Friday, November 7, 2014

CPP/Ang Bayan: Ka Agnes, susing kadre sa kilusang pagbangon ng Eastern Panay

Propaganda article from the Tagalog language edition of the CPP online publication Ang Bayan (Nov 7): Ka Agnes, susing kadre sa kilusang pagbangon ng Eastern Panay (Comrade Agnes, key cadre of the rising movement in Eastern Panay)

Noong Oktubre 21, dumagsa ang mga nakiramay at dumalo sa parangal kay Ka Agnes (Salvacion Mendoza) na ginanap sa syudad. Si Ka Agnes (kilala rin bilang Ka Rita) ay biglaang namatay sa sakit na pulmonya noong Oktubre 16 sa edad na 59 anyos.

Nitong nagdaang taon, ang kapakanan ng mga biktima ng bagyong Yolanda sa rehiyon ng Panay ang pangunahing tinutukan ni Ka Agnes. Sa buong isla, ang kanilang saklaw na erya ang pinakamatinding tinamaan ng bagyong Yolanda. Siya ang pangalawang kalihim ng komiteng larangan sa Eastern Panay at kasapi rin siya ng komiteng rehiyon ng Panay.

Kabilang si Ka Agnes sa mga kadreng nagkoordina ng gawaing relief and rehabilitation sa buong isla at maagap na tumugon para ayudahan ang mga biktima sa harap ng labis na kapabayaan ng rehimeng US-Aquino.

Pagpasok ng 2014, sinimulan na nilang isulong ang kampanyang masa ng pagbangon. Isinulong ang kilusang rehabilitasyon na mahigpit na nakaangkla sa pagsusulong ng digmang bayan dahil batid nilang nakaangkla sa pagrerebolusyon ang ganap na pagbangon mula sa karalitaan at pagsasamantala.

Hanggang bago maospital si Ka Agnes nitong Oktubre, nakatutok siya sa tuluy-tuloy na pagsusulong ng mga nasimulang proyekto at agresibong pagpapalawak pa ng saklaw ng kilusang pagbangon. Labis ang kanyang kasigasigan sa pagtupad sa mga gawain. Nabigyan niya ng inspirasyon ang mga kasama na magpursigi at magpakasigla sa pagpapalawak at pagpapatatag ng kanilang organisasyon.

Mahaba ang panahon ng pagseserbisyo ni Ka Agnes sa Partido Komunista ng Pilipinas at rebolusyonaryong kilusan. Noong maagang bahagi ng dekada 1990, itinalaga siya at kanyang asawa sa Central Front at kabilang sila sa namuno sa tuluy-tuloy na pagpapalakas at pagpapalawak ng BHB dito. Nagpamalas siya ng husay sa pamumuno sa pagdepensa ng masang Tumanduk sa kanilang lupaing ninuno laban sa 3rd ID.

Inilipat si Ka Agnes sa Eastern Panay noong 2012.

Bilang asawa at ina sa apat na anak, si Ka Agnes ay mahigpit na katuwang sa pagsisikap nilang mag-asawa na magtayo ng proletaryong pamilya. Sa gitna ng mabibigat na presyur sa pagpapamilya at mga paghimok ng ilang kamag-anak na mamuhay nang komportable, naging matatag siya at walang pagkakataon na nanghina.

Labis na nalungkot ang masa at mga kasama sa mga yunit ng hukbong bayan sa kanyang pagpanaw. Buhay sa kanilang alaala ang dedikasyon at katatagan ni Ka Agnes sa tuluy-tuloy na pagtupad sa kanyang mga tungkulin sa loob ng mahigit tatlong dekada. Sa gitna ng kanilang pagdadalamhati, taglay nila ang kapasyahang isabuhay ang iniwang halimbawa ng magiting at makulay na buhay ni Ka Agnes.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20141107/ka-agnes-susing-kadre-sa-kilusang-pagbangon-ng-eastern-panay

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.