Patuloy ang pananabotahe ng 31st IBPA sa tigil-putukan. Mula nang magdeklara ng tigil-putukan, noong buwan ng Agosto hanggang sa kasalukuyan, nagmamantini ang mga operasyong militar nito sa probinsya ng Sorsogon.
Sa kasalukuyan, nakamantini ang mga PDT operations nito sa mga baranggay ng Fabrica, San Antonio, Sta. Lourdes at San Ramon sa bayan ng Barcelona at Brgy. Cabagahan, Matnog.
Upang pagtakpan ang kanilang paglabag sa tigil-putukan, tinatawag nilang “baranggay visitation” lamang ang mga combat operations nila. Ang mga civil-military operations naman tulad ng PDT (peace and development team) operations na ilang buwan nang nasa loob ng mga interyor na baranggay ng Barcelona, Gubat at Matnog ay pinapalabas naman na hindi diumano pang-kombat ang layunin kaya hindi daw sila lumalabag sa tigil-putukan.
Ang kasinungalingan nila ay pinatunayan ng mga kaso ng panghaharas, pananakot at pananakit sa Brgy. Balocawe, Matnog na isa sa sinaklaw ng PDT operations nila nitong buwan ng Agosto. Sa mga reklamo ng ilang residente sa nabanggit na baranggay, pinag-initan ng tropang 31st IBPA sa pangunguna ng isang 1st Lt. Meneses at Sgt. Asares ang mga dumalo sa rally sa Maynila noong unang SONA ni Pres. Duterte noong July 25. Paulit-ulit silang inimbistigahan kung bakit dumalo sa rally, pilit pinapaamin na kasapi o sumusuporta sa NPA, pilit kinunan ng litrato at pinapapirma sa isang blangkong papel. May isang barangay tanod naman na sinaktan habang iniimbistiga. Dagdag pang reklamo ng mga residente ang pangingikil sa kanila ng pera tuwing magbebenta sila ng uling sa bayan ng Matnog at natatakot sila dahil madalas ang paglalasing ng mga ito. Nangangamba ang mga residente ng mga baranggay na minamantinihan ng mga operasyong militar ng tropang 31st IBPA dahil walang pakundangan ang mga paglabag nito sa karapatang-pantao kahit habang nagpapanggap na tumatalima sa tigil-putukan.
Kinokondena ng Celso Minguez Command ang mga paglabag ng tropang 31st IBPA sa tigil-putukan at sa karapatang-pantao. Kinokondena din ng CMC ang mapang-upat na operasyong militar nila. Ang lahat ng yunit ng BHB sa probinsya ng Sorsogon ay tatalima sa sarili nitong tigil-putukan at magpapatupad ng aktibong pagdepensa sa kanilang hanay.
 
https://www.cpp.ph/operasyong-militar-ng-31st-ibpa-pagsabotahe-sa-tigil-putukan/