Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Nov 7): Paigtingin ang paglaban sa pinalupit pang Oplan Bayanihan
Lalo pang pinatitindi ang mga armadong operasyong counterinsurgency ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng disenyong-US na Oplan Bayanihan. Tahasang winawalanghiya ng AFP ang diwa ng umiiral na tumbasang deklarasyon ng tigil-putukan at ang usapang pangkapayapaan ng GRP at NDFP sa patuloy na pagpapakat ng mga armadong yunit nito sa daan-daang baryo sa kanayunan.
Ang mga upisyal ng AFP ay hibang sa doktrina ng counterinsurgency na isinaksak sa kanilang utak ng kanilang mga guro sa militar ng US. Mistulang ibinasura nila ang idineklara ni President Duterte ng GRP na patakarang maging mapagkaibigan sa mga rebolusyonaryong pwersa. Nitong nagdaang mga linggo, lalo pang naging masinsin ang mga operasyong saywar, paniniktik at panunupil laban sa mga aktibista at kasapi ng mga hayag at lihim na mga organisasyong masa at mga lokal na sangay ng Partido. Kapag kinukwestyon ng taumbaryo ang kanilang mga operasyon, idinedeklara ng mga sundalo na “NPA lang ang may ceasefire” at “hindi kami pwedeng pigilan ni Duterte.”
Nagsasagawa ng opensibong indoktrinasyon kaakibat ng armadong pananakot ang AFP para siraan ang BHB at buong rebolusyonaryong kilusan. Ginagamit ang “gera kontra-droga” para isagawa ang propaganda laban sa BHB at rebolusyonaryong kilusan. Mabilis na namumuo ang galit ng mamamayan sa mga nag-ooperasyong sundalo dahil sa tahasang pagwawasiwas ng armadong kapangyarihan, paggambala sa kaayusan at kapayapaan, pag-abala sa buhay at kabuhayan, panduduro, pananakot at pandarahas. Takot at troma ang hatid nila sa mga residente, laluna sa mga bata.
Araw-araw, kumukulo ang galit ng mga tao sa ginagawang pagyurak ng AFP sa mga karapatang sibil at makataong batas sa mga lugar na patuloy nilang sinasakop. Sa desperasyong paluhurin ang masang magsasaka sa kanilang kapangyarihan, hindi na iilan ang insidente ng iligal na pagdakip at pagkulong, pambubugbog at iba pang paglabag sa mga karapatang sibil.
Sa harap ng nagpapatuloy na panghahalihaw ng mga armadong sundalo ng AFP sa mga baryo, lumalakas ang sigaw ng mamamayan na bawiin na ng Partido ang deklarasyon ng tigil-putukan upang hindi na matali ang kanilang kamay at ang kamay ng kanilang hukbo na ipagtanggol ang kanilang kapakanan at mga karapatan laban sa armadong panunupil ng AFP.
Dapat magkaisa ang buong sambayanang Pilipino para maigting na labanan ang patuloy na pananalasa ng Oplan Bayanihan, sa partikular ang presensya, okupasyon at mga operasyon ng mga armadong sundalo sa mga sibilyang komunidad.
Dapat paalingawngawin sa buong bansa ang sigaw para wakasan ang Oplan Bayanihan at palayasin ang lahat ng mapanupil na armadong tropa ng AFP mula sa gitna ng mga sibilyan na komunidad.
Dapat hingin kay Duterte na pangatawanan niya ang kanyang idineklarang patakarang pakikipagkaibigan sa PKP-BHB-NDFP at ipag-utos sa AFP na itigil ang mga operasyong counterinsurgency upang bigyang-daan ang pagbwelo ng usapang pangkapayapaan ng GRP at NDFP sa paghahanap ng paraan na lutasin ang mga ugat ng gerang sibil sa pamamagitan ng negosasyon.
Ang gayong hakbangin ay alinsunod rin sa idineklara niyang nagsasariling patakarang panlabas dahil ang Oplan Bayanihan ay bahagi ng pakana ng US na supilin ang mga pwersang patriyotiko. Ang gayong hakbangin ay magiging bahagi rin ng pagsisikap ni Duterte na tuluyang putulin ang kontrol ng US sa AFP at pasunurin sa kanyang mga utos.
Kung hindi tatapusin o sususpindehin man lamang ni Duterte ang Oplan Bayanihan, mawawalan ng dahilan para hindi tapusin ng PKP ang deklarasyon ng tigil-putukan. Dumaragdag ito sa patuloy na pagkabigo ng rehimeng Duterte na tuparin ang kasunduang pagpapalaya sa 432 bilanggong pulitikal sa pamamagitan ng proklamasyon ng amnestiya.
May sumiklab nang malalaking protesta ng libu-libong mamamayan sa ilang mga bayan. Dapat itong tularan sa buong bansa. Dapat mabilis na kumilos ang hayag na mga organisasyon na sumasakop sa buo-buong mga bayan, distrito at prubinsya upang pagkaisahin ang mamamayan at organisahin ang kanilang sama-samang pagkilos.
Makakatuwang sa mga ito ang mga sentro para sa karapatang-tao, ang mga taong-simbahan, mga progresibong abugado at paralegal at iba pang sektor na puspusang nagtataguyod sa usapang pangkapayapaan. Dapat mabuo ang mga samahan kontra sa Oplan Bayanihan sa lahat ng mga baryo na sinasakop ng mga armadong tropa ng AFP.
Ipabatid sa buong bansa at buong daigdig ang protesta ng mamamayan laban sa Oplan Bayanihan. Dapat mabilis na ilantad ang pananalasa ng mga armadong tropa ng AFP at mga tropang pangkombat ng PNP sa mga baryo. Agad na ipabatid sa masmidya ang kanilang presensya sa pamamagitan ng pagtawag sa radyo, pagkuha ng bidyo o mga larawan at pagpapakalat ng mga ito sa internet. Dapat mabilis na kumilos ang mga progresibong midya upang maagap na nalalantad ang pananalasa ng mga operasyong Oplan Bayanihan.
Dapat kumalat sa buong bansa ang protesta laban sa Oplan Bayanihan ng AFP. Dapat itong isagawa kaakibat ng pagpapaigting ng mga pakikibakang masa upang ipagtanggol at isulong ang demokratikong interes ng bayan.
Dapat palakasin ang suporta ng mga estudyante, taong-simbahan, at mga kaibigan sa masmidya at iba pang pwersa sa kalunsuran sa pakikibaka para palayasin ang mga armadong sundalo sa mga komunidad sa kanayunan.
Mag-organisa ng mga aktibidad sa mga eskwelahan, simbahan o mga tanggapan sa kalunsuran upang bigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka na magsalita tungkol sa dinaranas na paniniil sa ilalim ng okupasyong militar. Mag-organisa at magpakilos ng mga boluntir na gustong tumulong sa kampanya laban sa Oplan Bayanihan. Mag-organisa ng mga pagkilos o misyon mula sa mga sentrong syudad patungo sa mga baryo na sinasakop ng AFP upang tuwirang makiisa sa paglaban ng bayan para palayasin ang mga armadong sundalo sa mga baryo.
Kahit pa hindi ito naglulunsad ng mga opensibong operasyon laban sa mga unipormadong armadong pwersa ng estado bilang pagtalima sa deklarasyon sa tigil-putukan ng PKP, pinananatili pa rin ng BHB ang pinakamalapit na ugnayan sa masa upang tulungan sila sa paglutas ng mga suliranin at pagsulong ng mga pakikibaka.
Katuwang ang BHB, patuloy na binubuo ang mga sangay ng Partido, ang milisyang bayan, mga organisasyong masa sa loob ng mga larangang gerilya. Abala ang BHB sa pagtulong sa pagsusulong ng mga pakikibakang antipyudal ng masang magsasaka. Ubos-kayang sinusuportahan ng BHB ang paninindigan at pagkilos ng mamamayan laban sa Oplan Bayanihan. Ang mga aktibista at lider-masa sa mga baryo na pinag-iinitan ng AFP ay binibigyang-proteksyon ng BHB.
Ang BHB ay nananatiling pinakamatibay na moog ng demokratikong kapangyarihan ng bayan. Tuluy-tuloy itong nagrerekrut at nagsasanay ng bagong mga Pulang mandirigma at pinatatatag ang pagkakaisa bilang paghahanda sa malalaking laban pa sa hinaharap upang biguin hindi lamang ang Oplan Bayanihan kundi lahat ng ibang pang kampanya ng panunupil ng kaaway.
https://www.cpp.ph/paig%c2%adti%c2%adngin-ang-pag%c2%adla%c2%adban-sa-pi%c2%adna%c2%adlu%c2%adpit-pang-oplan-ba%c2%adya%c2%adni%c2%adhan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.