan ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.

Mabuhay si Kasamang Jaime “Diego” Padilla!
 Mabuhay ang Melito Glor Command!
Mabuhay ang New People’s Army!
Isulong ang Digmang Bayan!

#WakasanOplanBayanihan
#LayasMilitar
#JustPeace

https://www.cpp.ph/pagpapakilala-ng-bagong-tagapagsalita-ng-melito-glor-command/