From the Philippine Information Agency (Dec 10): Tagalog news: 'Balik-loob' para sa mga rebelde palalakasin sa Ilokos – RPOC
Palalakasin ang kampanya ng pamahalaan para magbalik-loob ang mga rebelde na nasa mga kabundukan sa Ilokos para mamuhay ng normal sa lipunan, ayon kay Dagupan Mayor Belen Fernandez, pangulo ng Regional Peace and Order Council.
Dumalo si Fernandez sa naganap na kumperensya ng konseho na dinaluhan ng mga hepe ng polisya, ahensya ng gobyerno at lokal na opisyal para para masolusyonan ang mga problema sa kriminalidad.
“Palalawakin ang mga programa, serbisyo at proyekto ng gobyerno sa mga liblib na pook at sa mga kabundukan para maipadama na hindi sila pinababayaan ng pamahalaan,” idiniin ng chairman ng RPOC na binubuo ng mga namamahala sa mga Local Government Units (LGU’s) at departamento o ahensya pati mga law enforcement agencies.
Sinabi niya na ang kawalan o kakulangan ng ipinararating na serbisyo ng pamahalaan sa mga naninirahan sa mga kabundukan ang isa sa mga naging dahilan sa paglala ng insurhensya sa bansa.
Binigyang pugay din ni Fernandez ang sinimulang adhikain ng provincial government ng Ilocos Sur na pinangungunahan ni Gob. Ryan Singson para sa pagbibigay ng livelihood projects at puhunan sa mga kapatid na rebelde na nanumbalik sa lipunan.
Hinikayat nya ang lahat ng LGUs na maging kabalikat sa kaunlaran at kapayapaan bagama’t pinuri niya rin ang ipinapatupad na “Bayanihan” program ng Army sa mga liblib na pook pati na rin ang kampanya para sa pagbabalik ng mga insurgents sa lipunan.
Sa nasabing pulong, idiniin din ni Singson na dapat igalang ang karapatang pantao o “human rights” at magsilbing instrumento ang kapayapaan para makamtan ang kaunlaran bagama’t hiniling niya ang “inner transformation” sa mga nasa pamahalaan.
“Itaguyod ang adbokasya ng kapayapaan at ipreserba at paigtingin ang kultura ng kapayapaan at kaayusan ng bansa,” giit ni Singson.
Samantala, patuloy din ang ipinapatupad na “Kapitolyo” Outreach Program ng pamahalaang probinsyal sa pakikipagtulongan ng iba’t-ibang departamento o sangay ng gobyerno para maiparating ang mga serbisyo at programa sa mga naninirahan sa mga kabundukan para mapagbuklod ang relasyon ng gobyerno at taong bayan.
http://news.pia.gov.ph/article/view/371449210256/tagalog-news-balik-loob-para-sa-mga-rebelde-palalakasin-sa-ilokos-rpoc
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.