Sunday, August 21, 2016

ISAFP agent inasinta

From Abante (Aug 21): ISAFP agent inasinta (ISAFP agent targeted)

SANTA ROSA, Nueva Ecija — Dalawang tama ng baril sa ulo ang ikinamatay ng isang 32-anyos na aktibong miyembro ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) noong Huwebes ng gabi sa Purok 4, Brgy. Liwayway sa bayang ito.
 
Sa ulat ni PC/Inspector Jeffrey Alivia sa tanggapan ni Mayor Marita Chua- Angeles, nakilala ang biktima na si Carmelita Malagenio Pine, tubong Brgy. Metolza, Naujan, Mindoro Oriental, na nasawi noon din.
 
Nabatid sa imbestigasyon ni PO2 Daniel Villanueva na dakong alas-8:30 nakaangkas ang biktima sa motorsiklong minamaneho ng hindi nakilalang lalaki at huminto sa madilim na bahagi na pinangyarihan ng krimen.
 
Ayon sa ilang saksi, nakarinig sila ng tatlong umaalingawngaw na putok ng baril at nakita ang naka-motorsiklong lalaking papalayo sa lugar sabay ng pagbagsak sa lupa ng babaeng biktima.
 
Tumakas ang salarin padiretso ng Santa Rosa Town Proper at nakarekober ang SOCO team ng tatlong basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen.
 
Kasalukuyang inaalam ang pagkakakilanlan sa salarin at ang posibleng motibo sa pamamaslang.
 

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.